2 Corinto 5
Ang Salita ng Diyos
Ang Ating Tirahan sa Langit
5 Sapagkat alam natin na kung ang ating panlupang bahay na isang tolda lamang ay masira, mayroon tayong gusaling mula sa Diyos. Ito ay isang bahay na hindi gawa ng mga kamay, ito ay pangwalang hanggan sa kalangitan.
2 Sa ganito tayo ay dumaraing at nananabik na mabihisan ng ating tahanang mula sa langit. 3 Kung mabihisan na tayo, hindi na tayo masusumpungang hubad. 4 Ito ay sapagkat tayo na nasa toldang ito ay dumaraing at nabibigatan yamang hindi natin ibig na maging mga hubad. Sa halip ay ibig nating lubos na mabihisan. Ito ay upang ang may kamatayan ay lamunin na ng buhay. 5 Ang Diyos ang siyang gumawa sa atin para sa bagay na ito. Siya rin ang nagbigay sa atin ng Espiritu bilang katiyakan.
6 Dahil dito lagi tayong may katiyakan at alam natin na habang nananahan tayo sa katawang ito, wala tayo sa tahanang mula sa Diyos. 7 Ito ay sapagkat namumuhay tayo sa pananampalataya, hindi sa mga bagay na nakikita. 8 Nakakatiyak tayo at higit na nanaising mawala sa katawan at manahang kasama ng Panginoon. 9 Kaya nga, naghahangad tayong maging kaluguran sa kaniya maging tayo man ay nananahan sa katawan o wala sa katawan. 10 Ito ay sapagkat tayong lahat ay haharap sa luklukan ng paghatol ni Cristo upang ang bawat isa ay tumanggap ng nauukol sa atin para sa mga bagay na ginawa sa katawan maging ito man ay mabuti o masama.
Ang Paglilingkod na Maipagkasundo ang mga Tao sa Diyos
11 Dahil alam namin ang pagkatakot sa Panginoon, kaya hinihikayat namin ang mga tao. Ngunit kami ay nahahayag sa Diyos at umaasa na ako ay mahahayag din sa inyong mga budhi.
12 Ito ay sapagkat hindi namin ipinagmamapuring muli ang aming mga sarili sa inyo. Ibinibigay namin ang pagkakataon sa inyo na kami ay inyong maipagmalaki, upang masagot ninyo sila na mga nagmamalaki ayon sa nakikita at hindi mula sa puso. 13 Ito ay sapagkat kung wala kami sa aming sarili, iyon ay alang-alang sa Diyos. Kung kami naman ay nasa wastong pag-iisip, iyon ay alang-alang sa inyo. 14 Ito ay sapagkat ang pag-ibig ni Cristo ang nag-uudyok sa amin. Dahil pinagpasiyahan namin na yamang may isang namatay para sa lahat, kung gayonang lahat ay patay. 15 Namatay siya para sa lahat upang sila na nabubuhayay hindi na mamuhay para sa kanilang sarili. Sa halip, sila ay mamuhay para sa kaniya na namatay para sa kanila at muling nabuhay.
16 Mula ngayon hindi na natin nakikila ang sinumang tao ayon sa makataong paraan. Kahit kilala natin si Cristo sa ganitong paraan noon, sa ngayon ay hindi na. 17 Kaya nga, kung ang sinuman ay na kay Cristo, siya ay bago nang nilalang. Ang mga dating bagay ay lumipas na, narito, ang lahat ng bagay ay naging bago. 18 Ang lahat ng mga bagay ay sa Diyos. Sa pamamagitan ni Jesucristo dinala niya tayo upang ipagkasundo sa kaniya. At ibinigay niya sa atin ang gawain ng paglilingkod para sa pakikipagkasundo. 19 Papaanong sa pamamagitan ni Cristo ay ipinagkasundo ng Diyos ang sanlibutan sa kaniyang sarili, na hindi niya ibinibilang sa kanila ang kanilang mga pagsalangsang. Ipinagkatiwala niya sa amin ang salita ng pakikipagkasundo. 20 Para kay Cristo, kami nga ay mga kinatawan na waring ang Diyos ang namamanhik sa pamamagitan namin. Nagsusumamo kami alang-alang kay Cristo na makipagkasundo kayong muli sa Diyos. 21 Ito ay sapagkat siya na hindi nagkasala ay ginawang kasalanan para sa atin upang tayo ay maging katuwiran ng Diyos sa kaniya.
Copyright © 1998 by Bibles International