2 Juan
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon)
1 Mula sa Matandang pinuno ng iglesya—
Para sa hinirang na Ginang at sa kanyang mga anak, na tunay kong minamahal. Hindi lamang ako kundi ang lahat ng nakakaalam ng katotohanan ay nagmamahal sa inyo, 2 sapagkat ang katotohanan ay nasa atin ngayon at magpakailanman.
3 Sa pamamagitan ng katotohanan at pag-ibig, ipagkakaloob sa atin ng Diyos Ama at ni Jesu-Cristo na Anak niya, ang pagpapala, habag, at kapayapaan.
Ang Katotohanan at ang Pag-ibig
4 Labis akong nagalak nang makita ko ang ilan sa iyong mga anak na namumuhay ayon sa katotohanan, alinsunod sa utos ng Ama sa atin. 5 At(A) ngayon, Ginang, hinihiling ko sa iyo na magmahalan tayong lahat. Hindi ito bagong utos kundi isang dating utos na sa simula pa'y nasa atin na. 6 At ganito ang pag-ibig na binabanggit ko: mamuhay tayo nang ayon sa mga utos ng Diyos. Ito ang utos na ibinigay sa inyo noon pang una: mamuhay kayo nang may pag-ibig.
7 Sapagkat nagkalat sa sanlibutan ang mga mandaraya! Ayaw nilang kilalanin na si Jesu-Cristo'y dumating bilang tao. Ang ganoong tao ay mandaraya at kaaway ni Cristo.[a] 8 Mag-ingat nga kayo upang huwag mawalang saysay ang aming pinagpaguran,[b] sa halip ay lubusan ninyong makamtan ang gantimpala.
9 Ang hindi nananatili sa turo ni Cristo kundi nagdaragdag dito, ay wala sa kanya ang Diyos. Sinumang nananatili sa turo ni Cristo ay nasa kanya ang Ama at ang Anak. 10 Sinumang dumating sa inyo na ibang turo ang dala ay huwag ninyong tanggapin sa inyong bahay, ni huwag ninyong batiin, 11 sapagkat ang bumabati sa kanya ay nagiging kaisa niya sa masamang gawain.
Panghuling Pananalita
12 Marami pa sana akong sasabihin sa inyo, ngunit ayaw ko nang gumamit ng papel at tinta. Sa halip, ako'y umaasang makapunta diyan at makausap kayo nang personal upang malubos ang ating kagalakan.
13 Kinukumusta ka ng mga anak ng iyong kapatid na babae na hinirang.