2 Corinto 3
Ang Salita ng Diyos
3 Magsisimula ba kaming papurihan muli ang aming mga sarili? Kailangan ba, tulad ng iba, ang sulat ng pagkilala para sa inyo, o ang sulat ng pagkilala mula sa inyo? 2 Kayo ang aming sulat na iniukit sa aming mga puso na nalalaman at nababasa ng lahat ng mga tao. 3 Nahahayag kayo na mga sulat ni Cristo na pinaglingkuran namin. Hindi kayo isinulat sa pamamagitan ng tinta kundi sa pamamagitan ng Espiritu ng buhay na Diyos. Hindi kayo iniukit sa mga tipak ng bato kundi sa mga tipak ng pusong laman.
4 Mayroon kaming ganitong pagtitiwala sa pamamagitan ni Cristo patungkol sa Diyos. 5 Hindi namin inaangkin na kaya naming gawin ang anumang bagay sa aming sarili. Wala kaming kakayahan sa aming sarili, subalit ang aming kakayahan ay sa Diyos. 6 Siya rin ang gumawa na kami ay maging mga may kakayanang tagapaglingkod ng bagong tipan. Ito ay hindi sa pamamagitan ng kasulatan ng kautusan kundi ng Espiritu dahil ang kasulatan ng kautusan ay pumapatay, ngunit ang Espiritu ay nagbibigay ng buhay.
Ang Kaluwalhatian ng Bagong Tipan
7 Ang paglilingkod ng kamatayan sa mga sulat na iniukit sa mga bato ay ginawa na may kaluwalhatian. Ito ay upang ang mga anak ni Israel ay hindimakatitig sa mukha ni Moises dahil sa kaluwalhatian ng kaniyang mukha. Ang kaluwalhatiang iyon ay lilipas.
8 Kung ganito ito, bakit hindi magiging lalong maluwalhati ang paglilingkod ng Espiritu? 9 Ito ay sapagkat kung ang paglilingkod ng kahatulan ay maluwalhati, lalong higit ang kaluwalhatian ng paglilingkod ng katuwiran. 10 Ito ay sapagkat kahit na ang ginawang maluwalhati ay hindi naging maluwalhati sa ganitong paraan dahil sa nakakahigit na kaluwalhatian. 11 Ito ay sapagkat kung ang lumipas ay may kaluwalhatian, lalo ngang higit ang kaluwalhatian niya na nananatili.
12 Sa pagkakaroon nga ng pag-asang ito, lalong malakas ang aming loob. 13 At hindi kami katulad ni Moises na naglagay ng lambong sa kaniyang mukha upang hindi matitigan ng mga anak ni Israel ang katapusan noong lumilipas. 14 Ang kanilang mga pag-iisip ay binulag dahil hanggang sa ngayon nanatili pa rin na ang lambong na iyon ay hindi inaalis sa pagbasa ng lumang tipan. Iyon ay lumipas na kay Cristo. 15 Hanggang sa ngayon kapag binabasa ang aklat ni Moises, may lambong sa kanilang mga puso. 16 Kapag ito ay bumalik sa Panginoon, ang lambong ay aalisin. 17 Ang Panginoon ay Espiritu at kung saan naroroon ang Espiritu ng Panginoon, naroroon ang kalayaan. 18 Ngunit makikita nating lahat, ng walang takip sa mukha, ang kaluwalhatian ng Panginoon. Tulad sa isang salamin, makikita nating lahat na tayo ay matutulad sa gayong anyo mula sa kaluwalhatian tungo sa kaluwalhatian. Ito ay tulad ng nagmula sa Panginoon na siyang Espiritu.
Copyright © 1998 by Bibles International