2 Corinto 8
Ang Salita ng Diyos
Pinayuhan ni Pablo ang mga Tao na Magbigay nang Maluwag
8 Mga kapatid, ibig naming malaman ninyo na ang biyaya ng Diyos ay ipinagkaloob sa mga iglesiya sa Macedonia.
2 Ang dinanas nilang paghihirap na naging pagsubok sa kanila ay nagdulot ng kasaganaan ng kanilang kagalakan sa gitna ng matinding karukhaan. At ito ay lalong sumagana sa matapat na pagbibigay. 3 Ito ay sapagkat pinatotohanan ko na ayon sa kanilang kakayahan at higit pa sa kanilang kakayanan, sila ay lalong nagkusa. 4 Sa maraming pakikiusap, namanhik sila sa amin na ipagkaloob namin sa kanila ang karapatan ng pakikipag-isa sa paglilingkod para sa mga banal. 5 Hindi lang ang inaasahan namin ang ginawa nila subalit ipinagkaloob muna nila ang kanilang mga sarili sa Panginoon at sa amin ayon sa kalooban ng Diyos. 6 Dahil dito, ipinamanhik namin kay Tito na kung papaano siya nagsimula noon, lubusin din niya ng gayon sa inyo ang kaloob na ito. 7 Subalit sumasagana ang lahat ng bagay sa inyo, sa pananampalataya, sa salita, sa kaalaman, sa kasigasigan at sa pag-ibig ninyo sa amin. Kung gaano kayo sumagana sa mga ito, sumaganang gayon ang biyayang ito sa inyo.
8 Nagsasalita ako hindi ayon sa utos kundi sa pamamagitan ngpagsusumigasig ng iba at sa pagsubok sa katapatan ng inyong pag-ibig. 9 Ito ay sapagakat alam ninyo ang biyaya ng ating Panginoong Jesucristo. Alam ninyo na kahit na mayaman siya alang-alang sa inyo, siya ay naging mahirap. Ito ay upang sa pamamagitan ng kaniyang kahirapan kayo ay maging mayaman.
10 Ito ang payo ko sa inyo sa bagay na ito. Kayo ang nagpasimula noong nakaraang taon, hindi lamang dahil kayoay handa kundi dahil kayo ay may kusa sa pagbibigay. 11 Ngayon, kapakipakinabang sa inyo na inyong lubusin ang pagsasagawa nito. Kung paano nga kayo naghanda sa kusang pagbibigay, gayundin naman lubusin ninyo ayon sa nasa inyo. 12 Ito ay sapagkat kapag naroroon nga ang kahandaan, ito ay tinatanggap nang ayon sa kung ano ang mayroon sa tao at hindi nang ayon sa wala sa kaniya.
13 Ito ay sapagkat hindi namin ninanais na ang iba ay madadalian at kayo ay mabigatan. Ang nais namin ay pagkakapantay-pantay. Sa kasalukuyan ang inyong kasaganaan ay sa kanilang kakulangan. 14 At upang ang kanilang kasaganaan sa ngayon ay magpuno sa inyong kakulangan upang magkaroon ng pagkakapantay-pantay. 15 Ayon sa nasusulat:
Siya na nagtipon ng marami ay hindi nagkalabis, at siya na nagtipon ng kaunti ay hindi nagkulang.
Isinugo ni Pablo si Tito sa Corinto
16 Nagpapasalamat ako sa Diyos na nagbigay sa puso ni Tito ng gayunding pagsusumigasig para sa inyo.
17 Ito ay sapagkat tinanggap nga niya ang pamamanhik, ngunit dahil sa higit na pagsusumigasig, nagkusa siyang pumunta sa inyo. 18 Isinugo naming kasama niya ang isang kapatid na ang pagpupuri ay nasa ebanghelyo sa lahat ng mga iglesiya. 19 Hindi lang gayon, kundi siya ay pinili ng mga iglesiya na maglakbay kasama namin sa kaloob na ito na siyang ipinaglingkod namin sa ikaluluwalhati ng Panginoon at nang ikahahayag ng inyong kahandaan. 20 Iniiwasan naming may masabi ang sinuman sa kasaganaang ito na aming ipinaglingkod. 21 Isinasaalang-alang namin ang nararapat na bagay hindi lamang sa harap ng Diyos kundi maging sa harap ng mga tao.
22 Isinugo naming kasama nila ang ating kapatid na lagi naming napapatunayang masikap sa maraming bagay. Sa ngayon siya ay lalong masikap dahil sa malaking pagtitiwala ko sa inyo. 23 Patungkol kay Tito, siya ang aking katuwang at isang kamanggagawa para sa inyo. Patungkol sa mga iglesiya, sila ay kaluwalhatian ni Cristo. 24 Ipakita nga ninyo sa kanila at sa harap ng iglesiya ang katibayan ng inyong pag-ibig at ang katibayan ng aming pagmamalaki sa inyo.
Copyright © 1998 by Bibles International