1 Timoteo 5:1-8
Ang Biblia, 2001
Mga Tungkulin sa mga Mananampalataya
5 Huwag mong pagsabihan na may kagaspangan ang nakatatandang lalaki, kundi pakiusapan mo siyang tulad sa isang ama; sa mga kabataang lalaki na tulad sa mga kapatid;
2 sa matatandang babae na tulad sa mga ina; at sa mga kabataang babae na tulad sa mga kapatid na babae, na may buong kalinisan.
3 Parangalan mo ang mga babaing balo na tunay na balo.
4 Ngunit kung ang sinumang babaing balo ay may mga anak o mga apo, hayaang matutunan muna nila ang kanilang banal na tungkulin sa kanilang sariling sambahayan, at gantihan ang kanilang mga magulang, sapagkat ito'y kaaya-aya sa paningin ng Diyos.
5 Ang tunay na babaing balo at naiwang nag-iisa ay umaasa sa Diyos at nagpapatuloy sa mga pagdaing at mga panalangin gabi't araw;
6 subalit ang nabubuhay sa mga kalayawan, bagama't buháy ay patay.
7 Ang mga bagay na ito'y iutos mo rin naman upang sila'y hindi magkaroon ng kapintasan.
8 Ngunit kung ang sinuman ay hindi kumakalinga sa kanyang kamag-anak, lalung-lalo na sa kanyang sariling sambahayan, tinanggihan niya ang pananampalataya at siya'y masahol pa sa hindi mananampalataya.
Read full chapter