1 Samuel 18
Ang Dating Biblia (1905)
18 At nangyari, nang siya'y makatapos na magsalita kay Saul, na ang kaluluwa ni Jonathan ay nalakip sa kaluluwa ni David, at minahal ni Jonathan siya na gaya ng kaniyang sariling kaluluwa.
2 At kinuha siya ni Saul nang araw na yaon, at hindi na siya tinulutang umuwi sa bahay ng kaniyang ama.
3 Nang magkagayo'y si Jonathan at si David ay nagtibay ng isang tipan, sapagka't minahal niya siya na gaya ng kaniyang sariling kaluluwa.
4 At hinubad ni Jonathan ang kaniyang balabal na nakasuot sa kaniya, at ibinigay kay David, at ang kaniyang kasuutan pati ng kaniyang tabak, at ng kaniyang busog at ng kaniyang pamigkis.
5 At lumalabas si David saan man suguin ni Saul, at siya'y nagpakabait: at inilagay ni Saul siya sa mga lalaking mangdidigma, at minabuti ng paningin ng buong bayan, at gayon din ng paningin ng mga lingkod ni Saul.
6 At nangyari pagdating nila, nang bumalik si David mula sa pagpatay sa Filisteo, na ang mga babae ay lumabas mula sa lahat ng mga bayan ng Israel, na nagaawitan at nagsasayawan, upang salubungin ang haring si Saul, ng mga pandereta, ng kagalakan, at ng panugtog ng tugtugin.
7 At nagaawitan ang mga babae sa kanilang pagtugtog, at sinasabi, Pinatay ni Saul ang kaniyang libolibo, At ni David ang kaniyang laksa-laksa.
8 At nagalit na mainam si Saul at ang sabing ito ay isinama niya ng loob; at kaniyang sinabi, Kanilang inilagay kay David ay laksalaksa, at sa akin ay kanilang inilagay ang libolibo lamang: at ano na lamang ang kaniyang tatangkilikin kundi ang kaharian?
9 At inirapan ni Saul si David mula sa araw na yaon.
10 At nangyari nang kinabukasan, na ang masamang espiritu na mula sa Dios ay dumating na makapangyarihan kay Saul, at siya'y nanghula sa gitna ng bahay: at si David ay tumugtog ng kaniyang kamay, gaya ng kaniyang ginagawa araw-araw; at hawak ni Saul ang kaniyang sibat sa kaniyang kamay.
11 At inihagis ni Saul ang sibat; sapagka't kaniyang sinabi, Aking tutuhugin si David sa dinding. At tumanan si David sa kaniyang harap na makalawa.
12 At natakot si Saul kay David, sapagka't ang Panginoon ay sumasakaniya, at nahiwalay na kay Saul.
13 Kaya't inihiwalay ni Saul siya sa kaniya, at siya'y ginawa niyang punong kawal sa isang libo; at siya'y naglalabas pumasok sa harap ng bayan.
14 Nagpakabait si David sa lahat ng kaniyang kilos; at ang Panginoon ay sumasakaniya.
15 At nang makita ni Saul na siya'y nagpakabait, siya'y natakot sa kaniya.
16 Nguni't minamahal ng buong Israel at Juda si David; sapagka't siya'y naglalabas pumasok sa harap nila.
17 At sinabi ni Saul kay David, Narito ang aking lalong matandang anak na babae na si Merab; siya'y aking ibibigay sa iyo na asawa: magpakatapang ka lamang dahil sa akin, at iyong ilaban ang mga pagbabaka ng Panginoon. Sapagka't sinabi ni Saul, Huwag pagbuhatan siya ng aking kamay, kundi ang kamay ng mga Filisteo, ang magbuhat sa kaniya.
18 At sinabi ni David kay Saul, Sino ako at ano ang aking buhay, o ang sangbahayan ng aking ama sa Israel, upang maging manugang ako ng hari?
19 Nguni't nangyari na sa panahong ibibigay kay David si Merab na anak na babae ni Saul, ay ibinigay na asawa kay Adriel na Meholatita.
20 At sinisinta ni Michal na anak na babae ni Saul si David: at kanilang isinaysay kay Saul, at ang bagay ay ikinalugod niya.
21 At sinabi ni Saul, Aking ibibigay sa kaniya siya, upang siya'y maging silo sa kaniya, at upang ang kamay ng mga Filisteo ay maging laban sa kaniya. Kaya't sinabing ikalawa ni Saul kay David: Ikaw ay magiging aking manugang sa araw na ito.
22 At iniutos ni Saul sa kaniyang mga lingkod, na sinasabi, Makipagusap kayo kay David ng lihim, at inyong sabihin, Narito, kinatutuwaan ka ng hari at minamahal ka ng lahat ng kaniyang mga lingkod: ngayon nga ay maging manugang ka ng hari.
23 At sinalita ng mga lingkod ni Saul ang mga salitang yaon sa pakinig ni David. At sinabi ni David, Inaakala ba ninyo na magaang bagay ang maging manugang ng hari, dangang ako'y isang dukhang tao at niwawalang kabuluhan?
24 At isinaysay ng mga lingkod ni Saul sa kaniya, na sinabi, Ganitong paraan nagsalita si David.
25 At sinabi ni Saul, Ganito ang inyong sasabihin kay David: Hindi nagnanasa ang hari ng anomang bigaykaya, kundi isang daang balat ng masama ng mga Filisteo, upang mapanghigantihan ang mga kaaway ng hari. Ang balak nga ni Saul ay maibuwal si David sa pamamagitan ng kamay ng mga Filisteo.
26 At nang saysayin ng kaniyang mga lingkod kay David ang mga salitang ito, ay ikinalugod na mabuti ni David na maging manugang siya ng hari. At ang mga araw ay hindi pa nagaganap;
27 At tumindig si David at yumaon, siya at ang kaniyang mga lalake, at pumatay sa mga Filisteo ng dalawang daang lalake; at dinala ni David ang kanilang mga balat ng masama, at kaniyang ibinigay ng buong bilang sa hari, upang siya'y maging manugang ng hari. At ibinigay na asawa sa kaniya ni Saul si Michal na kaniyang anak na babae.
28 At nakita at nalaman ni Saul na ang Panginoon ay sumasa kay David; at sinisinta si David ni Michal na anak ni Saul.
29 At si Saul ay lalong natatakot kay David; at naging kaaway ni David si Saul na palagi.
30 Nang magkagayo'y lumabas ang mga pangulo ng mga Filisteo: at nangyari, na sa tuwing sila'y lumalabas ay nagpakabait si David kay sa lahat ng mga lingkod ni Saul; sa gayon ang kaniyang pangalan ay lalong namahal.
1 Samuel 18
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Ang Pagkakaibigan ni David at Jonatan
18 Matapos makipag-usap ni David kay Saul, nakilala niya ang anak nitong si Jonatan. Naging matalik silang magkaibigan at mahal na mahal ni Jonatan si David gaya ng pagmamahal niya sa kanyang sarili. 2 Mula noon, hindi na pinauwi ni Saul si David sa kanilang bahay. 3 Sumumpa si Jonatan kay David na magiging magkaibigan sila sa habang panahon dahil mahal niya si David gaya ng kanyang sarili. 4 At bilang patunay ng kanyang pangako, hinubad niya ang kanyang balabal at ibinigay kay David, kasama ang kanyang pamigkis, espada, pana at sinturon.
5 Napagtagumpayan ni David ang lahat ng ipinagawa sa kanya ni Saul, kaya siyaʼy ginawa nitong pinuno ng buong hukbo. Nagustuhan ito ng mga mamamayan pati na rin ng mga opisyal ni Saul.
Nainggit si Saul kay David
6 Nang pauwi na ang mga Israelita matapos mapatay ni David si Goliat, sinalubong si Saul ng mga babaeng mula sa lahat ng bayan ng Israel. Sumasayaw sila at umaawit na may tamburin at alpa. 7 Ganito ang kanilang awit:
“Libu-libo ang napatay ni Saul, kay David naman ay tig-sasampung libo.” 8 Nagalit si Saul nang mapakinggan niya ang awit nila. Naisip niya, “Sinasabi nilang tig-sasampung libo ang napatay ni David, pero ang sa akin ay libu-libo lang. Kulang na lang ay siya ang kilalanin nilang hari.” 9 Mula noon, binantayan na niyang mabuti si David dahil nagseselos siya rito.
10-11 Kinabukasan, pinasukan si Saul ng masamang espiritu na ipinadala ng Dios, at umasta siya na parang baliw sa loob ng kanilang bahay. Tumutugtog si David ng alpa gaya ng ginagawa niya bawat araw. May hawak noon na sibat si Saul, at dalawang beses niyang sinibat si David. Ang balak niyaʼy itusok si David sa dingding, pero nakailag si David at nakatakas. 12 Natatakot si Saul kay David dahil sinasamahan ito ng Panginoon samantalang siya namaʼy pinabayaan na ng Panginoon. 13 Kaya para malayo sa kanya si David, ginawa niya itong kumander ng 1,000 sundalo, at pinamunuan ito ni David nang buong lakas sa digmaan.
14 Nagtagumpay si David sa lahat ng ginagawa niya dahil kasama niya ang Panginoon. 15 Nang malaman ni Saul kung gaano katagumpay si David, lalo pa siyang natakot. 16 Pero lalo namang napamahal ang buong Israel at Juda kay David, dahil pinamumunuan niya sila sa mga labanan.
17 Isang araw, sinabi ni Saul kay David, “Handa akong ibigay sa iyo ang panganay kong anak na si Merab bilang asawa mo, pero kailangan mo munang patunayan sa akin na isa kang matapang na mandirigma sa pamamagitan ng pakikipaglaban para sa Panginoon.” At sinabi ni Saul sa sarili niya, “Sa pamamagitan nito ay mapapatay si David ng mga Filisteo at hindi na kailangang ako pa ang pumatay sa kanya.”
18 Pero sinabi ni David kay Saul, “Sino po ba ako at ang aking pamilya para maging manugang ng hari?”
19 Nang dumating ang araw na ikakasal na si Merab kay David, ipinakasal na lang ni Saul si Merab kay Adriel na taga-Mehola.
20 Samantala, ang isa pang anak na babae ni Saul na si Mical ay nagkagusto kay David. Nang malaman ito ni Saul, natuwa siya. 21 Sinabi ni Saul sa kanyang sarili, “Ipakakasal ko si Mical kay David, at gagawin ko siyang pain para mapatay ng mga Filisteo si David.” Kaya sinabi niya kay David, “May pagkakataon ka pa para maging manugang ko.”
22 Kinasabwat din ni Saul ang kanyang mga lingkod na makipag-usap nang lihim kay David at sabihin sa kanya, “Talagang gusto ka ng hari pati na rin ng kanyang mga lingkod. Kaya pumayag ka nang maging manugang niya.” 23 Nang sinabi nila ito kay David, sumagot siya, “Hindi ko makakayang magbayad sa hari para mapangasawa ko ang kanyang anak. Mahirap lang ako at galing sa isang hindi kilalang pamilya.”
24 Nang ibalita nila ito kay Saul, 25 sinabi ni Saul, “Sabihin ninyo kay David na ang hinihingi ko lang na bayad sa pagpapakasal sa aking anak ay 100 balat ng pinagtulian ng mga Filisteo bilang paghihiganti sa aking mga kalaban.” Pero ang plano ni Saul ay mahulog si David sa kamay ng mga Filisteo.
26 Nang sabihin ito ng mga lingkod ni Saul kay David, natuwa siya dahil gusto niyang maging manugang ng hari. Kaya bago pa sumapit ang itinakdang araw, 27 sinalakay ni David at ng mga tauhan niya ang mga Filisteo at napatay nila ang 200 sa mga ito. Pagkatapos, kinuha nila ang mga balat ng pinagtulian ng mga Filisteo at dinala ang lahat ng ito sa hari. Kaya ibinigay ni Saul si Mical kay David para maging asawa niya.
28 Nang malaman ni Saul na pinapatnubayan ng Panginoon si David at nakita niya kung gaano kamahal ni Mical si David, 29 lalo pa siyang natakot kay David. At itinuring niyang kaaway si David habang nabubuhay siya. 30 Nagpatuloy ang labanan sa pagitan ng mga Israelita at mga Filisteo. Bawat labanan, mas nagiging matagumpay si David kaysa sa lahat ng opisyal ng hari. Kaya lalong nakilala ang pangalan ni David sa buong bayan.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®