Add parallel Print Page Options

Ang Paglilingkod ni Pablo sa Tesalonica

Mga kapatid, kayo na rin ang nakakaalam na hindi nawalan ng kabuluhan ang pagpunta namin sa inyo. Alam(A) ninyong hinamak kami't inalipusta sa Filipos, ngunit sa kabila ng maraming hadlang, binigyan kami ng Diyos ng lakas ng loob na ipahayag sa inyo ang Magandang Balita. Ang pangangaral namin ay hindi batay sa kamalian, o sa masamang layunin, o sa hangad na manlinlang. Sapagkat minarapat ng Diyos na ipagkatiwala sa amin ang Magandang Balita, nangangaral kami, hindi upang bigyang-kasiyahan ang tao, kundi ang Diyos na sumisiyasat ng ating puso. Alam ninyo na ang aming pangangaral ay hindi sa pamamagitan ng matatamis na pangungusap, o ng mga salitang nagkukubli ng kasakiman. Saksi namin ang Diyos. Hindi kami naghangad ng papuri ninyo o ninuman kahit bilang mga apostol ni Cristo ay may karapatan kaming humingi ng anuman mula sa inyo. Sa halip ay naging magiliw kami sa inyo, tulad ng inang mapagkalinga sa kanyang mga anak. Dahil sa laki ng aming pagmamahal sa inyo, hindi lamang kami handang ibahagi sa inyo ang Magandang Balita, kundi maging ang aming buhay. Mga kapatid, tiyak na natatandaan pa ninyo kung paano kami nagtrabaho at nagsikap araw-gabi para hindi kami makabigat kaninuman habang ipinapahayag namin sa inyo ang Magandang Balitang mula sa Diyos.

Read full chapter