1 Cronica 22
Magandang Balita Biblia
22 Sinabi ni David, “Dito itatayo ang Templo ng Panginoong Yahweh. Dito rin ilalagay ang altar ng mga susunuging handog para sa Israel.”
Mga Paghahanda para sa Pagtatayo ng Templo
2 Iniutos ni David na magtipon ang lahat ng mga dayuhan sa Israel, at inatasan niya ang ilan sa mga ito na maging tagatapyas ng mga batong gagamitin sa itatayong Templo ng Diyos. 3 Naghanda siya ng maraming bakal para gawing pako at pang-ipit sa mga pintuan at nag-ipon din siya ng tanso na sa sobrang bigat ay hindi na matimbang. 4 Napakaraming tabla at trosong sedar ang dinala ng mga taga-Sidon at taga-Tiro. 5 Sinabi ni David, “Napakabata pa ng anak kong si Solomon at wala pa siyang karanasan. Dahil dito'y ihahanda ko ang lahat ng kailangan sa ipatatayo niyang Templo ni Yahweh. Kailangang ito'y walang kasingganda upang ito'y matanyag at hahangaan ng buong daigdig.” Naghanda nga si David ng napakaraming kagamitan bago pa siya namatay.
6 Ipinatawag niya ang anak niyang si Solomon, at sinabi, “Ipagtatayo mo ng bahay si Yahweh, ang Diyos ng Israel.” 7 Sinabi(A) niya rito, “Anak, matagal ko nang binalak na magtayo ng templo upang parangalan ang aking Diyos na si Yahweh 8 ngunit sinabi niya sa akin na marami na akong napatay at napakaraming hinarap na labanan. Dahil sa bahid ng dugo sa aking mga kamay, hindi niya ako pinayagang magtayo ng templo para sa kanya. 9 Ngunit ipinangako niyang pagkakalooban niya ako ng isang anak na lalaki. Mamumuhay ito nang payapa at hindi gagambalain ng kanyang mga kaaway habang siya'y nabubuhay. Tatawagin siyang Solomon[a] sapagkat bibigyan ko ang Israel ng kapayapaan at kapanatagan sa panahon ng kanyang paghahari.’ 10 Sinabi pa niya sa akin, ‘Siya ang magtatayo ng templo para sa akin. Magiging anak ko siya at ako'y magiging ama niya. Patatatagin ko ang paghahari ng kanyang angkan sa Israel magpakailanman!’”
11 Sinabi pa ni David, “Samahan ka nawa ng iyong Diyos na si Yahweh. Tuparin nawa niya ang kanyang pangako na pagtatagumpayin ka niya sa pagtatayo ng templo para sa kanya. 12 Bigyan ka nawa ng Diyos mong si Yahweh ng karunungan at pang-unawa upang pagharian mo ang Israel ayon sa kanyang Kautusan. 13 Magtatagumpay(B) ka kung susundin mong mabuti ang mga utos at tuntuning ibinigay ni Yahweh kay Moises para sa Israel. Magpakatatag ka at lakasan mo ang iyong loob. Huwag kang matakot ni panghinaan man ng loob. 14 Sinikap kong magtipon ng lahat ng kailangan sa pagpapatayo ng Templo ni Yahweh. Nakaipon ako ng may 3,500,000 kilong ginto, at humigit-kumulang sa 35,000,000 kilong pilak. Ang tinipon kong tanso't bakal ay hindi na kayang timbangin dahil sa sobrang bigat. Nakahanda na rin ang mga kahoy at batong kailangan. Dagdagan mo pa ang mga ito. 15 Marami ka nang manggagawa: mga tagatapyas ng bato, mga kantero, mga karpintero, at lahat ng uri ng napakaraming manggagawa na eksperto sa 16 ginto, pilak, tanso at bakal. Simulan mo na ngayon ang gawain at tulungan ka nawa ni Yahweh!”
17 Inatasan ni David ang mga pinuno ng Israel na tulungan si Solomon. Sabi niya, 18 “Kayo ay patuloy na pinapatnubayan ni Yahweh. Hindi niya kayo iniiwanan kaya nagtatamasa kayo ng kapayapaan saanmang lugar. Niloob niyang malupig ko ang mga dating naninirahan sa lupaing ito. Sila ngayon ay alipin ninyo at ni Yahweh. 19 Kaya, paglingkuran ninyo si Yahweh nang buong puso't kaluluwa. Simulan na ninyo ang pagtatayo ng santuwaryo niya upang madala na roon ang Kaban ng Tipan ni Yahweh at ang lahat ng sagradong kagamitan para sa pagsamba sa kanya.”
Footnotes
- 1 Cronica 22:9 SOLOMON: Sa wikang Hebreo, ang pangalang ito ay nagmula sa salitang “shalom” na ang kahulugan ay “kapayapaan at kapanatagan”.
1 Cronica 22
Ang Biblia, 2001
Ang Habilin ni David kay Solomon
22 Pagkatapos ay sinabi ni David, “Dito itatayo ang bahay ng Panginoong Diyos, at dito ang dambana ng handog na sinusunog para sa Israel.”
2 Iniutos ni David na tipunin ang mga dayuhang nasa lupain ng Israel at siya'y naglagay ng mga kantero upang magtapyas ng bato para sa pagtatayo ng bahay ng Diyos.
3 Naglaan din si David ng napakaraming bakal bilang pako sa mga pinto ng mga tarangkahan at sa mga dugtungan, at ng tanso na hindi na matimbang sa dami,
4 at ng mga troso ng sedro na di mabilang, sapagkat ang mga Sidonio at ang mga taga-Tiro ay nagdala kay David ng napakaraming puno ng sedro.
5 Sapagkat sinabi ni David, “Si Solomon na aking anak ay bata pa at wala pang karanasan, at ang bahay na itatayo para sa Panginoon ay kailangang maging kahanga-hanga, bantog at maluwalhati sa buong lupain. Ako'y maghahanda para doon.” Kaya't naghanda si David ng maraming kagamitan bago sumapit ang kanyang kamatayan.
6 Pagkatapos ay ipinatawag niya si Solomon na kanyang anak, at inatasan niyang magtayo ng isang bahay para sa Panginoon, ang Diyos ng Israel.
7 Sinabi(A) ni David kay Solomon na kanyang anak, “Sa ganang akin, nasa aking puso ang magtayo ng isang bahay para sa pangalan ng Panginoon kong Diyos.
8 Ngunit ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin na sinasabi, ‘Ikaw ay nagpadanak ng maraming dugo at nagsagawa ng malalaking pakikidigma. Hindi ka magtatayo ng bahay para sa aking pangalan sapagkat ikaw ay nagpadanak ng maraming dugo sa lupa sa aking paningin.
9 Narito, ipapanganak para sa iyo ang isang lalaki; siya ay magiging isang mapayapang tao. Bibigyan ko siya ng kapayapaan sa lahat ng kanyang mga kaaway sa palibot, sapagkat ang kanyang magiging pangalan ay Solomon,[a] at bibigyan ko ng kapayapaan[b] at katahimikan ang Israel sa kanyang mga araw.
10 Siya ay magtatayo ng bahay para sa aking pangalan. Siya'y magiging aking anak, at ako'y magiging kanyang ama; at itatatag ko ang trono ng kanyang kaharian sa Israel magpakailanman.’
11 Ngayon, anak ko, sumaiyo ang Panginoon, upang magtagumpay ka sa iyong pagtatayo ng bahay ng Panginoon mong Diyos, gaya ng kanyang sinabi tungkol sa iyo.
12 Pagkalooban ka lamang ng Panginoon ng dunong at pang-unawa, upang kapag ipinagkatiwala na niya sa iyo ang Israel ay matupad mo ang kautusan ng Panginoon mong Diyos.
13 Kung(B) magkagayo'y magtatagumpay ka kung maingat mong susundin ang mga tuntunin at ang mga batas na ipinag-utos ng Panginoon kay Moises para sa Israel. Magpakalakas ka at magpakatapang; huwag kang matakot o manlupaypay man.
14 Pinagsikapan kong lubos na ipaghanda ang bahay ng Panginoon ng isandaang libong talentong ginto, isang milyong talentong pilak at ng tanso at bakal na hindi na matimbang sa dami. Naghanda rin ako ng kahoy at bato. Dagdagan mo pa ang mga ito.
15 Bukod dito'y may kasama kang maraming manggagawa: mga tagatapyas ng bato, mga kantero, mga karpintero, at napakaraming uri ng mga manggagawa na bihasa sa iba't ibang uri ng trabaho
16 sa ginto, sa pilak, sa tanso, at sa bakal, na hindi mabilang. Bumangon ka at gawin mo na. Sumaiyo nawa ang Panginoon.”
17 Iniutos din ni David sa lahat ng pinuno ng Israel na tulungan si Solomon na kanyang anak, na sinasabi,
18 “Hindi ba't ang Panginoon ninyong Diyos ay sumasainyo? Hindi ba't binigyan niya kayo ng kapahingahan sa lahat ng dako? Sapagkat kanyang ibinigay sa aking kamay ang mga naninirahan sa lupain; at ang lupain ay napasuko sa harap ng Panginoon at sa harap ng kanyang bayan.
19 Ngayo'y inyong ilagak ang inyong puso at pag-iisip upang hanapin ang Panginoon ninyong Diyos. Humayo kayo at itayo ninyo ang santuwaryo ng Panginoong Diyos, upang ang kaban ng tipan ng Panginoon at ang mga banal na kagamitan ng Diyos ay madala sa loob ng bahay na itatayo para sa pangalan ng Panginoon.”
Footnotes
- 1 Cronica 22:9 Sa Hebreo ay Shelomoh .
- 1 Cronica 22:9 Sa Hebreo ay shalom .
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.