2 Mga Hari 10
Magandang Balita Biblia
Nilipol ni Jehu ang Sambahayan ni Ahab
10 Si Ahab ay may pitumpung anak na lalaki sa Samaria. Sinulatan ni Jehu ang mga pinuno ng Jezreel, ang matatandang pinuno, at ang mga tagapag-alaga ng mga anak ni Ahab. Ganito ang nasa sulat:
2 “Sinulatan ko kayo sapagkat kayo ang tagapangalaga sa sambahayan ng inyong panginoon, at nasa pamamahala ninyo ang kanyang mga karwahe at mga kabayo, mga sandata, at mga lunsod na napapaligiran ng pader. 3 Piliin ninyo ang pinakamahusay sa mga anak ng inyong panginoon. Gawin ninyo siyang hari at ipagtanggol ninyo siya.” 4 Kinilabutan sa takot ang mga pinuno sa Samaria sapagkat naisip nila na kung ang dalawang hari ay walang nagawa laban kay Jehu, lalong wala silang magagawa. 5 Kaya, sinagot nila ang sulat ni Jehu at kanilang sinabi,
“Nakahanda kaming paalipin sa inyo. Susundin namin ang lahat ng ipag-uutos ninyo sa amin. Hindi kami maglalagay ng hari. Gawin na po ninyo ang inaakala ninyong mabuti.”
6 Sinulatan sila uli ni Jehu. Ang sabi sa sulat: “Kung talagang kampi kayo sa akin at handang sumunod sa mga utos ko, pugutan ninyo ng ulo ang mga anak ng inyong panginoon at dalhin dito sa Jezreel bukas ng ganitong oras.”
Ang pitumpung anak ni Haring Ahab ay nasa pangangalaga ng mga pangunahing lalaki ng lunsod. 7 Pagkatanggap nila sa sulat, pinugutan nila ng ulo ang mga anak ng hari, at ang mga ulo'y inilagay sa mga basket at ipinadala kay Jehu sa Jezreel.
8 Pagdating doon, sinabi sa kanya ng tagapagbalita, “Narito na po ang mga ulo ng mga anak ni Ahab.”
Sinabi ni Jehu, “Pagdalawahin ninyong bunton sa may pagpasok ng bayan at hayaan ninyo roon hanggang bukas ng umaga.” 9 Kinaumagahan, lumabas siya ng palasyo at sinabi sa mga tao, “Kayo ang humatol: kung ako ang pumatay sa aking panginoon, sino naman ang pumatay sa mga ito? 10 Natupad ngayon ang lahat ng sinabi ni Yahweh tungkol kay Ahab sa pamamagitan ni Propeta Elias.” 11 Wala(A) ngang itinira si Jehu sa sambahayan ni Ahab. Pinatay niyang lahat ang tauhan nito at mga kaibigan, pati ang mga pari.
Pinatay ang mga Kamag-anak ni Haring Ahazias
12 Pagkatapos, pumunta si Jehu sa Samaria. Sa daan, sa may lugar na tinatawag na Silungan ng mga Pastol, ay 13 nakasalubong niya ang mga kamag-anak ni Haring Ahazias ng Juda. Sila'y tinanong niya, “Sino kayo?”
“Mga kamag-anak po ni Haring Ahazias. Naparito kami upang dalawin ang mga anak ng hari at ng reyna,” sagot nila. 14 Ipinahuli niya ang mga ito at ipinapatay sa may hukay, malapit sa Silungan; wala siyang ipinatirang buháy. Lahat-lahat ng napatay ay apatnapu't dalawa.
Pinatay ang mga Natitirang Kamag-anak ni Ahab
15 Nang umalis doon si Jehu, nakasalubong niya si Jonadad na anak ni Recab. Binati siya ni Jehu at tinanong, “Ikaw ba'y buong pusong nakikiisa sa akin?”
“Oo,” sagot nito.
“Kung ganoon,” sabi ni Jehu, “sumakay ka sa aking karwahe.” At inalalayan niya ito sa pagsakay. 16 Sinabi pa niya, “Isasama kita para makita mo kung gaano ako katapat kay Yahweh.” At nagpatuloy silang magkasama sa karwahe. 17 Pagdating sa Samaria, pinatay niyang lahat ang natitira pang kamag-anak ni Ahab; wala siyang itinirang buháy, tulad ng sinabi ni Yahweh kay Elias.
Pinatay ni Jehu ang mga Sumasamba kay Baal
18 Tinipon ni Jehu ang mga tao at sinabi niya, “Hindi masyadong pinaglingkuran ni Ahab si Baal, ngunit higit ko siyang paglilingkuran. 19 Tawagin ninyo ang lahat ng mga propeta, mga pari at mga tagasunod ni Baal, at gagawa tayo ng isang malaking paghahandog kay Baal. Kailangang makasama ang lahat ng tagasunod ni Baal. Papatayin ang sinumang hindi sasama.” Ngunit paraan lamang ito ni Jehu upang mapatay niyang lahat ang mga sumasamba kay Baal. 20 Iniutos niya, “Ipahayag ninyong tayo'y mag-uukol ng pagsamba para kay Baal.” At ganoon nga ang ginawa nila. 21 Ang pahayag na ito'y ipinaabot niya sa buong Israel at dumalo naman ang lahat ng sumasamba kay Baal kaya't punung-puno ang templo ni Baal. 22 Sinabi ni Jehu sa tagapag-ingat ng mga kasuotan sa templo, “Ilabas mong lahat ang kasuotan at ipasuot sa mga sumasamba kay Baal.” Sumunod naman ito. 23 Pumasok siya sa templo, kasama si Jonadad na anak ni Recab. Sinabi niya sa mga lingkod ni Baal, “Tingnan ninyong mabuti at tiyaking walang mga lingkod si Yahweh na napasama sa inyo.” 24 Pumasok sila upang ialay ang mga handog na susunugin.
Si Jehu ay naglagay ng walumpung tauhan sa labas ng templo at pinagbilinan ng ganito: “Bantayan ninyong mabuti ang mga taong ito. Kayo ang papatayin ko kapag may nakatakas.” 25 Nang maialay na ang mga handog na susunugin, pinapasok niya ang mga kawal at mga pinuno at ipinapatay ang lahat ng nasa loob, saka isa-isang kinaladkad palabas. Nagtuloy sila sa kaloob-looban ng templo, 26 inilabas ang mga sagradong haligi sa templo ni Baal at sinunog. 27 Pagkatapos, winasak nila ang rebulto ni Baal at iginuho ang templo. At ang templo ay ginawa nilang tapunan ng dumi hanggang sa ngayon.
28 Ganoon ang ginawa ni Jehu upang alisin sa Israel ang pagsamba kay Baal. 29 Ngunit(B) tinularan din niya ang kasalanan ni Jeroboam na anak ni Nebat, na sumamba sa guyang ginto na nasa Bethel at Dan na siya namang naging dahilan ng pagkakasala ng Israel. 30 Sinabi ni Yahweh kay Jehu, “Dahil sa paglipol mo sa sambahayan ni Ahab na siya kong nais mangyari, sa sambayanan mo magmumula ang hari ng Israel, hanggang sa ikaapat na salinlahi.” 31 Ngunit si Jehu ay hindi nagpatuloy sa pagsunod sa Kautusan ni Yahweh, ang Diyos ng Israel. Tinularan niya ang masasamang gawa ni Jeroboam na naghatid sa Israel sa pagkakasala.
Ang Kamatayan ni Jehu
32 Nang panahong iyon, pinabayaan ni Yahweh na masakop ng ibang kaharian ang ibang lupain ng Israel. Unti-unti na silang nasasakop ni Hazael. 33 Nakuha na sa kanila ang gawing silangan ng Jordan: ang buong Gilead, Gad, Ruben at Manases mula sa Aroer, sa may kapatagan ng Arnon, pati ang Gilead at ang Bashan.
34 Ang iba pang ginawa ni Jehu ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Israel. 35 Namatay siya at inilibing sa Samaria at ang anak niyang si Joahaz ang pumalit sa kanya bilang hari. 36 Naghari si Jehu sa Israel sa loob ng dalawampu't walong taon.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.