1 Tesalonica 4
Ang Biblia, 2001
Ang Buhay na Kalugud-lugod sa Diyos
4 Katapus-tapusan, mga kapatid, hinihiling namin sa inyo at nakikiusap kami sa Panginoong Jesus, yamang natutunan ninyo sa amin kung paano kayo dapat lumakad at magbigay-lugod sa Diyos, na tulad ng inyong ginagawa, ay gayon ang dapat ninyong gawin at higit pa.
2 Sapagkat batid ninyo kung anong mga tagubilin ang ibinigay namin sa inyo sa pamamagitan ng Panginoong Jesus.
3 Sapagkat ito ang kalooban ng Diyos, ang inyong pagpapakabanal: na kayo'y umiiwas sa pakikiapid;
4 na ang bawat isa sa inyo'y matutong maging mapagpigil sa kanyang sariling katawan[a] sa pagpapakabanal at karangalan,
5 hindi sa pita ng kahalayan, na gaya ng mga Hentil na hindi nakakakilala sa Diyos;
6 na sinuma'y huwag magkasala o manlamang sa kanyang kapatid sa bagay na ito, sapagkat ang Panginoon ay tagapaghiganti sa lahat ng mga bagay na ito, gaya ng aming sinabi noong una at ibinabala sa inyo.
7 Sapagkat hindi tayo tinawag ng Diyos para sa karumihan kundi sa kabanalan.
8 Kaya't ang tumanggi dito ay hindi tao ang tinatanggihan, kundi ang Diyos na nagbibigay sa amin ng kanyang Espiritu Santo.
9 Ngunit tungkol sa pag-iibigan ng magkakapatid ay hindi ninyo kailangan na kayo'y sulatan ng sinuman, sapagkat kayo man ay tinuruan ng Diyos na mag-ibigan sa isa't isa.
10 At katotohanang ginagawa ninyo ang gayon sa lahat ng kapatid na nasa buong Macedonia. Ngunit aming hinihiling sa inyo, mga kapatid, na higit pa sa rito ang inyong gawin.
11 Nasain ninyong mamuhay nang tahimik, gawin ang inyong sariling gawain, at kayo'y magpagal ng inyong sariling mga kamay, gaya ng aming ipinagbilin sa inyo;
12 upang kayo'y igalang ng mga nasa labas, at huwag maging palaasa sa sinuman.
Ang Pagdating ng Panginoon
13 Mga kapatid, nais naming malaman ninyo ang tungkol sa mga natutulog upang kayo'y huwag malungkot, na gaya ng iba na walang pag-asa.
14 Sapagkat kung tayo'y sumasampalatayang si Jesus ay namatay at muling binuhay ay gayundin naman, sa pamamagitan ni Jesus, ang mga natutulog ay dadalhin ng Diyos na kasama niya.
15 Sapagkat(A) ito'y sinasabi namin sa inyo sa pamamagitan ng salita ng Panginoon, na tayong nabubuhay, na natitira hanggang sa pagdating ng Panginoon, ay hindi mauuna sa anumang paraan sa mga natutulog.
16 Sapagkat ang Panginoon mismo ang bababa mula sa langit na may sigaw, may tinig ng arkanghel, at may trumpeta ng Diyos, at ang mga namatay kay Cristo ay babangon muna.
17 Pagkatapos, tayong nabubuhay na natitira ay aagawing kasama nila sa mga ulap, upang salubungin ang Panginoon sa papawirin; at sa gayon ay makakapiling natin ang Panginoon magpakailanman.
18 Kaya't mag-aliwan kayo sa isa't isa ng mga salitang ito.
Footnotes
- 1 Tesalonica 4:4 Sa Griyego ay kasangkapan .
1 Tesalonica 4
Ang Dating Biblia (1905)
4 Katapustapusan nga, mga kapatid, kayo'y aming pinamamanhikan at inaaralan sa Panginoong Jesus, na, ayon sa tinanggap ninyo sa amin, na kung paanong kayo'y dapat magsilakad at mangagbigay lugod sa Dios, na gaya ng inyong paglakad, upang kayo'y magsipanagana ng higit at higit.
2 Sapagka't talastas ninyo kung anong mga tagubilin ang ibinigay namin sa inyo sa pamamagitan ng Panginoong Jesus.
3 Sapagka't ito ang kalooban ng Dios, sa makatuwid baga'y ang inyong pagpapakabanal, na kayo'y magsiilag sa pakikiapid;
4 Na ang bawa't isa sa inyo'y makaalam na maging mapagpigil sa kaniyang sariling katawan sa pagpapakabanal at kapurihan,
5 Hindi sa pita ng kahalayan, na gaya ng mga Gentil na hindi nangakakakilala sa Dios;
6 Na sinoma'y huwag lumapastangan at magdaya sa kaniyang kapatid sa bagay na ito: sapagka't ang Panginoon ay mapaghiganti sa lahat ng mga bagay na ito, na gaya naman ng aming ipinatalastas nang una na sa inyo at pinatotohanan.
7 Sapagka't tayo'y tinawag ng Dios hindi sa ikarurumi, kundi sa pagpapakabanal.
8 Kaya't ang nagtatakuwil, hindi ang tao ang itinatakuwil, kundi ang Dios, na nagbibigay sa inyo ng kaniyang Espiritu Santo.
9 Datapuwa't tungkol sa pagiibigang kapatid ay hindi ninyo kailangan na kayo'y sulatan ng sinoman: sapagka't kayo rin ay tinuruan ng Dios na mangagibigan kayo sa isa't isa;
10 Sapagka't katotohanang ginagawa ninyo ang gayon sa lahat ng kapatid na nangasa buong Macedonia. Nguni't aming iniaaral sa inyo, mga kapatid, na kayo'y lalo't lalong magsipanagana.
11 At pagaralan ninyong maging matahimik, at gawin ang inyong sariling gawain, at kayo'y mangagpagal ng inyong sariling mga kamay, na gaya ng aming ipinagbilin sa inyo;
12 Upang kayo'y magsilakad ng nararapat sa nangasa labas, at huwag kayong maging mapagkailangan.
13 Nguni't hindi namin ibig na kayo'y di makaalam, mga kapatid, tungkol sa nangatutulog; upang kayo'y huwag mangalumbay, na gaya ng mga iba, na walang pagasa.
14 Sapagka't kung tayo'y nagsisisampalatayang si Jesus ay namatay at nabuhay na maguli, ay gayon din naman ang nangatutulog kay Jesus ay dadalhin ng Dios na kasama niya.
15 Sapagka't ito'y sinasabi namin sa inyo sa salita ng Panginoon, na tayong nangabubuhay, na nangatitira hanggang sa pagparito ng Panginoon, ay hindi tayo mangauuna sa anomang paraan sa nangatutulog.
16 Sapagka't ang Panginoon din ang bababang mula sa langit, na may isang sigaw, may tinig ng arkanghel, at may pakakak ng Dios: at ang nangamatay kay Cristo ay unang mangabubuhay na maguli;
17 Kung magkagayon, tayong nangabubuhay, na nangatitira, ay aagawing kasama nila sa mga alapaap, upang salubungin ang Panginoon sa hangin: at sa ganito'y sasa Panginoon tayo magpakailan man.
18 Kaya't mangagaliwan kayo sa isa't isa ng mga salitang ito.
