Add parallel Print Page Options

Ang Pangitain ni Samuel

Sa pamamahala ni Eli, si Samuel ay patuloy na naglingkod kay Yahweh. Nang panahong iyon, bihira nang magpahayag si Yahweh at bihira na rin ang mga pangitaing galing sa kanya. Malabo na noon ang mata ni Eli. Minsan, natutulog siya sa kanyang silid. Si Samuel ay natutulog naman sa santuwaryo, kung saan naroroon din ang Kaban ng Tipan. Bago magmadaling-araw at may sindi pa ang ilawan sa santuwaryo, siya'y tinawag ni Yahweh, “Samuel, Samuel!”

“Narito po ako,” sagot niya. Patakbo siyang lumapit kay Eli at sinabi, “Bakit po?”

Sinabi ni Eli, “Hindi kita tinatawag. Matulog ka na uli.” Nagbalik nga siya sa kanyang higaan.

Subalit tinawag siyang muli ni Yahweh, “Samuel!” Bumangon siya, lumapit muli kay Eli at nagtanong, “Tinatawag po ba ninyo ako?”

Sinabi ni Eli, “Hindi kita tinatawag, anak. Matulog ka na.” Hindi pa kilala noon ni Samuel si Yahweh sapagkat hindi pa ito nagpahayag sa kanya.

Sa ikatlong pagtawag ni Yahweh, muling lumapit si Samuel kay Eli at sinabi, “Narinig ko pong tinawag ninyo ako.”

Sa pagkakataong iyon, naunawaan ni Eli na si Yahweh ang tumatawag sa bata, kaya sinabi niya, “Mahiga kang muli at kapag narinig mo pang tinawag ka, ganito ang sabihin mo: ‘Magsalita po kayo, Yahweh. Nakikinig po ang inyong lingkod.’” At muli ngang nahiga si Samuel. 10 Si Yahweh ay lumapit kay Samuel at muli itong tinawag, “Samuel, Samuel!”

Sumagot si Samuel, “Magsalita po kayo, nakikinig ang inyong lingkod.”

11 Sinabi ni Yahweh, “Hindi magtatagal at may gagawin akong kakila-kilabot na bagay sa Israel. Lahat ng makakabalita nito'y mabibigla. 12 Pagdating ng araw na iyon, gagawin ko ang lahat ng sinabi ko laban sa sambahayan ni Eli, mula sa umpisa hanggang sa katapusan. 13 Sabihin mo sa kanya na habang panahon kong paparusahan ang kanyang sambahayan sapagkat hinayaan niyang lapastanganin ako ng kanyang mga anak. Ni hindi man lamang niya pinahinto ang mga ito. 14 Dahil dito, isinusumpa kong hindi mapapawi ng anumang handog ang kalapastanganang ginawa ng sambahayan ni Eli.”

15 Natulog muli si Samuel at kinaumagaha'y binuksan ang pintuan ng bahay ni Yahweh. Ngunit natatakot siyang sabihin kay Eli ang tungkol sa pangitain. 16 Subalit tinawag siya ni Eli, “Samuel, anak.”

“Ano po iyon?” sagot ni Samuel.

17 Sinabi ni Eli, “Anong sinabi sa iyo ni Yahweh? Huwag ka nang maglihim sa akin. Mabigat ang parusang ibibigay sa iyo ni Yahweh kapag hindi mo sinabi sa akin ang lahat ng sinabi niya sa iyo.” 18 Kaya't ipinagtapat ni Samuel ang lahat kay Eli; wala siyang inilihim dito. Pagkatapos, sinabi ni Eli, “Iyon ang kagustuhan ni Yahweh. Mangyari nawa ang ayon sa kanyang kalooban.”

19 Habang lumalaki si Samuel, patuloy siyang pinapatnubayan ni Yahweh, at nagkakatotoo ang lahat ng sinasabi niya. 20 Dahil dito, kinilala ng buong Israel, mula sa Dan hanggang sa Beer-seba, na si Samuel ay isang tunay na propeta ni Yahweh. 21 Patuloy na nagpapahayag si Yahweh sa Shilo, sapagkat siya'y nangungusap kay Samuel sa Shilo. Dinirinig ng buong Israel ang salitang ipinapahayag ni Samuel.

Nagpakita ang Panginoon kay Samuel

Ang batang si Samuel ay naglilingkod sa Panginoon sa harap ni Eli. At ang salita ng Panginoon ay bihira noong mga araw na iyon; hindi madalas ang pangitain.

Nang panahong iyon, si Eli na ang paningin ay nagsimula nang lumabo, kaya't siya'y hindi makakita, ay nakahiga sa kanyang silid.

Ang ilawan ng Diyos ay hindi pa namamatay at si Samuel ay nakahiga sa loob ng templo ng Panginoon na kinaroroonan ng kaban ng Diyos;

at tumawag ang Panginoon, “Samuel! Samuel!” at kanyang sinabi, “Narito ako!”

Siya'y tumakbo kay Eli, at sinabi, “Narito ako, sapagkat tinawag mo ako.” At kanyang sinabi, “Hindi ako tumawag; mahiga ka uli.” Siya'y umalis at nahiga.

Muling tumawag ang Panginoon, “Samuel.” Bumangon si Samuel at naparoon kay Eli, at sinabi, “Narito ako, sapagkat ako'y tinawag mo.” Siya'y sumagot, “Hindi ako tumawag, anak ko; mahiga ka uli.”

Hindi pa nakikilala ni Samuel ang Panginoon at ang salita ng Panginoon ay hindi pa nahahayag sa kanya.

Sa ikatlong pagkakataon ay muling tinawag ng Panginoon si Samuel. At siya'y bumangon, at naparoon kay Eli, at sinabi, “Narito ako; sapagkat ako'y iyong tinawag.” At nalaman ni Eli na tinatawag ng Panginoon ang bata.

Kaya't sinabi ni Eli kay Samuel, “Humayo ka, mahiga ka; at kung tatawagin ka niya ay iyong sasabihin, ‘Magsalita ka, Panginoon; sapagkat nakikinig ang iyong lingkod.’” Kaya't humayo si Samuel at nahiga sa kanyang lugar.

10 At ang Panginoon ay dumating at tumayo, at tumawag na gaya nang una, “Samuel! Samuel!” Nang magkagayo'y sinabi ni Samuel, “Magsalita ka; sapagkat nakikinig ang iyong lingkod.”

11 Sinabi ng Panginoon kay Samuel, “Tingnan mo, malapit na akong gumawa ng isang bagay sa Israel na magpapapanting sa dalawang tainga ng bawat nakikinig.

12 Sa araw na iyon ay aking tutuparin laban kay Eli ang lahat ng aking sinabi tungkol sa kanyang sambahayan, mula sa pasimula hanggang sa wakas.

13 Sapagkat sinabi ko sa kanya na malapit ko nang parusahan ang kanyang sambahayan magpakailanman, dahil sa kasamaan na kanyang nalalaman, sapagkat ang kanyang mga anak ay lumalapastangan sa Diyos, at sila'y hindi niya sinaway.

14 Kaya't ako'y sumumpa sa sambahayan ni Eli na ang kasamaan ng sambahayan ni Eli ay hindi mapapawi ng alay o handog magpakailanman.”

15 Nahiga si Samuel hanggang sa kinaumagahan, at pagkatapos ay binuksan niya ang mga pintuan ng bahay ng Panginoon. Takot si Samuel na sabihin kay Eli ang pangitain.

16 Subalit tinawag ni Eli si Samuel at sinabi, “Samuel, anak ko.” At kanyang sinabi, “Narito ako.”

17 Kanyang itinanong, “Ano ang sinabi niya sa iyo? Nakikiusap ako sa iyo na huwag mong ilihim sa akin. Gawin ng Diyos sa iyo, at higit pa, kung ililihim mo sa akin ang anumang bagay sa lahat ng kanyang sinabi sa iyo.”

18 Kaya't isinalaysay sa kanya ni Samuel ang lahat ng bagay at hindi naglihim ng anuman sa kanya. At kanyang sinabi, “Ang Panginoon nga iyon; gawin niya ang inaakala niyang mabuti para sa kanya.”

19 Lumaki si Samuel at ang Panginoon ay kasama niya, at hindi pinahintulutang ang alinman sa kanyang mga salita ay malaglag sa lupa.

20 Nalaman ng buong Israel mula sa Dan hanggang sa Beer-seba na si Samuel ay itinatag bilang isang propeta ng Panginoon.

21 Nagpakitang muli ang Panginoon sa Shilo, sapagkat ipinakilala ng Panginoon ang kanyang sarili kay Samuel sa Shilo sa pamamagitan ng salita ng Panginoon.