Add parallel Print Page Options

Ang Palasyo ni Solomon

Labingtatlong taon naman ang ginugol ni Solomon sa pagpapagawa ng kanyang palasyo. Ang gusaling tinatawag na Gubat ng Lebanon ay may apatnapu't limang metro ang haba, dalawampu't dalawa't kalahating metro ang luwang at labingtatlo't kalahating metro ang taas. Ang gusaling ito ay may apat na hanay ng haliging sedar, na siyang kinapapatungan ng mga bigang sedar. Sedar din ang bubong ng mga silid na nakapatong sa apatnapu't limang haligi. Tatlong hanay ang mga bintana, at ang mga ito'y magkakatapat. Parihaba ang mga hamba ng mga pinto at bintana, at pawang magkakatapat.

Nagpagawa rin siya ng Bulwagan ng mga Haligi na dalawampu't dalawa't kalahating metro ang haba at labingtatlo't kalahating metro naman ang luwang. Sa pagpasok nito ay may isang pasilyong may bubong.

Ang silid na kinalalagyan ng trono na tinatawag ding Bulwagan ng Katarungan at kung saan nagbibigay ng hatol si Solomon, ay may dingding, sahig at kisame na tablang sedar.

Sa(A) likod naman ng bulwagang iyon ay nagpagawa siya ng kanyang tirahan, at ang yari nito'y tulad ng silid Hukuman. Ang kanyang reyna, ang anak ng Faraon, ay ipinagtayo rin niya ng tirahan, at ito'y katulad ng sa kanya.

Ang lahat ng gusali ay yari sa naglalakihang bato na tinabas ng lagari sa likod at harap. 10 May tatlo't kalahating metro ang sukat ng mga batong ginamit sa pundasyon, at mayroon ding apat at kalahating metro. 11 Sa paitaas naman, mamahaling batong tinabas at mga trosong sedar ang ginamit. 12 Gaya ng portiko at patyo ng Templo, ang patyo ng palasyo ay naliligid ng tatlong hanay na batong tinabas at isang hanay na trosong sedar.

Ang mga Kagamitan sa Templo

13 Ipinatawag ni Solomon sa Tiro si Hiram, 14 anak ng isang balo mula sa lipi ni Neftali na napangasawa ng isang manggagawa ng mga kagamitang tanso na taga-Tiro. Si Hiram ay matalinong manggagawa, at mahusay gumawa ng anumang kagamitang tanso. Siya ang ipinatawag ni Haring Solomon upang gumawa ng lahat ng kagamitang yari sa tanso.

Ang mga Haliging Tanso(B)

15 Gumawa siya ng dalawang haliging tanso. Walong metro ang taas ng mga ito at lima't kalahating metro ang sukat sa pabilog. 16 Ang bawat haligi ay nilagyan niya ng koronang tanso na dalawa't kalahating metro ang taas. 17 Gumawa pa siya ng dalawang palamuting animo'y kadena na pinalawit niya sa dakong ibaba ng kapitel, pitong likaw bawat kapitel. 18 Naghulma pa siya ng mga hugis granadang tanso na inilagay niya sa ibaba at itaas ng palamuting kadena, dalawang hanay bawat korona ng haligi.

19 Ang mga korona naman ng mga haligi ay hugis bulaklak ng liryo at dalawang metro ang taas. 20 Sa ibaba nito nakapaligid ang mga granadang tanso, 200 bawat kapitel.

21 Ang mga haliging ito ay itinayo sa pasilyong nasa harap ng Templo, sa magkabilang tabi ng pinto. Ang kanan ay tinawag na Jaquin[a] at ang kaliwa'y Boaz.[b] 22 At sa ibabaw ng mga haligi'y nilagyan ng mga kapitel na hugis-liryo. Dito natapos ang paggawa ng mga haligi.

Ang Tansong Ipunan ng Tubig(C)

23 Gumawa si Hiram ng isang malaking ipunan ng tubig apat at kalahating metro ang luwang ng labi nito, dalawa't kalahating metro ang lalim at labingtatlo't kalahating metro naman ang sukat sa pabilog. 24 Sa gilid nito'y nakapaikot ang palamuting hugis upo, sampu sa bawat kalahating metro. Ang mga palamuti ay nakahanay nang dalawa na kasamang hinulma ng ipunan. 25 Ang ipunan ay ipinatong sa gulugod ng labindalawang torong tanso, na magkakatalikuran: tatlo ang nakaharap sa silangan, tatlo sa kanluran, tatlo sa hilaga at tatlo sa timog. 26 Tatlong pulgada ang kapal ng ipunan at ang labi nito'y parang labi ng tasa, hugis bulaklak ng liryo. Ang ipunang tanso ay naglalaman ng 10,000 galong tubig.

Ang mga Patungan ng Hugasan

27 Gumawa pa siya ng sampung patungang tanso para sa mga hugasan. Bawat isa'y dalawang metro ang haba at lapad; isa't kalahating metro naman ang taas. 28 Ang mga ito ay ginawang parisukat na dingding na nakahinang sa mga balangkas. 29 Ang bawat dingding ay may mga nakaukit na larawan ng leon, baka, at kerubin. Ang mga gilid naman ng balangkas sa itaas at ibaba ng leon at baka ay may mga nakaukit na palamuting bulaklak na hugis korona. 30 Ang bawat patungan ay may apat na gulong na tanso at mga eheng tanso. Sa apat na sulok ng patungan ay may apat na tukod na tanso na siyang patungan ng hugasan. 31 Sa ibabaw ng mga tukod na ito ay may pabilog na balangkas para patungan ng hugasan at may taas na kalahating metro. Ang butas ng korona ay bilog at may 0.7 metro ang lalim. Ngunit parisukat ang ibabaw ng patungan, at ito'y may mga dibuhong nakaukit.

32 Ang bastidor ay nakapatong sa mga ehe ng gulong. Ang mga gulong naman ay nasa ilalim ng mga dingding. Dalawampu't pitong pulgada ang taas ng mga gulong, 33 at ang mga ito'y parang mga gulong ng karwahe; ang mga ehe, gilid, rayos at ang panggitnang bahagi ng gulong ay yaring lahat sa tanso. 34 Ang mga tukod naman sa apat na sulok at ang patungan ay iisang piraso. 35 Ang ibabaw ng patungan ay may leeg na pabilog, siyam na pulgada ang taas. Dito nakasalalay ang labi ng hugasan. Ang leeg, ang kanyang suporta at ang ibabaw ng patungan ay iisang piyesa lamang, 36 at ito'y may mga disenyong kerubin, leon, baka at mga punong palma.

37 Ganyan ang pagkayari ng sampung patungang tanso; iisa ang pagkakahulma, iisang sukat at iisang hugis.

38 Gumawa(D) rin siya ng sampung hugasang tanso, tig-isa ang bawat patungan. Dalawang metro ang luwang ng labi, at naglalaman ang bawat isa ng 880 litrong tubig. 39 Inilagay niya ang lima sa gawing kaliwa at ang lima'y sa gawing kanan ng Templo. Samantala, ang tangkeng tanso ay nasa gawing kanan ng Templo, sa sulok na timog-silangan.

40 Gumawa rin si Hiram ng mga kaldero, mga pala at mga mangkok. Natapos nga niyang lahat ang mga ipinagawa sa kanya ni Haring Solomon: 41 ang dalawang haliging tanso, ang mga kapitel nito at mga kadenang nakapalamuti sa kapitel; 42 ang 400 hugis granada na nakapaligid nang dalawang hanay sa puno ng kapitel; 43 ang sampung hugasan at ang kani-kanilang mga patungan; 44 ang tangkeng tanso at ang labindalawang toro na kinapapatungan niyon; 45 ang mga kaldero, pala at mangkok.

Ang lahat ng nasabing kagamitan na ipinagawa ni Haring Solomon kay Hiram ay purong tanso. 46 Ipinahulma niya ang lahat ng iyon sa kapatagan ng Jordan sa isang pagawaang nasa pagitan ng Sucot at Zaretan. 47 Hindi na ipinatimbang ni Solomon ang mga kasangkapang tanso sapagkat napakarami ng mga iyon.

48 Nagpagawa(E) rin si Solomon ng mga kagamitang ginto na nasa Templo ni Yahweh: ang altar na sunugan ng insenso, ang mesang patungan ng tinapay na handog; 49 ang(F) mga patungan ng ilawan sa harap ng Dakong Kabanal-banalan, lima sa kanan at lima sa kaliwa; ang mga palamuting bulaklak, ang mga ilawan at pang-ipit ng mitsa; 50 ang mga tasang lalagyan ng langis, ang mga pamutol ng mitsa, ang mga mangkok, ang mga sisidlan ng insenso at lalagyan ng apoy; at ang mga paikutan ng mga pinto ng Dakong Kabanal-banalan, at gayundin ng mga pinto ng Dakong Banal.

51 Natapos(G) ngang lahat ang mga ipinagawa ni Solomon para sa Templo ni Yahweh. Tinipon din niya ang lahat ng ginto, pilak at kagamitang inihandog ng kanyang amang si David, at itinago sa lalagyan ng kayamanan ng Templo.

Footnotes

  1. 1 Mga Hari 7:21 JAQUIN: Sa wikang Hebreo, ang salitang ito'y kasintunog ng salitang “siya ang nagpapatatag”.
  2. 1 Mga Hari 7:21 BOAZ: Sa wikang Hebreo, ang salitang ito'y kasintunog ng salitang “siya ang nagpapalakas”.

At itinayo ni Salomon ang kaniyang sariling bahay na labing tatlong taon, at kaniyang nayari ang kaniyang buong bahay.

Sapagka't kaniyang itinayo ang bahay na kahoy sa gubat ng Libano; ang haba'y isang daang siko, at ang luwang ay limang pung siko, at ang taas ay tatlong pung siko, sa apat na hanay na haliging sedro na may sikang na sedro sa ibabaw ng mga haligi.

At binubungan ng sedro sa ibabaw ng apat na pu't limang sikang, na nasa ibabaw ng mga haligi; labing lima sa isang hanay.

At may mga dungawan sa tatlong grado, at ang liwanag ng mga yaon ay nangagkakatapatan, sa tatlong grado.

At ang lahat na pintuan at mga haligi ay pawang parisukat ang anyo: at ang mga liwanag ay nangagkakatapatan, sa tatlong grado.

At siya'y gumawa ng portiko na may mga haligi: ang haba niyao'y limang pung siko, at ang luwang niyao'y tatlong pung siko, at may isang portiko na nasa harap ng mga yaon; at mga haligi at sikang ang nangasa harap ng mga yaon.

At kaniyang ginawa ang portiko ng luklukan na kaniyang paghuhukuman, sa makatuwid baga'y ang portiko ng hukuman: at nababalot ng sedro sa lapag at lapag.

At ang kaniyang bahay na tahanan, ibang looban sa loob ng portiko ay sa gayon ding gawa. Kaniyang iginawa rin naman ng bahay ang anak na babae ni Faraon (na naging asawa ni Salomon) na hawig portikong ito.

Ang lahat na ito'y mga mahalagang bato, sa makatuwid baga'y mga batong tabas, ayon sa sukat, na nilagari ng mga lagari, sa labas at sa loob, mula sa mga tatagang-baon hanggang sa kataastaasan, at gayon sa labas hanggang sa malaking looban.

10 At ang tatagang-baon ay mga mahalagang bato, sa makatuwid baga'y mga malaking bato, mga batong may sangpung siko, at mga batong may walong siko.

11 At sa ibabaw ay may mga mahalagang bato, sa makatuwid baga'y mga batong tabas, ayon sa sukat, at kahoy na sedro.

12 At ang malaking looban sa palibot ay may tatlong hanay ng batong tabas, at isang hanay na sikang na sedro; gaya ng pinakaloob na looban ng bahay ng Panginoon, at ng portiko ng bahay.

13 At nagsugo ang haring Salomon, at ipinasundo si Hiram sa Tiro.

14 Siya'y anak ng isang babaing bao sa lipi ni Nephtali, at ang kaniyang ama ay lalaking taga Tiro, na manggagawa sa tanso; at siya'y puspos ng karunungan, at katalinuhan, at kabihasahan, upang gumawa ng lahat na gawain sa tanso. At siya'y naparoon sa haring Salomon, at ginawa ang lahat niyang gawain.

15 Sapagka't kaniyang tinabas ang dalawang haligi na tanso, na may labing walong siko ang taas ng bawa't isa: at isang panukat na pisi na may labing dalawang siko ay maipalilibid sa bilog ng alinman sa bawa't isa.

16 At siya'y gumawa ng dalawang kapitel na binubong tanso, upang ilagay sa mga dulo ng mga haligi: ang taas ng isang kapitel ay limang siko at ang taas ng kabilang kapitel ay limang siko.

17 May mga yaring nilambat, at mga tirintas na yaring tinanikala, na ukol sa mga kapitel na nasa dulo ng mga haligi; pito sa isang kapitel, at pito sa kabilang kapitel.

18 Gayon ginawa niya ang mga haligi: at mayroong dalawang hanay sa palibot ng isang yaring lambat, upang takpan ang mga kapitel na nasa dulo ng mga haligi; at gayon ang ginawa niya sa kabilang kapitel.

19 At ang mga kapitel na nasa dulo ng mga haligi sa portiko ay mga yaring lila, na apat na siko.

20 At may mga kapitel naman sa dulo ng dalawang haligi, na malapit sa pinakatiyan na nasa siping ng yaring lambat: at ang mga granada ay dalawang daan, na nahahanay sa palibot sa ikalawang kapitel.

21 At kaniyang itinayo ang mga haligi sa portiko ng templo: at kaniyang itinayo ang kanang haligi, at pinanganlang Jachin: at kaniyang itinayo ang kaliwang haligi, at pinanganlang Boaz.

22 At sa dulo ng mga haligi ay may yaring lila: sa gayo'y ang gawain sa mga haligi ay nayari.

23 At kaniyang ginawa ang binubong dagatdagatan na may sangpung siko mula sa labi't labi, na lubos na mabilog, at ang taas ay limang siko: at isang panukat na pisi na may tatlong pung siko ang maipalilibid sa palibot.

24 At sa ilalim ng labi sa paligid ay may mga kulukuti sa palibot, na sangpu sa bawa't siko, na nakalibid sa dagatdagatan sa palibot: ang mga kulukuti ay dalawang hanay, na binubo ng bubuin ang binubong dagatdagatan.

25 Nakapatong ang dagatdagatan sa labing dalawang baka, ang tatlo'y nakaharap sa dakong hilagaan, ang tatlo'y nakaharap sa dakong kalunuran, ang tatlo'y nakaharap sa dakong timugan, at ang tatlo'y nakaharap sa dakong silanganan; at ang dagatdagatan ay napapatong sa mga yaon, at ang lahat na puwitan ng mga yaon ay nasa loob.

26 At ang kapal ng dagatdagatan ay isang dangkal; at ang labi niyaon ay yaring gaya ng labi ng isang tasa, gaya ng bulaklak na lila: naglalaman ng dalawang libong bath.

27 At siya'y gumawa ng sangpung patungang tanso: apat na siko ang haba ng bawa't isa at apat na siko ang luwang, at tatlong siko ang taas.

28 At ang pagkayari ng mga patungan ay ganitong paraan: may mga gilid na takip sa pagitan ng mga sugpong:

29 At sa mga gilid na takip na nasa pagitan ng mga sugpong ay may mga leon, mga baka, at mga querubin; at sa itaas ng mga sugpong ay may tungtungan sa ibabaw; at sa ibaba ng mga leon, at mga baka, ay may mga tirintas na nangagbitin.

30 At bawa't patungan ay may apat na gulong na tanso, at mga ejeng tanso: at ang apat na paa niyao'y may mga lapatan: sa ilalim ng hugasan ay may mga lapatan na binubo, na may mga tirintas sa siping ng bawa't isa.

31 At ang bunganga niyaong nasa loob ng kapitel, at ang taas ay may isang siko: at ang bunganga niyao'y mabilog ayon sa pagkayari ng tungtungan, na may isang siko't kalahati: at sa bunganga naman niyao'y may mga ukit, at ang mga gilid ng mga yaon ay parisukat, hindi mabilog.

32 At ang apat na gulong ay nasa ibaba ng mga gilid; at ang mga eje ng mga gulong ay nasa patungan: at ang taas ng bawa't gulong ay isang siko at kalahati.

33 At ang pagkagawa ng mga gulong ay gaya ng pagkagawa ng mga gulong ng karo: ang mga eje ng mga yaon, at ang mga Ilanta ng mga yaon, at ang mga rayos ng mga yaon at ang mga boha niyaon ay pawang binubo.

34 At may apat na lapatan sa apat na panulok ng bawa't patungan: ang mga lapatan ay kaputol ng patungan.

35 At sa ibabaw ng patungan ay may isang nakababakod na mabilog na may kalahating siko ang taas: at sa ibabaw ng patunga'y nandoon ang mga panghawak, at ang mga gilid ay kaputol niyaon.

36 At sa mga lamina ng mga panghawak niyaon at sa mga gilid niyaon, ay kaniyang inukitan ng mga querubin, mga leon, at mga puno ng palma ayon sa pagitan ng bawa't isa, na may mga tirintas sa palibot.

37 Ayon sa paraang ito ay kaniyang ginawa ang sangpung patungan: lahat ng yaon ay iisa ang pagkabubo, iisa ang sukat, at iisa ang anyo.

38 At siya'y gumawa ng sangpung hugasang tanso: isang hugasan ay naglalaman ng apat na pung bath: at bawa't hugasan ay may apat na siko: at sa bawa't isa sa sangpung patungan ay isang hugasan.

39 At kaniyang inilagay ang mga patungan, lima sa kanang tagiliran ng bahay, at lima sa kaliwang tagiliran ng bahay: at kaniyang inilagay ang dagatdagatan sa tagilirang kanan ng bahay sa dakong silanganan, na dakong timugan.

40 At ginawa ni Hiram ang mga hugasan, at ang mga pala, at ang mga mangkok. Gayon tinapos gawin ni Hiram ang lahat na gawa na kaniyang ginawa sa haring Salomon, sa bahay ng Panginoon:

41 Ang dalawang haligi, at ang dalawang kabilugan sa paligid ng mga kapitel na nasa dulo ng mga haligi; at ang dalawang yaring lambat na nakaligid sa dalawang kabilugan ng mga kapitel na nasa dulo ng mga haligi;

42 At ang apat na raang granada sa dalawang yaring lambat; ang dalawang hanay na granada sa bawa't yaring lambat, upang makaligid sa dalawang kabilugan ng mga kapitel na nasa dulo ng mga haligi;

43 At ang sangpung patungan, at ang sangpung hugasan sa ibabaw ng mga patungan;

44 At ang isang dagatdagatan, at ang labing dalawang baka sa ilalim ng dagatdagatan;

45 At ang mga palyok, at ang mga pala, at ang mga mangkok: sa makatuwid baga'y lahat ng kasangkapang ito na ginawa ni Hiram sa haring Salomon, sa bahay ng Panginoon, ay pawang tansong binuli.

46 Sa kapatagan ng Jordan binubo ng hari, sa malagkit na lupa na nasa pagitan ng Succoth at ng Sarthan.

47 At lahat na kasangkapan ay hindi tinimbang ni Salomon, sapagka't totoong napakarami: ang timbang ng tanso ay hindi makukuro.

48 At ginawa ni Salomon ang lahat na kasangkapan na nasa bahay ng Panginoon: ang ginintong dambana, at ang dulang na gininto na kinaroroonan ng tinapay na handog;

49 At ang mga kandelero na taganas na ginto na lima sa dakong kanan, at lima sa kaliwa sa harap ng sanggunian; at ang mga bulaklak, at ang mga ilawan, at mga pangipit na ginto;

50 At ang mga saro, at ang mga panggupit ng micha, at ang mga mangkok, at ang mga panandok, at ang mga suuban, na taganas na ginto; at ang mga pihitang ginto maging ang sa mga pinto ng bahay sa loob, na kabanalbanalang dako, at ang sa mga pinto ng bahay, sa makatuwid baga'y ng templo.

51 Ganito nayari ang buong gawa ng haring Salomon na ginawa sa bahay ng Panginoon. At ipinasok ni Salomon ang mga bagay na itinalaga ni David na kaniyang ama, ang pilak at ang ginto, at ang mga kasangkapan, at ipinasok sa mga silid ng kayamanan ng bahay ng Panginoon.