1 Pedro 1:10-2:3
Ang Salita ng Diyos
10 Ang kaligtasang ito ay masusing sinisiyasat at sinusuring mga propetang naghayag sa biyayang darating sa inyo. 11 Sinisiyasat nila kung sino at kung kailan mangyayari ang tinutukoy ng Espiritu ni Cristo na sumasakanila. Ang Espiritu ang nagpatotoo noon pang una patungkol sa mga kahirapan ni Cristo at ang mga kaluwalhatiang kasunod nito. 12 Ipinahayag ito sa kanila subalit hindi para sa kanilang sarili kundi ipinaglingkod nila ito para sa atin. Ang bagay na ito ay ibinalita ngayon sa inyo sa pamamagitan ng mga tagapangaral ng ebanghelyo. Nangaral sila sa pamamagitan ng Espiritu na isinugo mula sa langit. Mahigpit na hinahangad ng mga anghel na malaman ang mga bagay na ito.
Magpakabanal Kayo
13 Kaya nga, ihanda ninyo ang inyong isipan gaya ng pagkabigkis ng baywang. Magkaroon kayo ng maayos na pag-iisip. Lubos kayong umasa sa biyayang tatamuhin ninyo kapag nahayag na si Jesucristo.
14 Tulad ng mga masunuring anak, huwag na kayong makiayon pa sa dating masidhing pita noong kayo ay wala pang pang-unawa. 15 At sapagkat ang tumawag sa inyo ay banal, magpakabanal din kayong tulad niya sa lahat ng inyong pag-uugali. 16 Ito ay sapagkat nasusulat: Magpakabanal kayo sapagkat ako ay banal.
17 Ang Ama ay humahatol nang walang pagtatangi ayon sa gawa ng bawat isa. Yamang tinatawag ninyo siyang Ama, ang inyong pag-uugali ay dapat may pagkatakot sa panahon nakayo ay namumuhay bilang mga dayuhan. 18 Nalalaman ninyong tinubos kayo mula sa walang kabuluhang paraan ng pamumuhay na minana ninyo sa inyong mga ninuno. Ang ipinangtubos sa inyo ay hindi nasisirang mga bagay na gaya ng pilak at ginto. 19 Subalit ang ipinangtubos sa inyo ay ang mahalagang dugo ni Cristo. Siya ay tulad ng isang korderong walang kapintasan at walang dungis. 20 Alam na ng Diyos ang patungkol sa kaniya noong una pa man, bago pa itinatag ang sanlibutan. Ngunit alang-alang sa inyo, nahayag siya sa mga huling araw na ito. 21 Sa pamamagitan niya, nanampalataya kayo sa Diyos na muling bumuhay sa kaniya mula sa mga patay at nagbigay kaluwalhatian sa kaniya. Kaya nga, ang inyong pananampalataya at pag-asa ay mapasa-Diyos.
22 Ngayon ay dinalisay na ninyo ang inyong mga kaluluwa sa pamamagitan ng inyong pagsunod sa katotohanan sa pamamagitan ng Espiritu upang kayo ay magkaroon ng pag-ibig na walang pagkukunwari sa mga kapatid. Kaya nga, mag-ibigan kayo sa isa’t isa nang buong ningas ng may malinis na puso. 23 Ipinanganak kayong muli, hindi sa binhing nasisira kundi sa walang kasiraan, sa pamamagitan ng salita ng Diyos na nabubuhay at namamalagi magpakailanman. 24 Ito ay sapagkat sinasabi:
Ang lahat ng tao ay gaya ng damo. Ang lahat ng kaluwalhatian ng tao ay gaya ng bulaklak ng damo. Ang damo ay natutuyo at ang bulaklak ay nalalagas.
25 Ngunit ang salita ng Panginoon ay mamamalagi magpakailanman.
Ito ang ebanghelyo na ipinangaral sa inyo.
2 Kaya nga, alisin na ninyo ang lahat ng masamanghangarin at lahat ng pandaraya. Talikdan na ninyo ang pagkukunwari, pagkainggit at lahat ng uri ng paninirang puri. 2 Kung magkagayon, gaya ng sanggol na bagong silang, nasain ninyo ang dalisay na gatas na ukol sa espiritu upang lumago kayo. 3 Nasain ninyo ito, yamang nalasap ninyo na ang Panginoon ay mabuti.
Copyright © 1998 by Bibles International