Add parallel Print Page Options

Si David at si Goliat

17 Tinipon ng mga Filisteo ang mga sundalo nila sa Soco na sakop ng Juda para makipagdigma. Nagkampo sila sa Efes Damim, sa gitna ng Soco at Azeka. Tinipon din ni Saul ang mga Israelita, at nagkampo sila malapit sa Lambak ng Elah. Naghanda sila sa pakikipagdigma laban sa mga Filisteo. Ang mga Filisteoʼy nasa isang burol at ang mga Israelita namaʼy nasa kabilang burol, nasa gitna nila ang lambak.

Ngayon, may isang mahusay at matapang na mandirigmang taga-Gat na ang pangalan ay Goliat. Lumabas siya sa kampo ng mga Filisteo, at lumapit sa kampo ng mga Israelita. May siyam na talampakan[a] ang kanyang taas. Tanso ang helmet niya at tanso rin ang kanyang panangga sa dibdib na tumitimbang ng 60 kilo. Tanso rin ang nakabalot sa kanyang binti at hita, at may tansong sibat na nakasukbit sa kanyang balikat. Ang hawakan naman ng kanyang sibat ay mabigat at makapal; ang dulo nitoʼy tumitimbang ng pitong kilo. Nasa unahan naman niya ang tagapagdala ng kanyang kalasag.

Huminto si Goliat at sumigaw sa mga Israelita, “Kailangan nʼyo pa ba ng buong hukbo para makipaglaban? Ako ang Filisteo at kayo ang mga utusan ni Saul. Pumili na lang kayo ng isang taong kakatawan sa inyo na lalaban sa akin. Kung mapapatay niya ako, magpapaalipin kami sa inyo; pero kung mapapatay ko siya, magpapaalipin kayo at maglilingkod sa amin. 10 Ngayon, hinahamon ko kayo! Papuntahin ninyo rito ang makikipaglaban sa akin.” 11 Nang marinig ito ni Saul at ng mga Israelita, natakot sila nang husto.

12 Ngayon, may anak si Jesse na nagngangalang David. Si Jesse ay taga-Betlehem, na mula sa lahi ni Efraim sa lupain ng Juda. Matanda na si Jesse nang mga panahong iyon. May walo siyang anak na lalaki. 13 Ang tatlong nakatatanda ay sumama kay Saul sa digmaan – ang panganay na si Eliab, ang sumunod ay si Abinadab at si Shama naman ang pangatlo. 14 Si David ang bunso sa magkakapatid. Habang kasama ni Saul sa digmaan ang tatlo, 15 si David ay nagpapabalik-balik sa paglilingkod kay Saul at sa pagpapastol ng mga tupa ng kanyang ama sa Betlehem.

16 Sa loob ng 40 araw, paulit-ulit na hinahamon ni Goliat ang mga Israelita, araw at gabi.

17 Isang araw, sinabi ni Jesse kay David, “Anak, dalhin mo agad itong kalahating sako ng binusang trigo at sampung pirasong tinapay sa mga kapatid mo na nasa kampo. 18 Dalhin mo rin itong sampung pirasong keso sa pinuno ng hukbo. Kumustahin mo rin ang kalagayan ng mga kapatid mo roon. At sa pagbalik mo rito, magdala ka ng katunayan na mabuti ang kalagayan nila. 19 Naroon sila ngayon sa Lambak ng Elah at nakikipaglaban sa mga Filisteo kasama ni Saul at ng iba pang mga Israelita.” 20 Kaya kinabukasan, madaling-araw pa lang ay bumangon na si David at inihanda ang mga pagkaing dadalhin niya. Iniwan niya ang mga tupa sa isang pastol at siyaʼy umalis ayon sa iniutos ni Jesse. Nang dumating siya sa kampo ng mga Israelita, palabas na ang mga sundalong nagsisigawan para makipaglaban. 21 Maya-maya, magkaharap na ang mga Israelita at mga Filisteo na handa nang maglaban. 22 Iniwan ni David ang mga dala-dala niya sa tagapag-asikaso ng mga kailangan ng hukbo, at tumakbo siya sa lugar ng labanan at kinamusta ang mga kapatid niya. 23 Habang kinakausap niya sila, lumabas si Goliat, ang mahusay na mandirigma na taga-Gat, at pumunta sa unahan ng mga Filisteo, at hinamon na naman niya ang mga Israelita. Narinig ito ni David. 24 Nang makita ng mga Israelita si Goliat, nagtakbuhan sila sa sobrang takot. 25 Nag-usap-usap sila, “Nakita ba ninyo ang lalaking iyon na sumusugod para hamunin ang Israel? Bibigyan ng hari ng malaking gantimpala ang sinumang makakapatay sa kanya. Hindi lang iyan, ibibigay pa niya rito para maging asawa ang isa sa mga anak niyang babae, at ang buo niyang sambahayan ay hindi na magbabayad ng buwis sa Israel.”

26 Nagtanong si David sa mga taong nakatayo malapit sa kanya, “Sino ba ang Filisteong iyon na hindi nakakakilala sa Dios[b] na humahamon sa mga sundalo ng buhay na Dios? Ano ba ang matatanggap ng taong makakapatay sa kanya para matigil na ang panghihiya niya sa Israel?” 27 At sumagot ang mga tao, “Tulad ng narinig mo, iyon nga ang gantimpala sa makakapatay kay Goliat.”

28 Nang marinig ito ni Eliab, ang nakatatandang kapatid ni David, na nakikipag-usap si David sa mga tao, nagalit siya. Sinabi niya kay David, “Bakit ka pumunta rito? Sino ang pinagbantay mo sa iilang tupa natin doon sa ilang? Akala mo kung sino ka. Alam ko kung gaano ka kayabang. Pumunta ka lang dito para manood ng labanan.” 29 Sinabi ni David, “Ano ba ang ginawa ko? Nagtatanong lang ako.” 30 Tinalikuran niya si Eliab at nagtanong sa iba para linawin ang mga nalaman niya kanina at ganoon din ang sagot na natanggap niya.

31 Nakarating kay Saul ang mga sinabi ni David. Kaya ipinatawag niya ito. 32 Pagdating ni David, sinabi niya kay Saul, “Wala po ni isa man sa atin ang dapat na panghinaan ng loob dahil lang sa Filisteong iyon. Ako na po na inyong lingkod ang makikipaglaban sa kanya.” 33 Sumagot si Saul, “Hindi mo kayang makipaglaban sa kanya. Bata ka pa, habang siyaʼy mandirigma na mula pa sa kanyang pagkabata.” 34 Pero sumagot si David, “Matagal na po akong nagbabantay sa mga tupa ng aking ama. Kung may leon o oso na tatangay sa mga tupa, 35 tinutugis ko po ito at binubugbog, at kinukuha ang tupa. Kung lalaban ito hinuhuli ko ito sa leeg[c] at hinahampas hanggang sa mamatay. 36 Nagawa ko po ito sa mga leon at oso, at gagawin ko rin ito sa Filisteong iyon na hindi nakakakilala sa Dios dahil hinahamon po niya ang mga sundalo ng buhay na Dios. 37 Ang Panginoon na nagligtas sa akin sa mga leon at oso ang siya ring magliligtas sa akin sa kamay ng Filisteong iyon.”

Sinabi ni Saul kay David, “Sige, lumakad ka na. Patnubayan ka sana ng Dios.” 38 Ibinigay niya at ipinasuot kay David ang mga kasuotan niyang pandigma – ang tansong helmet at panangga sa dibdib. 39 Pagkatapos, isinukbit ni David ang espada ni Saul at sinubukang lumakad. Ngunit, dahil hindi pa siya sanay na gumamit ng mga ito, sinabi niya kay Saul, “Hindi po ako makikipaglaban na suot ang mga ito, hindi po ako sanay.” Kaya hinubad niya ang lahat ng ito. 40 Pagkatapos, kinuha niya ang kanyang tungkod, pumulot ng limang makikinis na bato sa sapa at inilagay sa balat na lalagyan. Dala-dala ang kanyang tirador, lumapit siya kay Goliat.

41 Lumapit si Goliat kay David na pinangungunahan ng tagapagdala niya ng armas. 42 Nang makita niyang binatilyo lamang si David, magandang lalaki at may mamula-mulang pisngi, hinamak niya ito. 43 Sinabi niya kay David, “Aso ba ako at patpat iyang dala-dala mo?” At isinumpa niya si David sa ngalan ng kanyang mga dios. 44 Sinabi pa niya, “Lumapit ka rito at ipapakain ko ang bangkay mo sa mga ibon at sa mababangis na hayop!” 45 Sumagot si David, “Makikipaglaban ka sa akin na ang dalaʼy espada, sibat, at punyal, pero lalabanan kita sa pangalan ng Panginoong Makapangyarihan, ang Dios ng hukbo ng Israel na iyong hinahamon. 46 Sa araw na ito ibibigay ka sa akin ng Panginoon. Papatayin at pupugutan kita ng ulo. Ngayong araw ding ito, ang mga bangkay ng mga kasama mong Filisteo ay ipapakain ko sa mga ibon at mababangis na hayop, at malalaman ng buong mundo na may Dios ang Israel. 47 Malalaman ng lahat ng nagkakatipon dito na kayang iligtas ng Panginoon ang kanyang bayan kahit na walang espada o sibat. Sapagkat ang Panginoon ang makikipaglaban at ibibigay niya kayong lahat sa amin.”

48 Habang lumalapit si Goliat sa kanya, patakbo naman siyang sinalubong ni David. 49 Kumuha siya ng bato sa kanyang lalagyan at tinirador sa noo si Goliat. Tumama ito at bumaon sa noo ni Goliat at natumba siya nang padapa sa lupa.

50 Kaya tinalo ni David si Goliat sa pamamagitan lang ng tirador at isang bato. Napatay niya si Goliat kahit wala siyang dalang espada. 51 Tumakbo siya papunta kay Goliat, kinuha ang espada nito at pinugutan ito ng ulo. Nang makita ng mga Filisteo na patay na ang mahusay nilang mandirigma, nagtakbuhan sila papalayo. 52 Sumugod ang mga sundalo ng Israel at Juda na sumisigaw, at hinabol nila ang mga Filisteo hanggang sa Gat[d] at Ekron. Nagkalat ang mga bangkay ng mga Filisteo sa daan ng Shaaraim hanggang sa Gat at Ekron. 53 Pagkatapos nilang habulin ang mga Filisteo, nagsibalik sila at sinamsam ang mga naiwan sa kampo ng mga Filisteo. 54 Dinala ni David ang ulo ni Goliat sa Jerusalem, at inilagay sa kanyang tolda ang mga armas ni Goliat.

55 Habang pinagmamasdan ni Saul si David na papalapit kay Goliat para makipaglaban, tinanong ni Saul si Abner, na kumander ng mga sundalo, “Abner, kaninong anak ang binatilyong iyan?” Sumagot si Abner, “Hindi ko po alam, Mahal na Hari.” 56 Sinabi ni Saul, “Alamin mo kung kanino siyang anak.”

57 Nang bumalik si David sa kampo nila matapos niyang mapatay si Goliat, dinala siya ni Abner kay Saul. Bitbit pa niya ang ulo ni Goliat. 58 Tinanong siya ni Saul, “Kanino kang anak, binata?” Sumagot si David, “Anak po ako ng inyong lingkod na si Jesse na taga-Betlehem.”

Ang Pagkakaibigan ni David at Jonatan

18 Matapos makipag-usap ni David kay Saul, nakilala niya ang anak nitong si Jonatan. Naging matalik silang magkaibigan at mahal na mahal ni Jonatan si David gaya ng pagmamahal niya sa kanyang sarili. Mula noon, hindi na pinauwi ni Saul si David sa kanilang bahay. Sumumpa si Jonatan kay David na magiging magkaibigan sila sa habang panahon dahil mahal niya si David gaya ng kanyang sarili. At bilang patunay ng kanyang pangako, hinubad niya ang kanyang balabal at ibinigay kay David, kasama ang kanyang pamigkis, espada, pana at sinturon.

Napagtagumpayan ni David ang lahat ng ipinagawa sa kanya ni Saul, kaya siyaʼy ginawa nitong pinuno ng buong hukbo. Nagustuhan ito ng mga mamamayan pati na rin ng mga opisyal ni Saul.

Nainggit si Saul kay David

Nang pauwi na ang mga Israelita matapos mapatay ni David si Goliat, sinalubong si Saul ng mga babaeng mula sa lahat ng bayan ng Israel. Sumasayaw sila at umaawit na may tamburin at alpa. Ganito ang kanilang awit:

“Libu-libo ang napatay ni Saul, kay David naman ay tig-sasampung libo.” Nagalit si Saul nang mapakinggan niya ang awit nila. Naisip niya, “Sinasabi nilang tig-sasampung libo ang napatay ni David, pero ang sa akin ay libu-libo lang. Kulang na lang ay siya ang kilalanin nilang hari.” Mula noon, binantayan na niyang mabuti si David dahil nagseselos siya rito.

10-11 Kinabukasan, pinasukan si Saul ng masamang espiritu na ipinadala ng Dios, at umasta siya na parang baliw sa loob ng kanilang bahay. Tumutugtog si David ng alpa gaya ng ginagawa niya bawat araw. May hawak noon na sibat si Saul, at dalawang beses niyang sinibat si David. Ang balak niyaʼy itusok si David sa dingding, pero nakailag si David at nakatakas. 12 Natatakot si Saul kay David dahil sinasamahan ito ng Panginoon samantalang siya namaʼy pinabayaan na ng Panginoon. 13 Kaya para malayo sa kanya si David, ginawa niya itong kumander ng 1,000 sundalo, at pinamunuan ito ni David nang buong lakas sa digmaan.

14 Nagtagumpay si David sa lahat ng ginagawa niya dahil kasama niya ang Panginoon. 15 Nang malaman ni Saul kung gaano katagumpay si David, lalo pa siyang natakot. 16 Pero lalo namang napamahal ang buong Israel at Juda kay David, dahil pinamumunuan niya sila sa mga labanan.

17 Isang araw, sinabi ni Saul kay David, “Handa akong ibigay sa iyo ang panganay kong anak na si Merab bilang asawa mo, pero kailangan mo munang patunayan sa akin na isa kang matapang na mandirigma sa pamamagitan ng pakikipaglaban para sa Panginoon.” At sinabi ni Saul sa sarili niya, “Sa pamamagitan nito ay mapapatay si David ng mga Filisteo at hindi na kailangang ako pa ang pumatay sa kanya.”

18 Pero sinabi ni David kay Saul, “Sino po ba ako at ang aking pamilya para maging manugang ng hari?”

19 Nang dumating ang araw na ikakasal na si Merab kay David, ipinakasal na lang ni Saul si Merab kay Adriel na taga-Mehola.

20 Samantala, ang isa pang anak na babae ni Saul na si Mical ay nagkagusto kay David. Nang malaman ito ni Saul, natuwa siya. 21 Sinabi ni Saul sa kanyang sarili, “Ipakakasal ko si Mical kay David, at gagawin ko siyang pain para mapatay ng mga Filisteo si David.” Kaya sinabi niya kay David, “May pagkakataon ka pa para maging manugang ko.”

22 Kinasabwat din ni Saul ang kanyang mga lingkod na makipag-usap nang lihim kay David at sabihin sa kanya, “Talagang gusto ka ng hari pati na rin ng kanyang mga lingkod. Kaya pumayag ka nang maging manugang niya.” 23 Nang sinabi nila ito kay David, sumagot siya, “Hindi ko makakayang magbayad sa hari para mapangasawa ko ang kanyang anak. Mahirap lang ako at galing sa isang hindi kilalang pamilya.”

24 Nang ibalita nila ito kay Saul, 25 sinabi ni Saul, “Sabihin ninyo kay David na ang hinihingi ko lang na bayad sa pagpapakasal sa aking anak ay 100 balat ng pinagtulian ng mga Filisteo bilang paghihiganti sa aking mga kalaban.” Pero ang plano ni Saul ay mahulog si David sa kamay ng mga Filisteo.

26 Nang sabihin ito ng mga lingkod ni Saul kay David, natuwa siya dahil gusto niyang maging manugang ng hari. Kaya bago pa sumapit ang itinakdang araw, 27 sinalakay ni David at ng mga tauhan niya ang mga Filisteo at napatay nila ang 200 sa mga ito. Pagkatapos, kinuha nila ang mga balat ng pinagtulian ng mga Filisteo at dinala ang lahat ng ito sa hari. Kaya ibinigay ni Saul si Mical kay David para maging asawa niya.

28 Nang malaman ni Saul na pinapatnubayan ng Panginoon si David at nakita niya kung gaano kamahal ni Mical si David, 29 lalo pa siyang natakot kay David. At itinuring niyang kaaway si David habang nabubuhay siya. 30 Nagpatuloy ang labanan sa pagitan ng mga Israelita at mga Filisteo. Bawat labanan, mas nagiging matagumpay si David kaysa sa lahat ng opisyal ng hari. Kaya lalong nakilala ang pangalan ni David sa buong bayan.

Footnotes

  1. 17:4 May siyam na talampakan: o, Mga tatlong metro. Sa Septuagint, anim na talampakan at siyam na pulgada.
  2. 17:26 na hindi nakakakilala sa Dios: sa literal, na hindi tuli. Ganito rin sa talatang 36.
  3. 17:34-35 leeg: Makikita ito sa Septuagint. Sa Hebreo, balbas.
  4. 17:52 Gat: Ito ay sa Septuagint, sa Hebreo, lambak.