Add parallel Print Page Options

Mga Asawang Babae at mga Asawang Lalaki

Kayo namang mga asawang babae, magpasakop kayo sa inyong sariling mga asawa. At kung mayroon pa sa kanila na hindi sumusunod sa salita ng Diyos ay madala rin sila ng walang salita sa pamamagitan ng pamumuhay ng asawang babae.

Madadala sila kapag nakita nila ang inyong dalisay na pamumuhay na may banal na pagkatakot. Ang inyong paggayak ay huwag maging sa panlabas lamang. Ito ay huwag maging gaya ng pagtitirintas ng buhok at pagsusuot ng mga hiyas na ginto at mamahaling damit. Sa halip, ang pagya­manin ninyo ay ang paggayak sa pagkatao na natatago sa inyong puso, ang kagayakang hindi nasisira na siyang bunga ng maamo at payapang espiritu. Ito ang lubhang mahalaga sa mata ng Diyos. Ito ay sapagkat ganito ang kagayakang pinagyaman ng mga babaeng banal noong unang panahon. Sila ay nagtiwala sa Diyos at nagpasakop sa kanilang sariling asawa. Katulad ni Sara, sinunod niya at tinawag na panginoon ang kaniyang asawang si Abraham. Kayo rin ay mga anak ni Sara kung mabuti ang inyong mga gawa at wala kayong katatakutang anuman.

Kayo namang mga asawang lalaki, manahan kayong may pang-unawa kasama ng inyong asawa tulad ng isang mahinang sisidlan. Bigyan ninyo sila ng karangalan sapagkat kapwa ninyo silang tagapagmana ng biyaya ng buhay. Sa gayon ay walang magiging hadlang sa inyong mga panalangin.

Pagdanas ng Hirap sa Paggawa ng Mabuti

Katapus-tapusan, magkaisa kayo, magdamayan, magma­halan bilang magkakapatid. Kayo ay maging maawain at mapagkaibigan.

Huwag ninyong gantihan ng masama ang gumagawa sa inyo ng masama. Huwag ninyong alipustain ang umaalipusta sa inyo. Sa halip, gantihan ninyo sila ng pagpapala sapagkat tinawag kayo upang gawin ito, upang kayo ay magmana ng pagpapala. 10 Ito ay sapagkat nasusulat:

Ang nagnanais umibig sa buhay at makakita ng mabubuting araw ay dapat magpigil ang dila mula sa pagsasalita ng masama. At ang kaniyang labi ay dapat pigilin sa pagsalita ng pandaraya.

11 Tumalikod siya sa masama at gumawa siya ng mabuti. Hanapin niya ang kapayapaan at ipagpatuloy niya ito. 12 Ito ay sapagkat ang mga mata ng Panginoon ay nasa mga matuwid. Ang kaniyang tainga ay dumirinig ng kanilang panalangin. Ngunit ang mukha ng Panginoon ay laban sa mga gumagawa ng masama.

13 Kapag ang sinusunod ninyo ay ang mabuti, sino ang mananakit sa inyo? 14 At kung uusigin kayo sa paggawa ng mabuti, pinagpala pa rin kayo. Huwag kayong matakot sa kanilang pinangangambahan at huwag kayong mabagabag. 15 Ngunit pakabanalin ninyo ang Panginoong Diyos sa inyong mga puso. Humanda kayong lagi na sumagot sa sinumang magtatanong sa inyo patungkol sa inyong pag-asa, na may kaamuan at pagkatakot. 16 Magkaroon kayo ng magandang budhi upang mapahiya ang mga naninirang-puri sa inyo na nagsasabing gumagawa kayo ng masama at tumutuya sa inyong magandang pamumuhay kay Cristo. 17 Ito ay sapagkat kung loloobin ng Diyos, higit na mabuti ang magdusa nang dahil sa paggawa ng kabutihan kaysa paggawa ng kasamaan.

18 Dahil si Cristo man ay minsang nagdusa dahil sa kasalanan. Ang matuwid para sa mga hindi matuwid upang madala niya tayo sa Diyos. Pinatay siya sa laman ngunit binuhay siya sa pamamagitan ng Espiritu. 19 Sa pamamagitan din niya pumunta siya at nangaral sa mga espiritung nakabilanggo. 20 Iyan ang mga espiritung sumuway, na nang minsan ay hinintay ng pagbabata ng Diyos noong panahon ni Noe, samantalang ginagawa ang arka. Ilan tao lamang ang naligtas. Walo lamang ang naligtas sa arka sa pamamagitan ng tubig. 21 Ang tubig na iyon ang larawan ng bawtismo na ngayon ay nagliligtas sa atin. Hindi sa paglilinis ng karumihan ng makasalanang likas kundi ang tugon ng isang malinis na budhi sa Diyos. Ito ay sa pamamagitan ng pagkabuhay muli ni Jesucristo. 22 Siya ay umakyat sa langit at nasa kanan ng Diyos. Ipinasailalim na sa kaniya ng Diyos ang mga anghel, ang mga kapamahalaan at ang mga kapangyarihan.

Namumuhay para sa Diyos

Kaya nga, yamang si Cristo ang nagbata ng hirap sa laman dahil sa atin, maging gayundin nawa ang inyong pag-iisip sapagkat ang nagbata ng hirap sa laman ay tumigil sa pakikipag-ugnayan sa kasalanan.

Sa nalalabi niyang panahon sa katawang ito ay hindi na siya namuhay para sa masidhing pagnanasa sa laman kundi ang pagsunod sa kalooban ng Diyos. Sapat na ang nakaraang panahon ng ating buhay upang gawin ang kalooban ng mga Gentil. Lumakad tayo sa kahalayan, masamang pagnanasa, paglalasing, magulong pagtitipon, mga pag-iinuman at kasuklam-suklam na pagsamba sa mga diyos-diyosan. Iniisip nilang hindi pangkaraniwan ang hindi ninyo pakikipamuhay sa kanila sa gayong labis na kaguluhan. Dahil dito nilalait nila kayo. Ngunit mananagot sila sa Diyos na handang humatol sa mga buhay at sa mga patay. Ito ay sapagkat ang ebanghelyo ay inihayag maging sa mga namatay upang sila ay mahatulan ayon sa mga taong nasa katawang laman ngunit maging buhay ayon sa Diyos sa espiritu.

Malapit na ang wakas ng lahat ng bagay. Kaya nga, maging maayos ang inyong pag-iisip at laging handa sa pananalangin. Higit sa lahat, mag-ibigan kayo ng buong ningas sa isa’t isa. Sapagkat ang pag-ibig ay tumatakip ng maraming kasalanan. Maging mapagpatuloy kayo sa isa’t isa nang hindi mabigat sa loob. 10 Ayon sa biyaya na tinanggap ninyo ay ipaglingkod ninyo sa inyong kapwa. Maglingkod kayo gaya ng mabuting katiwala sa masaganang biyaya ng Diyos. 11 Kung ang sinuman ay magsalita, magsalita siya tulad ng isang nagsasalita ng salita ng Diyos. Kung ang sinuman ay naglilingkod, maglingkod siya ayon sa lakas na ibinibigay sa kaniya ng Diyos. Gawin niya ang mga ito upang papurihan ang Diyos sa lahat ng bagay sa pamamagitan ni Jesucristo. Sa kaniya ang karangalan at paghahari magpakailan pa man. Siya nawa.

Pagdanas ng Hirap sa Pagiging Isang Kristiyano

12 Mga minamahal, huwag ninyong isipin na wari bang hindi pangkaraniwan ang matinding pagsubok na inyong dinaranas. Huwag ninyong isipin na tila baga hindi pangka­raniwan ang nangyayari sa inyo.

13 Magalak kayo na kayo ay naging bahagi sa mga paghihirap ni Cristo. Kapag nahayag na ang kaniyang kaluwalhatian labis kayong magagalak. 14 Kapag kayo ay inalipusta dahil sa pangalan ni Cristo, pinagpala kayo sapagkat ang Espiritu ng kaluwalhatian at ng Diyos ay nananahan sa inyo. Sa ganang kanila, siya ay inalipusta, ngunit sa ganang inyo siya ay pinarangalan. 15 Huwag magdusa ang sinuman sa inyo bilang mamamatay tao, o magnanakaw, o gumagawa ng masama o mapanghimasok sa gawain ng iba. 16 Ngunit bilang isang mananampalataya huwag ikahiya ninuman kung siya ay magdusa. Sa halip, purihin niya ang Diyos sa bagay na ito. 17 Ito ay sapagkat dumating na ang panahon ng pasimula ng paghuhukom sa sambahayan ng Diyos. Ngunit kung sa atin ito nagsimula, ano kaya ang magiging wakas ng mga taong sumusuway sa ebanghelyo ng Diyos?

18 At kung ang kaligtasan ay mahirap para sa matuwid, ano kaya ang magiging kalagayan ng hindi kumikilala sa Diyos at ng makasalanan?

19 Kaya ang mga nagbabata dahil sa pagsunod sa kalooban ng Diyos ay italaga nila ang kanilang kaluluwa sa kaniya na matapat na Manglilikha at magpatuloy sa paggawa ng mabuti.

Sa mga Matanda at mga Kabataang Lalaki

Ang mga matanda na nasa inyo ay pinagtatagubilinan ko bilang isa ring matanda na nakasaksi sa mga paghihirap ni Cristo at bilang kabahagi rin ng kaluwalhatiang ihahayag.

Ipinamamanhik kong pangalagaan ninyo ang kawan ng Diyos na ipinagkatiwala sa inyo. Pangasiwaan ninyo sila, hindi dahil sa napipilitan kayo kundi kusang-loob, hindi dahil sa kasa­kiman sa pagkakamal ng salapi sa masamang paraan kundi sa paghahangad na makapaglingkod. At hindi bilang panginoon ng inyong nasasakupan kundi bilang huwaran sa inyong kawan. Sa pagparito ng Pangulong Pastol tatanggap kayo ng hindi nasisirang putong ng kaluwalhatian.

Kayo namang mga kabataan, magpasakop kayo sa mga matanda. Magpasakop kayo sa isa’t isa at isuot ninyo ang kapakumbabaan sapagkat

sinasaway ng Diyos ang mga palalo at nag­bibigay biyaya sa mga mapagpakumbaba.

Kaya nga, magpakumbaba kayo sa ilalim ng makapang­yarihang kamay ng Diyos upang kayo ay kaniyang itaas sa takdang panahon. Ilagak ninyo sa kaniya ang lahat ninyong kabalisahan sapagkat siya ay nagmamalasakit sa inyo.

Magkaroon kayo ng maayos na pag-iisip at magbantay kayo sapagkat ang diyablo na kaaway ninyo ay parang leon na umaatungal at umaali-aligid na naghahanap kung sino ang malalamon niya. Magpakatatag kayo sa inyong pananam­palataya. Labanan ninyo siya. Tulad ng nalalaman ninyo, dumaranas din ng gayong kahirapan ang mga kapatid ninyo sa buong sanlibutan.

10 Ang Diyos ng lahat ng biyaya, ang siyang tumawag sa inyo sa kaniyang walang hanggang kaluwalhatian kay Cristo Jesus. Pagkatapos ninyong maghirap ng maikling panahon, siya rin ang magpapaging-ganap, magpapalakas, magbibigay ng kakayanan at magpapatatag sa inyo. 11 Sumakaniya nawa ang papuri at paghahari magpakailanman. Siya nawa!

Panghuling Pagbati

12 Isinulat ko ang maikling liham na ito sa tulong ni Silvano na itinuturing kong matapat na kapatid upang mahikayat ko kayo ng may katapatan at patunayan sa inyo na ito nga ang totoong biyaya ng Diyos na nagpapatatag sa inyo.

13 Ang babae na nasa Babilonia ay bumabati sa inyo. Siya rin ay isang hinirang na tulad ninyo. Binabati rin kayo ni Marcos na aking anak. 14 Batiin ninyo ang isa’t isa ng halik ng pag-ibig. Ang kapayapaan ay sumainyong lahat na na kay Cristo Jesus. Siya nawa!