Add parallel Print Page Options

Ang Salita ng Buhay

Siya na buhat pa nang pasimula ay aming narinig, nakita ng aming mga mata, aming namasdan at nahawakanng aming mga kamay. Siya ang Salita ng buhay.

Ang buhay ay nahayag at nakita namin ito at aming pinatotohanan. Isinasalaysay namin sa inyo ang buhay na walang hanggan na iyon na kasama ng Ama na nahayag sa amin. Siya na aming nakita at narinig ay isinasalaysay namin sa inyo upang kayo rin naman ay magkaroon ng pakikipag-isa sa amin. Tunay na ang pakikipag-isa ay sa Ama at sa kaniyang Anak na si Jesucristo. Sinusulat namin ang mga bagay na ito sa inyo upang malubos ang ating kagalakan.

Pamumuhay sa Liwanag

Ito nga ang pangaral na narinig namin sa kaniya at ipinahahayag namin sa inyo: Ang Diyos ay liwanag at sa kaniya ay walang anumang kadiliman.

Kung sinasabi nating tayo ay may pakikipag-isa sa kaniya ngunit lumalakad naman sa kadiliman, nagsisinungaling tayo at hindi natin ginagawa ang katotohanan. Ngunit kung lumalakad tayo sa liwanag, tulad niyang nasa liwanag, may pakikipag-isa tayo sa isa’t isa. Ang dugo ni Jesucristo na kaniyang anak ang naglilinis sa lahat ng kasalanan.

Kung sinasabi nating wala tayong kasalanan, dinadaya natin ang ating sarili at ang katotohanan ay wala sa atin. Kung ihahayag natin ang ating mga kasalanan, siya ay matapat at matuwid na magpapatawad at maglilinis sa atin sa lahat ng ating kalikuan. 10 Kung sinasabi nating hindi tayo nagkasala, ginagawa natin siyang sinungaling at ang salita niya ay wala sa atin.

Munti kong mga anak, sinusulat ko ang mga bagay na ito sa inyo upang hindi kayo magkasala. Ngunit kapag nagkasala ang sinuman, mayroon tayong isang Tagapagtanggol sa Ama, si Jesucristo, ang matuwid. Siya ang kasiya-siyang handog para sa ating mga kasalanan. Hindi lamang para sa ating mga kasalanan kundi para rin naman sa mga kasalanan ng buong sanlibutan.

Sa ganitong paraan, nalalaman natin na nakikilala natin siya kapag sinusunod natin ang kaniyang mga utos. Ang nagsasabing: Nakikilala ko siya, ngunit hindi sinusunod ang kaniyang mga utos ay isang sinungaling at wala sa kaniya ang katotohanan. Ang sinumang sumusunod sa kaniyang mga salita, totoong naganap sa kaniya ang pag-ibig ng Diyos. Sa ganitong paraan ay nalalaman natin na tayo ay nasa kaniya. Ang sinumang nagsasabing siya ay nananatili sa kaniya, ay nararapat din namang lumakad kung papaano lumakad si Jesus.

Mga kapatid, hindi ako sumusulat ng bagong utos sa inyo kundi ang dating utos na inyong tinanggap mula pa noong una. Ang dating utos ay ang salita na inyong narinig buhat pa sa pasimula. Muli, isang bagong utos ang isinusulat ko sa inyo na totoo sa kaniya at sa inyo sapagkat ang kadiliman ay napapawi na at ang tunay na liwanag ay sumisikat na.

Ang nagsasabing siya ay nasa liwanag ngunit napopoot sa kaniyang kapatid ay nasa kadiliman pa hanggang ngayon. 10 Ang umiibig sa kaniyang kapatid ay nananatili sa liwanag at walang anumang bagay ang sa kaniya na magiging katitisuran. 11 Ang napopoot sa kaniyang kapatid ay nasa kadiliman. Lumalakad siya sa kadiliman at hindi niya malaman kung saan siya patutungo sapagkat ang kadilimang iyon ang bumulag sa kaniyang mga mata.