2 Cronica 32
Magandang Balita Biblia
Ang Babala ng mga Taga-Asiria Laban sa Jerusalem(A)
32 Matapos isagawa ni Ezequias ang lahat ng ito at ipakita ang kanyang katapatan sa Diyos, ang Juda ay sinalakay ni Senaquerib, hari ng Asiria. Pinalibutan ng kanyang mga kawal ang mga may pader na lunsod at humandang pasukin ang mga ito. 2 Nang makita ni Ezequias ang balak na paglusob na ito sa Jerusalem, 3 sumangguni siya sa kanyang mga pinuno. Nagkaisa silang harangin ang pag-agos ng bukal ng tubig sa labas ng lunsod. 4 Tumawag sila ng maraming tao at hinarangan nga nila ang lahat ng bukal at ilog upang ang mga ito'y hindi pakinabangan ng mga taga-Asiria. 5 Ipinaayos ni Ezequias ang mga wasak na pader at pinalagyan niya ito ng mga toreng-bantayan. Nagpatayo siya ng isa pang muog sa labas nito at pinatatag ang Millo sa Lunsod ni David. Pagkatapos, nagpagawa siya ng maraming mga sandata at kalasag. 6 Ang mga kalalakihan sa lunsod ay ipinailalim niya sa mga opisyal ng hukbo. Tinipon niya ang mga ito sa may pintuan ng lunsod at pinagbilinan ng ganito: 7 “Maging matapang kayo. Lakasan ninyo ang inyong loob. Huwag kayong matakot sa mga taga-Asiria. Mas malakas ang kapangyarihang nasa panig natin kaysa nasa panig nila. 8 Nasa tao ang kanyang lakas samantalang nasa panig natin ang ating Diyos na si Yahweh. Tutulungan niya tayo at ipaglalaban.” Sa sinabing ito ni Haring Ezequias, nabuhayan ng loob ang mga tao.
9 Nasa Laquis noon si Haring Senaquerib ng Asiria kasama ang kanyang hukbo at pinapaligiran nila ang lunsod na iyon. Nagpadala siya ng mga sugo kay Ezequias at sa mga taga-Jerusalem. 10 Ganito ang sabi niya: “Napapalibutan na namin kayo diyan sa Jerusalem. Ano sa palagay ninyo ang makakapagligtas sa inyo? 11 Sumuko na kayo para hindi kayo mamatay sa gutom at uhaw. Nililinlang lamang kayo ni Ezequias! Paano kayo maililigtas ng Diyos ninyong si Yahweh sa kamay ng hari ng Asiria? 12 Hindi ba't si Ezequias ang nagpagiba ng mga altar at sagradong burol at nag-utos sa inyo na sa isang altar lamang kayo sasamba at maghahandog? 13 Alam ninyo ang ginawa ko at ng aking mga ninuno sa mga mamamayan ng ibang lupain. Nailigtas ba sila ng kanilang mga diyos? 14 Wala ni isa sa dinidiyos ng mga bansang winasak ng aking mga ninuno ang nakapagligtas sa kanila! Hindi rin kayo maililigtas ng inyong Diyos! 15 Huwag kayong magpaloko diyan kay Ezequias. Huwag kayong maniwala sa kanya. Walang diyos ng alinmang bansa o kaharian ang nakapagligtas sa kanilang bayan sa kamay ko at sa aking mga ninuno. Hindi rin kayo maililigtas ng inyong Diyos!”
16 Ang mga sugo ni Senaquerib ay marami pang sinabi laban sa Panginoong Yahweh at kay Ezequias na kanyang lingkod. 17 May sulat pa ang hari na lumalait kay Yahweh, ang Diyos ng Israel. Ganito ang sinasabi: “Hindi maipagtatanggol ng Diyos ni Ezequias ang kanyang bayan laban sa akin, tulad ng mga diyos ng mga bansang walang nagawa sa akin.” 18 Ipinagsigawan nila ito sa wikang Hebreo upang matakot at panghinaan ng loob ang mga taga-Jerusalem na nasa may pader ng lunsod. Sa ganitong paraan ay magiging madali ang pagsakop nila sa lunsod. 19 Sinasabi nila na ang Diyos ng Jerusalem ay tulad lamang ng mga diyus-diyosan ng ibang bansa na gawa lamang ng kamay ng tao.
20 Dahil dito, nanalangin at humingi ng saklolo sa Diyos sina Haring Ezequias at si propeta Isaias na anak ni Amoz. 21 Nagsugo si Yahweh ng isang anghel at pinatay nito ang mga pinuno at mga kawal ng Asiria. Kaya ang hari ng Asiria ay umuwing hiyang-hiya. Nang pumasok siya sa templo ng kanyang diyos, pinatay siya sa saksak ng sarili niyang mga anak.
22 Sa ganoong paraan iniligtas ni Yahweh sina Ezequias at ang mga taga-Jerusalem sa kamay ni Haring Senaquerib ng Asiria at ng lahat ng mga kaaway. Binigyan ni Yahweh ng kapayapaan ang buong bansa. 23 Maraming nagpuntahan sa Jerusalem. Naghandog sila kay Yahweh at nagkaloob ng mahahalagang bagay kay Haring Ezequias. Mula noo'y pinarangalan siya ng lahat ng bansa.
Ang Pagkakasakit ni Ezequias at ang Kanyang Kapalaluan(B)
24 Di nagtagal ay nagkasakit nang malubha si Ezequias. Nanalangin siya kay Yahweh at binigyan siya nito ng isang palatandaan na siya'y gagaling. 25 Ngunit hindi niya kinilalang utang na loob ang ginawa ni Yahweh para sa kanya. Sa halip ay naging palalo siya kaya naman pinarusahan siya ng Diyos, pati ang Juda at Jerusalem. 26 Ngunit sa bandang huli ay nagpakumbaba siya at ang mga taga-Jerusalem. Dahil dito, hindi pinarusahan ni Yahweh ang sambayanan habang nabubuhay pa si Ezequias.
Ang Kayamanan at ang Kadakilaan ni Ezequias(C)
27 Napakarami ng kayamanang naipon ni Ezequias. Kaya nagpagawa siya ng sariling imbakan ng pilak, ginto, mahahalagang bato, pabango, mga kalasag at mahahalagang kasangkapan. 28 Nagpagawa rin siya ng mga bodega ng trigo, alak at langis at mga kulungan ng baka at tupa. 29 Dumami ang kawan ng kanyang mga hayop. Pinayaman siya ng Diyos. 30 Hinarangan niya ang batis ng Gihon sa gawing itaas ng lunsod at pinalihis sa gawing kanluran patungo sa Lunsod ni David. Masasabing si Ezequias ay nagtagumpay sa lahat ng kanyang ginawa, 31 maging sa pakikitungo sa mga sugo ng hari ng Babilonia na dumating sa kanya upang magsiyasat sa mga pambihirang pangyayari sa lupain. Hinayaan siya ng Diyos na gawin ang gusto niya upang subukin ang kanyang pagkatao.
Ang Buod ng Kasaysayan ni Ezequias(D)
32 Ang iba pang mga pangyayari sa paghahari ni Ezequias at ang kanyang mabubuting ginawa ay nakasulat sa Ang Pangitain ni Propeta Isaias na Anak ni Amoz at saKasaysayan ng mga Hari ng Juda at Israel. 33 Namatay si Ezequias at inilibing sa pinakamataas na libingan ng mga anak ni David. Sa pagkamatay niya'y pinarangalan siya ng buong Juda at Jerusalem. Ang anak niyang si Manases ang humalili sa kanya bilang hari.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.