2 Cronica 30
Magandang Balita Biblia
Ang Paghahanda para sa Paskwa
30 Inanyayahan ni Ezequias ang buong Israel at Juda upang idaos sa Jerusalem ang Paskwa ni Yahweh, ang Diyos ng Israel. Pinadalhan din niya ng sulat ang mga taga-Efraim at Manases. 2 Pinag-usapan(A) ng hari, ng mga pinuno at ng buong kapulungan na idaos ang Paskwa sa ikalawang buwan. 3 Hindi ito naidaos sa takdang panahon sapagkat maraming pari ang hindi pa nakakapaglinis ng sarili ayon sa Kautusan at kaunti lamang ang taong natipon noon sa Jerusalem. 4 Nagkaisa ang hari at ang buong kapulungan sa ganoong panukala. 5 Kaya't ibinalita nila sa buong Israel mula Beer-seba hanggang Dan na kailangang dumalo ang lahat sa Jerusalem upang idaos ang paskwa ni Yahweh, ang Diyos ng Israel. Ayon sa ulat, ito ang pagtitipong dinaluhan ng pinakamaraming tao. 6 Ganito ang nakasaad sa paanyaya na ipinadala ng hari at ng mga pinuno: “Mga taga-Israel, magbalik-loob kayo kay Yahweh, ang Diyos nina Abraham, Isaac at Israel upang kalingain niyang muli ang mga nakaligtas sa inyo na di nabihag ng mga hari ng Asiria. 7 Huwag ninyong tularan ang ugali ng inyong mga ninuno at mga kababayan na nagtaksil sa Panginoong Yahweh. Kaya matindi ang parusa sa kanila ng Diyos tulad ng inyong nakikita ngayon. 8 Huwag maging matigas ang ulo ninyo katulad nila. Sa halip, maging masunurin kayo kay Yahweh. Dumulog kayo sa kanyang Templo na inilaan niya para sa kanyang sarili magpakailanman. Paglingkuran ninyo ang Diyos ninyong si Yahweh upang mapawi ang galit niya sa inyo. 9 Kung manunumbalik kayo sa kanya, ang inyong mga kababayan at kamag-anak na dinalang-bihag sa ibang bansa ay kahahabagan ng mga bumihag sa kanila at pababalikin sila sa lupaing ito. Mahabagin at mapagpala ang Diyos ninyong si Yahweh at tatanggapin niya kayo kung kayo'y manunumbalik sa kanya.”
10 Pinuntahan ng mga sugo ang lahat ng lunsod sa lupain ng Efraim at Manases hanggang sa Zebulun ngunit pinagtawanan lamang sila ng mga ito. 11 Mayroon din namang ilan mula sa Asher, Manases at Zebulun na nagpakumbaba at pumunta sa Jerusalem. 12 Ngunit niloob ng Diyos na dumalong lahat ang mga taga-Juda at magkaisa silang sumunod sa utos ng hari at ng mga pinuno nila ayon sa salita ni Yahweh.
Ang Pagdiriwang ng Paskwa
13 Napakaraming pumunta sa Jerusalem noong ikalawang buwan upang ipagdiwang ang Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa. 14 Inalis nila ang mga altar sa Jerusalem na pinagsunugan ng mga handog at ng insenso at itinapon ang mga ito sa Libis ng Kidron. 15 Pinatay nila ang mga korderong pampaskwa noong ikalabing apat na araw ng ikalawang buwan. Napahiya ang mga pari at Levita kaya naglinis sila ng sarili at nagdala ng mga handog na susunugin sa Templo ni Yahweh. 16 Muli nilang ginampanan ang dati nilang tungkulin ayon sa Kautusan ni Moises na lingkod ng Diyos. Iwinisik ng mga pari sa altar ang dugong ibinigay sa kanila ng mga Levita. 17 Marami sa kapulungan ang hindi pa nakakapaglinis ng kanilang sarili ayon sa Kautusan kaya nagpatay ang mga Levita ng mga korderong pampaskwa upang maging banal ang mga ito para kay Yahweh. 18 Kahit marami ang hindi pa nakakapaglinis ng kanilang sarili ayon sa Kautusan, kumain na rin sila ng korderong pampaskwa. Karamihan sa mga ito ay buhat sa Efraim, Manases, Isacar at Zebulun. Gayunman, nanalangin ng ganito si Ezequias para sa kanila: 19 “O Yahweh, Diyos ng aming mga ninuno, patawarin po ninyo ang lahat nang sumasamba sa inyo nang buong puso kahit hindi sila nakapaglinis ng sarili ayon sa kautusan.” 20 Pinakinggan ni Yahweh si Ezequias at pinatawad ang mga tao. 21 Pitong araw nilang ipinagdiwang ang Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa. Buong lakas na umawit ng papuri araw-araw ang mga pari at ang mga Levita kay Yahweh. 22 Pinuri ni Haring Ezequias ang mga Levita dahil sa maayos nilang pangangasiwa ng pagsamba kay Yahweh. Pitong araw na ipinagdiwang ng bayan ang kapistahang iyon. Nag-alay sila ng mga handog pangkapayapaan, kumain ng mga handog at nagpuri kay Yahweh, ang Diyos ng kanilang mga ninuno.
23 Nagkaisa ang kapulungan na ipagpatuloy ng pitong araw pa ang pista. Kaya, pitong araw pa silang nagsaya. 24 Nagkaloob si Haring Ezequias ng sanlibong toro at pitong libong tupa para sa pagtitipong iyon. Ang mga pinuno naman ay nagkaloob ng sanlibong toro at sanlibong tupa para sa mga tao. Dahil dito, maraming mga pari ang naglinis ng kanilang sarili ayon sa Kautusan. 25 Masayang-masaya ang lahat, ang mga mamamayan ng Juda, ang mga pari at ang mga Levita. Gayundin ang lahat ng dumalo buhat sa Israel at ang mga dayuhang nakikipanirahan sa Israel at sa Juda. 26 Noon lamang nagkaroon ng ganoong pagdiriwang sa Jerusalem mula noong panahon ni Solomon na anak ni Haring David ng Israel. 27 Tumayo ang mga pari at ang mga Levita at binasbasan ang mga tao. Ang panalangin nila'y nakaabot sa tahanan ng Diyos sa langit.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.