Add parallel Print Page Options

Muling Kinaawaan ni David si Saul

26 Isang araw, may pumuntang mga taga-Zif kay Saul sa Gibea at nagsabi, “Nagtatago po si David sa kaburulan ng Hakila, na nasa harap ng Jeshimon.” Kaya umalis si Saul patungo sa ilang ng Zif kasama ang 3,000 na kanyang piniling tauhan mula sa Israel para hanapin si David. Nagkampo sila sa tabi ng daan sa kaburulan ng Hakila, na nasa harap ng Jeshimon. Si David ay nagtatago sa disyerto. Nang mabalitaan ni David na nasundan siya doon ni Saul, nagpadala siya ng mga espiya at nalaman niyang dumating nga si Saul.

Pagkatapos, naghanda si David at pumunta sa kampo ni Saul. Nakita niya si Saul at si Abner na anak ni Ner na pinuno ng hukbo ng mga sundalo. Napapalibutan si Saul ng mga natutulog na sundalo na natutulog. Tinanong ni David si Ahimelec na Heteo at si Abishai na anak ni Zeruya at kapatid ni Joab, “Sino sa inyo ang sasama sa akin para pumasok sa kampo ni Saul?” Sumagot si Abishai, “Ako po, sasama ako sa inyo.” Kaya pinasok nina David at Abishai ang kampo ni Saul, at natagpuan nila itong natutulog, na ang sibat ay nakatusok sa lupa sa ulunan ni Saul. Sinabi ni Abishai kay David, “Sa araw na ito, ipinagkaloob sa inyo ng Dios ang tagumpay laban sa inyong kaaway. Payagan nʼyo akong saksakin siya ng sibat na iyon at nang mabaon hanggang sa lupa. Isang saksak ko lang sa kanya at hindi na kailangang ulitin.” Pero sinabi ni David kay Abishai, “Huwag mo siyang patayin! Parurusahan ng Panginoon ang sinumang papatay sa kanyang piniling hari. 10 Sinisiguro ko sa iyo, sa presensya ng buhay na Panginoon, na ang Panginoon mismo ang papatay sa kanya, o mamamatay siya sa digmaan o dahil sa katandaan. 11 Pero huwag sanang ipahintulot ng Panginoon na ako ang pumatay sa kanyang piniling hari. Kunin na lang natin ang sibat at ang lalagyan niya ng tubig na nasa kanyang ulunan at umalis na tayo.” 12 Kaya kinuha ni David ang sibat at ang lalagyan ng tubig na nasa ulunan ni Saul at umalis na sila. Nakaalis sila nang walang nakakaalam o nakakakita sa nangyari; walang nagising sa kanila dahil pinahimbing ng Panginoon ang kanilang pagtulog.

13 Pagkatapos, umakyat sina David sa burol na nasa kabilang gilid ng kampo hanggang sa di-kalayuan. 14 Sumigaw si David kay Abner na anak ni Ner at sa mga kasama niyang sundalo, “Abner, naririnig mo ba ako?” Sumagot si Abner, “Sino ka? Ano ang kailangan mo sa hari?” 15 Sumagot si David, “Hindi baʼt ikaw ang pinakamagiting na lalaki sa buong Israel? Bakit hindi mo binantayang mabuti ang hari na iyong amo? May nakapasok diyan para patayin siya. 16 Hindi tamang pabayaan mo ang hari! Isinusumpa ko sa buhay na Panginoon, dapat kang mamatay pati na ang mga tauhan mo dahil hindi ninyo binantayan ang inyong amo, ang haring pinili ng Panginoon. Tingnan nʼyo nga kung makikita pa ninyo ang sibat at lalagyan ng tubig na nasa ulunan niya?” 17 Nakilala ni Saul ang boses ni David, kaya sinabi niya, “David, anak, ikaw ba iyan?” Sumagot si David, “Ako nga po, Mahal na Hari. 18 Bakit ninyo hinahabol ang inyong lingkod? Ano ba ang ginawa kong masama? 19 Mahal na Hari, pakinggan ninyo ang sasabihin ko. Kung ang Panginoon ang nag-udyok sa inyo para patayin ako, tanggapin sana niya ang aking handog. Pero kung galing lang ito sa tao, sumpain sana sila ng Panginoon. Dahil itinaboy nila ako mula sa aking tahanan at inutusang sumamba sa ibang mga dios. 20 Huwag sanang ipahintulot na mamatay ako sa ibang lupain, na malayo sa Panginoon. Bakit ako pinag-aaksayahang habulin ng hari ng Israel, gayong tulad lang ako ng pulgas? Bakit ninyo ako hinahabol na gaya lang ng ibon sa kabundukan?”

21 Sinabi ni Saul, “Nagkasala ako. Bumalik ka na, David anak ko, at hindi ko na tatangkaing saktan ka dahil hindi mo ako pinatay ngayong araw na ito. Naging isa akong hangal dahil sa ginawa ko. Napakalaki ng aking kasalanan.” 22 Sumagot si David, “Narito na ang sibat ninyo, ipakuha ninyo sa inyong tauhan. 23 May gantimpala ang Panginoon sa mga taong matapat at gumagawa ng matuwid. Ibinigay kayo ng Panginoon sa aking mga kamay sa araw na ito, pero tumanggi akong patayin kayo dahil kayo ang piniling hari ng Panginoon. 24 Binigyan ko ng halaga ang buhay ninyo ngayon at sanaʼy bigyan din ng halaga ng Panginoon ang buhay ko at iligtas niya ako sa lahat ng kapahamakan.” 25 Sinabi ni Saul kay David, “Pagpalain ka, anak ko. Marami pang dakilang bagay ang gagawin mo at siguradong magtatagumpay ka.” Pagkatapos, umalis si David at umuwi naman si Saul.

26 At naparoon ang mga Zipheo kay Saul sa Gabaa, na nagsasabi, Hindi ba nagtatago si David sa burol ng Hachila, sa tapat ng ilang?

Nang magkagayo'y bumangon si Saul at lumusong sa ilang ng Ziph, na may tatlong libong piling lalake sa Israel na kasama niya upang hanapin si David sa ilang ng Ziph.

At humantong si Saul sa burol ng Hachila na nasa tapat ng ilang sa tabi ng daan. Nguni't si David ay tumahan sa ilang, at kaniyang nakita na sinusundan siya ni Saul sa ilang.

Nagsugo nga si David ng mga tiktik, at nalaman na tunay na dumarating si Saul.

At si David ay bumangon at naparoon sa dakong kinahahantungan ni Saul: at nakita ni David ang dakong kinaroroonan ni Saul at ni Abner na anak ni Ner, na kapitan ng kaniyang hukbo: at si Saul ay nakahiga sa dako ng mga karo, at ang bayan ay humantong sa palibot niya.

Nang magkagayo'y sumagot si David, at nagsabi kay Ahimelech na Hetheo, at kay Abisai na anak ni Sarvia, na kapatid ni Joab, na nagsasabi, Sinong lulusong na kasama ko kay Saul sa kampamento? At sinabi ni Abisai, Ako'y lulusong na kasama mo.

Sa gayo'y naparoon si David at si Abisai sa bayan sa kinagabihan: at, narito, si Saul ay nakatulog sa loob ng dako ng mga karo na dala ang kaniyang sibat na nakasaksak sa lupa sa kaniyang ulunan: at si Abner at ang bayan ay nakahiga sa palibot niya.

Nang magkagayo'y sinabi ni Abisai kay David, Ibinigay ng Dios ang iyong kaaway sa iyong kamay sa araw na ito: ngayon nga'y isinasamo ko sa iyo, na bayaan mong tuhugin ko siya ng sibat sa lupa sa isang saksak, at hindi ko pagmamakalawahin.

At sinabi ni David kay Abisai, Huwag mong patayin siya: sapagka't sinong maguunat ng kaniyang kamay laban sa pinahiran ng langis ng Panginoon at mawawalan ng sala?

10 At sinabi ni David, Buhay ang Panginoon, ang Panginoon ay siyang sasakit sa kaniya; o darating ang kaniyang kaarawan upang mamatay; o siya'y lulusong sa pagbabaka, at mamamatay.

11 Huwag itulot ng Panginoon na aking iunat ang aking kamay laban sa pinahiran ng langis ng Panginoon: nguni't ngayo'y iyong kunin, isinasamo ko sa iyo, ang sibat na nasa kaniyang ulunan, at ang banga ng tubig, at tayo'y yumaon.

12 Sa gayo'y kinuha ni David ang sibat at ang banga ng tubig sa ulunan ni Saul; at sila'y umalis, at walang nakakita, o nakaalam man, o nagising man ang sinoman: sapagka't sila'y pawang mga tulog; sapagka't isang mahimbing na pagkakatulog ang inihulog sa kanila ng Panginoon.

13 Nang magkagayo'y dumaan si David sa kabilang dako, at tumayo sa taluktok ng bundok na may kalayuan; na may malaking pagitan sa kanila:

14 At sumigaw si David sa bayan at kay Abner na anak ni Ner, na nagsabi, Hindi ka sumasagot, Abner? Nang magkagayo'y sumagot si Abner at nagsabi, Sino kang sumisigaw sa hari?

15 At sinabi ni David kay Abner, Hindi ka ba matapang na lalake? at sinong gaya mo sa Israel? bakit nga hindi mo binantayan ang iyong panginoon na hari? sapagka't pumasok ang isa sa bayan upang patayin ang hari na iyong panginoon.

16 Ang bagay na ito na iyong ginawa ay hindi mabuti. Buhay ang Panginoon, kayo'y marapat na mamatay, sapagka't hindi ninyo binantayan ang inyong panginoon, ang pinahiran ng langis ng Panginoon. At ngayo'y tingnan ninyo kung saan nandoon ang sibat ng hari, at ang banga ng tubig na nasa kaniyang ulunan.

17 At nakilala ni Saul ang tinig ni David at nagsabi, Ito ba ang tinig mo, anak kong David? At sinabi ni David, Aking tinig nga, panginoon ko, Oh hari.

18 At kaniyang sinabi, Bakit hinahabol ng aking panginoon ang kaniyang lingkod? sapagka't anong aking ginawa? o anong kasamaan ang nasa aking kamay?

19 Ngayon nga, isinasamo ko sa iyo, na dinggin ng aking panginoon na hari ang mga salita ng kaniyang lingkod. Kung ang Panginoon ay siyang nagudyok sa iyo laban sa akin, ay tumanggap siya ng isang handog: nguni't kung ang mga anak ng tao, sumpain sila sa harap ng Panginoon; sapagka't sila'y nagpalayas sa akin sa araw na ito upang huwag akong magkaroon ng bahagi ng mana sa Panginoon, na nagsasabi, Ikaw ay yumaon, maglingkod ka sa ibang mga dios.

20 Ngayon nga'y huwag ibubo ang aking dugo sa lupa sa harap ng Panginoon; sapagka't lumabas ang hari sa Israel upang humanap ng isang kuto, gaya ng isang humahabol ng isang pugo sa mga bundok.

21 Nang magkagayo'y sinabi ni Saul, Ako'y nagkasala: bumalik ka, anak kong David: sapagka't hindi na ako gagawa ng masama sa iyo, sapagka't ang aking buhay ay mahalaga sa iyong mga mata sa araw na ito: narito, ako'y nagpakamangmang, at ako'y nagkamali ng di kawasa.

22 At sumagot si David at nagsabi, Tingnan mo ang sibat, Oh hari! paparituhin mo ang isa sa mga bataan at kunin.

23 At gagantihin ng Panginoon ang bawa't tao sa kaniyang katuwiran at sa kaniyang pagtatapat: sapagka't ibinigay ka ng Panginoon sa aking kamay ngayon, at hindi ko iniunat ang aking kamay laban sa pinahiran ng langis ng Panginoon.

24 At, narito, kung paanong ang iyong buhay ay mahalagang mainam sa aking paningin sa araw na ito, ay maging gayon nawang mahalagang mainam ang aking buhay sa paningin ng Panginoon, at iligtas niya nawa ako sa madlang kapighatian.

25 Nang magkagayo'y sinabi ni Saul kay David, Pagpalain ka, anak kong David: ikaw ay gagawa na makapangyarihan, at tunay na ikaw ay mananaig. Sa gayo'y nagpatuloy si David ng kaniyang lakad, at si Saul ay bumalik sa kaniyang dako.