2 Cronica 1
Magandang Balita Biblia
Binigyan ng Karunungan si Solomon(A)
1 Naging matatag ang paghahari ni Solomon na anak ni David sapagkat pinagpapala siya ng Diyos niyang si Yahweh at pinalakas ang kanyang kapangyarihan. 2 Ipinatawag niya ang mga pinunong namamahala sa libu-libo at sa daan-daan, ang lahat ng may kapangyarihan at ang buong bayan. 3 Isinama niya ang mga ito sa burol ng Gibeon, sa Toldang Tipanan, na ginawa ni Moises noong sila'y nasa ilang. 4 Ngunit(B) wala roon ang Kaban ng Tipan sapagkat ito'y kinuha ni David sa Lunsod ng Jearim at dinala sa Jerusalem, sa toldang itinayo niya roon. 5 Ang(C) nasa Gibeon, sa harap ng tabernakulo ni Yahweh, ay ang altar na tanso na ginawa ni Bezalel, anak ni Uri at apo ni Hur. 6 Pagdating sa Gibeon, nag-alay si Solomon ng sanlibong handog na susunugin sa altar na tanso na nasa loob ng Toldang Tipanan.
7 Kinagabihan, nagpakita ang Diyos kay Solomon at sinabi sa kanya: “Sabihin mo kung ano ang gusto mo, at ibibigay ko sa iyo.”
8 Sumagot si Solomon: “Napakabuti ninyo sa aking amang si David. At ngayo'y ginawa ninyo akong hari kahalili niya. 9 Panginoong(D) Yahweh, natupad sa akin ang pangako ninyo sa kanya. Ginawa ninyo akong hari ng isang lahing sindami ng alabok sa lupa. 10 Kaya ngayon, ang hiling ko'y bigyan ninyo ako ng karunungan at kaalaman upang mapamahalaan ko ang bayang ito. Kung hindi, paano ko pamamahalaan ang malaking bayang ito?”
11 “Mabuti ang hiniling mo,” sagot ng Diyos kay Solomon. “Hindi ka naghangad ng kayamanan o karangalan. Hindi mo hinihiling ang kamatayan ng iyong mga kaaway o pahabain ang iyong buhay. Sa halip, ang hiningi mo'y karunungan at kaalaman sa pamamalakad sa bayang ito na niloob kong pagharian mo. 12 Ipinagkakaloob ko sa iyo ang hinihingi mo. At hindi lamang iyan! Bibigyan pa kita ng kayamanan at karangalan na kailanma'y hindi nakamtan ng mga haring nauna sa iyo, at hindi kakamtan ng mga susunod pa.” 13 Pagkatapos sumamba sa Gibea, bumalik si Solomon sa Jerusalem. At siya'y naghari sa Israel.
Ang Kayamanan at Kapangyarihan ni Solomon(E)
14 Nagtatag(F) si Solomon ng isang hukbong binubuo ng 1,400 karwahe at 12,000 mangangabayo. Ang mga ito'y inilagay niya sa mga bayang himpilan ng mga karwahe at sa Jerusalem upang bantayan ang hari. 15 Sa panahon ng paghahari ni Haring Solomon, ang ginto at pilak sa Jerusalem ay naging pangkaraniwan lamang na parang bato, at ang kahoy na sedar ay naging sindami ng sikamoro sa paanan ng mga burol. 16 Ang(G) mga kabayo niya'y galing pa sa Egipto at sa Cilicia, na binibili ng kanyang mga tagapamili. 17 Bumibili rin siya ng mga karwahe sa Egipto sa halagang 600 pirasong pilak ang isa, at sa 150 pirasong pilak naman ang isang kabayo. Ang mga ito'y ipinagbibili naman niya sa mga hari ng mga Heteo at mga Arameo.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.