Add parallel Print Page Options

Mga Inihandang Gagamitin sa Pagtatayo ng Templo

29 Sinabi(A) ni Haring David sa buong kapulungan, “Si Solomon na aking anak na siya lamang pinili ng Diyos ay bata pa at walang sapat na karanasan, at ang gawain ay malaki; sapagkat ang templo ay hindi sa tao, kundi para sa Panginoong Diyos.

Kaya't ako'y naghanda sa abot ng aking makakaya para sa bahay ng aking Diyos, ng ginto para sa mga bagay na ginto, pilak para sa mga bagay na pilak, tanso para sa mga bagay na tanso, bakal para sa mga bagay na bakal, kahoy para sa mga bagay na kahoy; bukod sa napakaraming batong onix, mga batong pangkalupkop, mga batong panggayak, batong may sari-saring kulay, at ng lahat ng uri ng mahahalagang bato, at mga batong marmol.

Bukod dito, bilang karagdagan sa lahat ng aking ibinigay para sa bahay ng aking Diyos, may pag-aari akong ginto at pilak, at dahil sa aking pagmamalasakit sa bahay ng aking Diyos, ibinibigay ko ito sa banal na bahay:

tatlong libong talentong ginto mula sa Ofir, at pitong libong talentong dalisay na pilak upang ibalot sa mga dingding ng gusali;

ginto na ukol sa mga bagay na ginto, at pilak na ukol sa mga bagay na pilak, at sa lahat ng sari-saring gawain na gagawin ng mga kamay ng mga manggagawa. Sino ngayon ang maghahandog nang kusa upang italaga ang sarili sa Panginoon sa araw na ito?”

Ang Handog ng mga Tao

Nang magkagayo'y nagbigay ng mga kusang-loob na handog ang mga puno ng mga sambahayan ng mga ninuno, gayundin ang mga pinuno ng mga lipi ng Israel, at ang mga punong-kawal ng mga libu-libo at daan-daan, pati ang mga tagapamahala sa gawain ng hari.

Nagbigay sila para sa paglilingkod sa bahay ng Diyos ng ginto, na limang libong talento, at sampung libong dariko ng ginto at sampung libong talentong pilak at labingwalong libong talentong tanso, at isandaang libong talentong bakal.

Sinumang may mamahaling bato ay ibinigay ang mga ito sa kabang-yaman ng bahay ng Panginoon, sa ilalim ng pag-iingat ni Jehiel na Gershonita.

Pagkatapos ay nagalak ang bayan, sapagkat ang mga ito'y kusang-loob na naghandog, sapagkat sila'y may dalisay na puso na kusang naghandog sa Panginoon at si Haring David ay labis na nagalak.

Ang Pagpapasalamat ni David

10 Kaya't pinuri ni David ang Panginoon sa harap ng buong kapulungan at sinabi ni David, “Purihin ka, O Panginoon, ang Diyos ni Israel na aming ama, magpakailan kailanman.

11 Iyo,(B) O Panginoon, ang kadakilaan, kapangyarihan, kaluwalhatian, pagtatagumpay, at karangalan. Sapagkat sa iyo ang lahat ng nasa langit at nasa lupa; iyo ang kaharian, O Panginoon, at ikaw ay mataas na pinuno sa lahat.

12 Ang mga kayamanan at gayundin ang karangalan ay nagmumula sa iyo, at ikaw ang namumuno sa lahat. Nasa iyong kamay ang kapangyarihan, kalakasan, pagpapadakila, at pagpapalakas sa lahat.

13 At ngayon, aming Diyos, kami ay nagpapasalamat sa iyo, at aming pinupuri ang iyong maluwalhating pangalan.

14 “Ngunit sino ba ako, at ano ang aking bayan, na kusang makapaghahandog sa ganitong paraan? Sapagkat ang lahat ng bagay ay nagmumula sa iyo, at ang sa iyo ang aming ibinigay sa iyo.

15 Sapagkat kami ay mga dayuhan at manlalakbay sa harap mo, gaya ng lahat ng aming mga ninuno; ang aming mga araw sa lupa ay gaya ng anino, at hindi magtatagal.

16 O Panginoon naming Diyos, lahat ng kasaganaang ito na aming inihanda upang ipagtayo ka ng bahay na ukol sa iyong banal na pangalan ay nagmumula sa iyong kamay, at lahat ay sa iyo lamang.

17 Alam ko rin, aking Diyos, na iyong sinisiyasat ang puso, at nalulugod ka sa katuwiran. Sa katuwiran ng aking puso ay aking kusang-loob na inihandog ang lahat ng bagay na ito, at ngayo'y nakita ko ang iyong bayan na naririto, kusang-loob at may kagalakang naghahandog sa iyo.

18 O Panginoon, ang Diyos ni Abraham, ni Isaac, at ni Israel na aming mga ninuno, ingatan mo nawa magpakailanman ang mga gayong layunin at mga pag-iisip ng puso ng iyong bayan, at ituon mo ang kanilang puso sa iyo.

19 Bigyan mo si Solomon na aking anak ng sakdal na puso, upang ingatan niya ang iyong mga utos, mga patotoo, mga batas, upang gawin ang lahat ng bagay na ito, at upang itayo niya ang templo, na siyang aking pinaghandaan.”

Nagsunog ng Handog

20 Sinabi ni David sa buong kapulungan, “Ngayo'y purihin ninyo ang Panginoon ninyong Diyos.” Ang buong kapulungan ay nagpuri sa Panginoon, sa Diyos ng kanilang mga ninuno; iniyukod ang kanilang mga ulo, sumamba sa Panginoon, at nagbigay-galang sa hari.

21 Sila'y nag-alay ng mga handog sa Panginoon, at kinabukasan ay naghandog sa Panginoon ng mga handog na sinusunog na isang libong baka, isang libong tupang lalaki, at isang libong kordero, pati mga inuming handog na para sa mga iyon, at ng saganang alay ukol sa buong Israel.

Si Solomon ay Ginawang Hari

22 Sila'y kumain at uminom sa harap ng Panginoon nang araw na iyon na may malaking kasayahan. Sa ikalawang pagkakataon ay kanilang ginawang hari si Solomon na anak ni David, at binuhusan siya ng langis bilang pinuno para sa Panginoon at si Zadok bilang pari.

23 Pagkatapos(C) ay umupo si Solomon sa trono ng Panginoon bilang hari na kapalit ni David na kanyang ama; at siya'y nagtagumpay, at ang buong Israel ay sumunod sa kanya.

24 Ang lahat ng pinuno at ang mga mandirigma, at ang lahat ng mga anak ni Haring David ay nangako ng kanilang katapatan kay Haring Solomon.

25 Pinadakilang mabuti ng Panginoon si Solomon sa paningin ng buong Israel, at binigyan ng karangalan bilang hari na hindi tinanggap ng sinumang nauna sa kanya sa Israel.

Ang Pamamahala at Kamatayan ni David

26 Sa gayon naghari si David na anak ni Jesse sa buong Israel.

27 Ang(D) panahon ng kanyang paghahari sa Israel ay apatnapung taon; pitong taon siyang naghari sa Hebron, at tatlumpu't tatlong taon naman sa Jerusalem.

28 Pagkatapos siya'y namatay sa sapat na katandaan, puspos ng mga araw, mga kayamanan, at karangalan; at si Solomon na kanyang anak ay nagharing kapalit niya.

29 At ang mga gawa ni Haring David, mula sa una hanggang huli ay nakasulat sa Kasaysayan[a] ni Samuel na tagakita at sa Kasaysayan ni Natan na propeta, at sa Kasaysayan ni Gad na tagakita;

30 pati ang salaysay ng kanyang buong paghahari, ang kanyang kapangyarihan at ang mga pangyayaring dumating sa kanya at sa Israel, at sa lahat ng mga kaharian sa daigdig.

Footnotes

  1. 1 Cronica 29:29 o Cronica .

Ang mga Regalo sa Pagpapatayo ng Templo

29 Pagkatapos, sinabi ni Haring David sa lahat ng mamamayan ng Israel, “Ang anak kong si Solomon na pinili ng Dios ay bata pa at wala pang karanasan. Malaki ang gawain na ito, dahil ang ipapatayong gusali ay hindi para sa tao kundi para sa Panginoong Dios. Ginawa ko ang lahat para maihanda ang mga materyales para sa templo ng aking Dios – maraming ginto, pilak, tanso, bakal, kahoy, mamahaling bato na onix, at iba pang mamahaling hiyas at mga batong may ibaʼt ibang kulay, at marami ring marmol. At dahil sa kagustuhan kong maitayo ang templo ng aking Dios, ibibigay ko pati ang personal kong mga ginto at pilak, bukod pa ang mga materyales na naipon ko para sa banal na templo. Ang ibibigay ko ay 100 toneladang ginto mula sa Ofir, at 250 toneladang pilak. Ito ay gagamiting pangtapal sa mga dingding ng templo, at para naman sa lahat ng mga kagamitan na gagawin ng mga platero. Ngayon, sino ang gustong magbigay para sa Panginoon?”

Pagkatapos, kusang-loob na nagbigay ang mga pinuno ng mga pamilya, mga pinuno ng mga lahi ng Israel, mga kumander ng libu-libo at daan-daang sundalo, at ang mga opisyal na itinalaga sa pamamahala ng mga ari-arian ng hari. Nagbigay sila para sa pagpapagawa ng templo ng Dios ng 175 toneladang ginto, 10,000 perang ginto, 350 toneladang pilak, 630 toneladang tanso, at 3,500 toneladang bakal. May mga nagbigay din ng mga mamahaling bato, at itinabi ito sa bodega ng templo ng Panginoon na pinamamahalaan ni Jehiel na mula sa angkan ni Gershon. Nagalak ang mga tao sa mga pinuno nila dahil kusang-loob at taos-puso silang nagbigay para sa Panginoon. Labis din ang kagalakan ni Haring David.

Ang Panalangin ni David

10 Pinuri ni David ang Panginoon sa harap ng mga tao. Sinabi niya,

“O Panginoon, Dios ng aming ninuno na si Jacob,[a] sa inyo ang kapurihan magpakailanman! 11 Makapangyarihan kayo, kagalang-galang, dakila, at kapuri-puri! Sapagkat sa inyo ang lahat ng bagay na nasa langit at nasa lupa. Kayo ang hari, O Panginoon, at higit kayo sa lahat! 12 Sa inyo nagmumula ang kayamanan at karangalan. Kayo ang namamahala sa lahat ng bagay. Makapangyarihan kayo, at kayo ang nagpapalakas at nagbibigay kapangyarihan sa sinuman.

13 “Ngayon, O aming Dios, pinasasalamatan namin kayo at pinupuri ang inyong kagalang-galang na pangalan. 14 Pero sino po ba ako at ang aking mga mamamayan na makapagbibigay kami ng nag-uumapaw na kaloob gaya nito? Lahat ng bagay ay nagmula sa inyo, at ibinabalik lamang namin sa inyo ang ibinigay nʼyo sa amin. 15 Nalalaman nʼyo, O Panginoon, na pansamantala lang kami rito sa mundo gaya ng aming mga ninuno. Ang buhay namin ay gaya ng anino na hindi nananatili.

16 “O Panginoon naming Dios, ang lahat ng ibinigay namin sa pagpapatayo ng templo para sa karangalan ng inyong banal na pangalan ay nagmula rin sa inyo. Pagmamay-ari nʼyo ang lahat ng ito! 17 O aking Dios, alam ko pong sinasaliksik nʼyo ang aming puso at nasisiyahan kayo kapag nakikita nʼyong tapat ito. Kaya tapat at kusang-loob ang pagbibigay ko sa inyo ng mga bagay na ito. At nagagalak po ako dahil nakita kong kahit ang mga mamamayan ninyong narito ay kusang-loob na nagbigay.

18 “O Panginoon, ang Dios ng aming mga ninuno na sina Abraham, Isaac at Jacob, palagi nʼyo po sanang ilagay sa puso ng mga mamamayan ninyo ang naising ito at tulungan nʼyo po sila na maging tapat sa inyo. 19 Tulungan nʼyo rin po ang anak kong si Solomon na lalong maging tapat sa pagsunod sa inyong mga utos, katuruan at mga tuntunin, at sa paggawa ng lahat ng ipinatutupad ninyo tungkol sa pagpapatayo ng templo na aking inihanda.”

20 Pagkatapos, sinabi ni David sa lahat ng tao, “Purihin nʼyo ang Panginoon na inyong Dios.” Kaya pinuri nila ang Panginoon, ang Dios ng kanilang mga ninuno. Yumukod sila at nagpatirapa bilang pagpaparangal sa Panginoon at sa kanilang hari.

Kinilala si Solomon Bilang Hari

21 Nang sumunod na araw, nag-alay sila sa Panginoon ng mga handog na sinusunog: 1,000 toro, 1,000 lalaking tupa at 1,000 batang tupa. Nag-alay din sila ng mga handog na inumin at iba pang mga handog para sa mga Israelita. 22 Masaya silang nagkainan at nag-inuman sa presensya ng Panginoon nang araw na iyon.

Muli, idineklara nilang hari si Solomon na anak ni David. Pinahiran si Solomon ng langis sa presensya ng Panginoon bilang hari, at pinahiran din ng langis si Zadok bilang pari. 23 Kaya umupo si Solomon sa trono ng Panginoon bilang hari, kapalit ng ama niyang si David. Naging maunlad si Solomon, at sumunod sa kanya ang buong Israel. 24 Nangako ang lahat ng opisyal, ang mga makapangyarihang tao, at ang lahat ng anak na lalaki ni Haring David na magpapasakop sila kay Haring Solomon. 25 Niloob ng Panginoon na maging tanyag si Solomon sa buong Israel at binigyan ng karangalang hindi nakamit ng ibang hari sa Israel.

Ang Pagkamatay ni David

26-27 Naghari si David na anak ni Jesse sa buong Israel sa loob ng 40 taon – 7 taon sa Hebron at 33 taon sa Jerusalem. 28 Nabuhay siya nang matagal, mayaman at marangal. Namatay siya nang matandang-matanda na at ang anak niyang si Solomon ang pumalit sa kanya bilang hari. 29 Ang kasaysayan tungkol sa paghahari ni Haring David, mula sa simula hanggang katapusan ay nakasulat sa mga aklat ng mga propeta na sina Samuel, Natan at Gad. 30 Naisulat dito kung paano siya naghari, at kung gaano siya naging makapangyarihan, at ang lahat ng nangyari sa kanya at sa Israel, at sa mga nakapaligid na kaharian.

Footnotes

  1. 29:10 Jacob: sa Hebreo, Israel. Ganito rin sa talatang 18.

Mga inihandang gagamitin sa pagtatayo ng templo.

29 At sinabi ni David na hari sa buong kapisanan, Si Salomon na aking anak na siya lamang pinili ng Dios (A)ay bata pa at sariwa, at ang gawain ay malaki; sapagka't ang templo ay hindi ukol sa tao, kundi sa Panginoong Dios.

Akin ngang ipinaghanda ng aking buong kaya ang bahay ng aking Dios, ng ginto na ukol sa mga bagay na ginto, at ng pilak na ukol sa mga bagay na pilak, at ng tanso na ukol sa mga bagay na tanso, ng bakal na ukol sa mga bagay na bakal, at ng kahoy na ukol sa mga bagay na kahoy; ng mga (B)batong onix, at mga batong pangkalupkop, ng mga batong panggayak, at may sarisaring kulay, at ng lahat na sarisaring mahalagang bato, at ng mga batong marmol na sagana.

Bukod din naman dito, sapagka't aking inilagak ang aking loob sa bahay ng aking Dios, na yamang may tinatangkilik ako na aking sariling ginto at pilak, ay aking ibinibigay sa bahay ng aking Dios, bukod sa lahat na aking inihanda na ukol sa banal na bahay;

Sa makatuwid baga'y (C)tatlong libong talentong ginto, na ginto sa (D)Ophir, at pitong libong talentong dalisay na pilak upang ibalot sa mga panig ng mga bahay:

Ginto na ukol sa mga bagay na ginto, at pilak na ukol sa mga bagay na pilak at sa lahat na sarisaring gawain na yayariin ng mga kamay ng mga manggagawa. Sino nga ang naghahandog na kusa upang magtalaga sa Panginoon sa araw na ito?

Ang handog ng mga magulang, ng mga prinsipe at pinunong kawal sa gawain ng hari.

(E)Nang magkagayo'y naghandog na kusa ang mga prinsipe ng mga sangbahayan ng mga magulang, at ang mga prinsipe ng mga lipi ng Israel, at ang mga pinunong kawal ng lilibuhin at ng dadaanin, pati ng mga (F)tagapamahala sa gawain ng hari;

At ibinigay nila sa paglilingkod sa bahay ng Dios, ay ginto, na limang libong talento, at sangpung libong (G)dariko, at pilak na sangpung libong talento, at tanso na labing walong libong talento, at bakal na isang daang libong talento.

At sila'y nangasumpungang may mga mahalagang bato ay nagsipagbigay sa kayamanan ng bahay ng Panginoon, sa ilalim ng kapangyarihan ng kamay ni Jehiel na Gersonita.

Nang magkagayo'y nagalak ang bayan, dahil sa sila'y nangaghandog na kusa, sapagka't sila'y may dalisay na puso na (H)nangaghandog na kusa sa Panginoon: at si David naman na hari ay nagalak ng dakilang pagkagalak.

Ang pagpapasalamat ni David.

10 Kaya't pinuri ni David ang Panginoon sa harap ng buong kapisanan; at sinabi ni David, (I)Purihin ka, Oh Panginoon, na Dios ng Israel na aking ama, magpakailan kailan man.

11 Iyo, Oh Panginoon ang (J)kadakilaan, at ang (K)kapangyarihan, at ang kaluwalhatian, at ang pagtatagumpay, at ang karangalan: sapagka't lahat na nangasa langit at nangasa lupa ay iyo: iyo ang kaharian, Oh Panginoon, at ikaw ay nataas na pangulo sa lahat.

12 (L)Ang mga kayamanan at gayon din ang karangalan ay nangagmumula sa iyo, at ikaw ang nagpupuno sa lahat; at (M)nasa iyong kamay ang kapangyarihan at kalakasan; at nasa iyong kamay ang pagpapadakila, at pagpapalakas sa lahat.

13 Kaya't ngayon, aming Dios, kami ay napasasalamat sa iyo, at aming pinupuri ang iyong maluwalhating pangalan.

14 Nguni't sino ako, at ano ang aking bayan, na makapaghahandog na ganyang kusa ayon sa ganitong paraan? sapagka't ang lahat na bagay ay nangagmumula sa iyo, at ang iyong sarili ay aming ibinigay sa iyo.

15 (N)Sapagka't kami ay mga taga ibang lupa sa harap mo, at mga nakikipamayan, gaya ng lahat naming mga magulang: (O)ang aming mga kaarawan sa lupa ay gaya ng anino, at hindi nagtatagal.

16 Oh Panginoon naming Dios, lahat ng bagay na ito na aming inihanda upang ipagtayo ka ng bahay na ukol sa iyong banal na pangalan ay nangagmumula sa iyong kamay, at iyong sariling lahat.

17 Talastas ko rin, Dios ko na iyong (P)sinusubok ang puso, at nalulugod sa katuwiran. Sa ganang akin, sa katuwiran ng aking puso ay aking inihandog na kusa ang lahat na bagay na ito: at ngayo'y nakita kong may kagalakan ang iyong bayan na nahaharap dito, na naghahandog na kusa sa iyo.

18 Oh Panginoon, na Dios ni Abraham, ni Isaac, at ni Israel na aming mga magulang, ingatan mo ito magpakailan man sa (Q)akala ng mga pagiisip ng puso ng iyong bayan, at (R)ihanda mo ang kanilang puso sa iyo:

19 At bigyan mo naman si Salomon na aking anak ng (S)sakdal na puso, upang ingatan ang iyong mga utos, ang iyong mga patotoo, at ang iyong mga palatuntunan, at upang gawin ang lahat na bagay na ito, at upang itayo ang (T)templo, na siyang (U)aking ipinaghanda.

Nagsunog ng handog.

20 At sinabi ni David sa buong kapisanan, Ngayo'y purihin ninyo ang Panginoon ninyong Dios. At ang buong kapisanan ay (V)pumuri sa Panginoon, sa Dios ng kanilang mga magulang, at (W)iniyukod ang kanilang mga ulo, at sumamba sa Panginoon, at sa hari.

21 At sila'y nagsipaghain ng mga hain sa Panginoon, at nagsipaghandog sa Panginoon ng mga handog na susunugin sa kinabukasan, pagkatapos nang araw na yaon, sa makatuwid baga'y isang libong baka, at isang libong tupang lalake, at isang libong kordero, pati ng mga (X)inuming handog na ukol sa mga yaon, at ng mga hain na sagana ukol sa buong Israel;

Si Salomon ay ginawang hari.

22 At nagkainan at naginuman sa harap ng Panginoon nang araw na yaon na may malaking kasayahan. At kanilang ginawang hari na (Y)ikalawa si Salomon na anak ni David, at pinahiran ng langis siya (Z)sa Panginoon upang maging pangulo, at si Sadoc upang maging saserdote.

23 Nang magkagayo'y naupo si Salomon sa luklukan ng Panginoon na pinaka hari na kahalili ni David na kaniyang ama, at guminhawa; at ang buong Israel ay tumalima sa kaniya.

24 At ang lahat na prinsipe at mga matapang na lalake, at ang lahat ding anak ng haring David, ay sumailalim ng kapangyarihan ng haring Salomon.

25 At pinadakilang mainam ng Panginoon si Salomon sa paningin ng buong Israel, at (AA)isinakaniya ang gayong karangalang pagkahari na hindi napasa kanino mang hari na nauna sa kaniya sa Israel.

Ang pamamahala ni David at kamatayan.

26 Si David nga na anak ni Isai ay naghari sa buong Israel.

27 At ang panahon na kaniyang ipinaghari sa Israel ay (AB)apat na pung taon; (AC)pitong taon na naghari siya sa Hebron, at tatlong pu't tatlong taon na naghari siya sa Jerusalem.

28 At siya'y namatay sa mabuting katandaan, puspus ng mga araw, mga kayamanan, at karangalan: at si Salomon na kaniyang anak ay naghari na kahalili niya.

29 Ang mga gawa nga ni David na hari, na una at huli, narito, nangasusulat sa kasaysayan ni (AD)Samuel na tagakita, at sa kasaysayan ni (AE)Nathan na propeta, at sa kasaysayan ni (AF)Gad na tagakita;

30 Pati ng buo niyang paghahari, at kaniyang kapangyarihan (AG)at ang mga panahong dinaanan niya, at ng Israel, at ng lahat ng mga kaharian ng mga lupain.