2 Cronica 35
Magandang Balita Biblia
Ang Pagdiriwang ng Paskwa sa Panahon ni Haring Josias(A)
35 Iniutos ni Josias na ang Paskwa ni Yahweh ay ipagdiwang sa Jerusalem noong ikalabing apat na araw ng unang buwan. Kaya't pinatay nila ang mga korderong pampaskwa. 2 Ibinalik niya ang mga pari sa kani-kanilang tungkulin at pinagbilinang pagbutihin ang paglilingkod sa loob ng Templo ni Yahweh. 3 Sinabi naman niya sa mga Levita, na mga tagapagturo sa mga Israelita at matatapat kay Yahweh: “Dalhin ninyo ang Kaban ng Tipan sa Templong ipinagawa ni Solomon na anak ni David. Hindi na ninyo ito papasanin ngayon. Panahon na upang paglingkuran ninyo ang Diyos ninyong si Yahweh at ang bayang Israel. 4 Ayusin(B) ninyo ang inyong mga pangkat na manunungkulan ayon sa kani-kanilang sambahayan batay sa mga tagubilin ni Haring David at ng anak niyang si Solomon. 5 Pagbukud-bukurin ninyo sa bulwagan ng Templo ang inyong mga kababayang hindi Levita ayon din sa sambahayan. Bawat pangkat ay pasasamahan ninyo ng isang pangkat ng mga Levita. 6 Patayin ninyo ang korderong pampaskwa, linisin ninyo ang inyong mga sarili ayon sa Kautusan at ihanda ang mga handog upang magampanan ng inyong mga kababayan ang ayon sa mga bilin ni Yahweh sa pamamagitan ni Moises.”
7 Nagbigay si Josias ng 30,000 kordero at mga batang kambing bilang handog na susunugin bukod pa sa 3,000 torong panghandog para pagsalu-saluhan. 8 Ang mga pinuno sa ilalim niya ay buong puso ring nagkaloob ng handog para sa bayan, sa mga pari at sa mga Levita. Ang mga punong-katiwala naman sa Templo na sina Hilkias, Zacarias at Jehiel ay nagbigay ng dalawang libo at animnaraang tupa para sa mga pari at tatlong daang toro bilang handog pampaskwa. 9 Ang mga pinuno naman ng mga Levita na sina Conanias, Semaya, Nathanael, Hosabias, Jehiel at Jozabad ay nagbigay ng limanlibong kordero at batang kambing para sa mga Levita at limandaang toro bilang handog na pampaskwa.
10 Matapos ihanda ang lahat, tumayo na sa kanya-kanyang puwesto ang mga pari. Ang mga Levita nama'y kasama ng kani-kanilang pangkat ayon sa utos ng hari. 11 Pinatay nila ang mga korderong pampaskwa at ang dugo nito ay ibinuhos ng mga pari sa ibabaw ng altar samantalang binabalatan naman ng mga Levita ang mga hayop. 12 Pagkatapos, kinuha nila ang taba nito at ipinamahagi sa mga tao ayon sa kani-kanilang sambahayan upang ihandog kay Yahweh ayon sa nakasulat sa Aklat ni Moises. Ganoon din ang ginawa nila sa mga toro. 13 Nilitson(C) nila ang korderong pampaskwa ayon sa tuntunin. Ang iba namang karneng handog ay inilaga sa mga palayok, kaldero at kawa at ipinamigay sa mga tao. 14 Pagkatapos nito, naghanda ang mga Levita ng pagkain para sa kanila at sa mga paring mula sa angkan ni Aaron. Sila rin ang naghanda ng pagkain ng mga pari sapagkat hanggang sa gabi ang mga ito'y abalang-abala sa pag-aalay ng mga handog na susunugin at ng mga taba. 15 Nanatili(D) sa kanilang mga puwesto ang mga mang-aawit, ang mga anak ni Asaf ayon sa tuntuning itinakda ni Haring David at ng mga lingkod niyang sina Asaf, Heman at Jeduthun na propeta ng hari. Hindi na rin kailangang umalis ang mga bantay sa pinto sapagkat lahat sila'y dinadalhan ng pagkain ng mga Levita.
16 Ang lahat ay ginawa ayon sa tagubilin ni Haring Josias: ang pagpupuri kay Yahweh, ang pagdiriwang ng Paskwa at ang paghahandog. 17 Pitong(E) araw na ipinagdiwang ng mga Israelita ang Paskwa at ang Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa. 18 Mula pa noong panahon ni propeta Samuel, wala pang ganitong pagdiriwang ng Paskwa na naganap sa Israel. Wala ring ibang hari sa Israel na nakagawa ng ginawang ito ni Haring Josias. Siya lamang ang nakapagtipon ng lahat ng pari, Levita at ng mga taga-Juda at taga-Israel kasama ang mga taga-Jerusalem upang ipagdiwang ang Paskwa. 19 Naganap ito noong ikalabing walong taon ng kanyang paghahari.
Ang Buod ng Kasaysayan ni Haring Josias(F)
20 Nang maisaayos na ni Josias ang lahat ng nauukol sa Templo, sinalakay ni Haring Neco ng Egipto ang Carquemis sa may Ilog Eufrates. Hindi ito nagustuhan ni Josias kaya't hinarap niya ito. 21 Dahil dito, nagpadala ng sugo si Neco at sinabi, “Wala tayong dapat pag-awayan, mahal na hari ng Juda. Hindi ikaw ang pinuntahan ko rito kundi ang aking mga kaaway. Sinabi sa akin ng Diyos na tapusin ko agad ito. Kakampi ko ang Diyos kaya't huwag mo na akong hadlangan kung ayaw mong puksain ka niya.” 22 Ngunit hindi nagbago ng isip si Josias. Ipinasiya niyang lumaban. Hindi siya naniwala sa sinabi ng Diyos sa pamamagitan ni Neco. Nagbalatkayo siya at pumunta sa labanan sa kapatagan ng Megido. 23 Sa kainitan ng labanan ay tinamaan si Haring Josias ng palaso at malubhang nasugatan. Kaya't iniutos niya sa kanyang mga tauhan na ilayo na siya roon. 24 Inilipat siya ng mga ito sa ikalawang karwahe at dinala sa Jerusalem. Subalit namatay din siya at inilibing sa libingan ng kanyang mga ninuno. Nagluksa ang buong Juda at Jerusalem dahil sa kanyang pagkamatay. 25 Nagluksa rin si Jeremias at lumikha pa siya ng isang awit ng pagluluksa sa pagkamatay ni Josias. Inaawit pa ito hanggang ngayon ng mga mang-aawit bilang pag-alala sa kanya. Naging kaugalian na ito sa Israel at ang awiting ito'y matatagpuan sa Aklat ng mga Pagluluksa.
26 Ang iba pang mga ginawa ni Josias at ang kanyang paglilingkod sa Diyos, pagsunod sa Kautusan ni Yahweh, 27 buhat sa simula hanggang wakas, ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Israel at Juda.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.