1 Pedro 3:8-16
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Magmahalan Kayong Lahat
8 Ngayon, narito ang ilan ko pang bilin sa inyong lahat: Dapat magkaisa kayo sa isip at damdamin, at magdamayan. Magmahalan kayo bilang magkakapatid. Maging maunawain at mapagpakumbaba kayo sa isaʼt isa. 9 Huwag ninyong gantihan ng masama ang gumagawa sa inyo ng masama, at huwag din ninyong gantihan ng pang-iinsulto ang mga nang-iinsulto sa inyo. Ang dapat ninyong gawin ay manalangin na kaawaan sila ng Dios, dahil pinili kayo ng Dios na gawin ito, at para kaawaan din niya kayo. 10 Sapagkat sinasabi sa Kasulatan,
“Ang sinumang nagnanais ng maligaya at masaganang pamumuhay ay hindi dapat magsalita ng masama at kasinungalingan.
11 Dapat lumayo siya sa masama at gawin ang mabuti.
Pagsikapan niyang kamtin ang kapayapaan.
12 Sapagkat iniingatan ng Panginoon ang matuwid, at sinasagot niya ang mga panalangin nila,
ngunit galit siya sa mga gumagawa ng masama.”[a]
13 Sino ang gagawa ng masama sa inyo kung laging mabuti ang ginagawa nʼyo? 14 Pero kung usigin kayo dahil sa kabutihang ginagawa nʼyo, mapalad kayo. Huwag kayong matakot o mag-alala sa ano mang gawin nila sa inyo. 15 Alalahanin nʼyo na si Cristo ang dapat ninyong parangalan at sundin. Dapat lagi kayong handang magpaliwanag sa sinumang magtatanong sa inyo tungkol sa pag-asa ninyo. 16 At maging mahinahon at magalang kayo sa inyong pagsagot. Tiyakin ninyong laging malinis ang inyong konsensya, para mapahiya ang mga taong minamasama ang mabubuti ninyong gawa bilang mga tagasunod ni Cristo.
Read full chapterFootnotes
- 3:12 Salmo 34:12-16.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®