Add parallel Print Page Options

Si David ay Ginawang Hari ng Buong Israel(A)

11 Nang magkagayon, ang buong Israel ay sama-samang nagtipon kay David sa Hebron, at sinabi, “Kami ay iyong buto at laman.

Nang mga panahong nakaraan, maging noong hari pa si Saul, ikaw ang pumapatnubay at namumuno[a] sa Israel, at sinabi sa iyo ng Panginoon mong Diyos, ‘Ikaw ay magiging pastol ng aking bayang Israel, at ikaw ay magiging pinuno ng aking bayang Israel.’”

Kaya't lahat ng matatanda sa Israel ay pumunta sa hari na nasa Hebron. Si David ay gumawa ng tipan sa kanila sa Hebron sa harapan ng Panginoon, at kanilang binuhusan ng langis si David bilang hari sa Israel, ayon sa salita ng Panginoon sa pamamagitan ni Samuel.

Sinakop ni David ang Zion

Si(B) David at ang buong Israel ay pumunta sa Jerusalem na siyang Jebus, na kinaroroonan ng mga Jebuseo, ang mga naninirahan sa lupain.

At sinabi ng mga naninirahan sa Jebus kay David, “Ikaw ay hindi makakapasok dito.” Gayunma'y sinakop ni David ang muog ng Zion na ngayo'y lunsod ni David.

Sinabi ni David, “Sinumang unang sumalakay sa mga Jebuseo ay magiging pinuno at kapitan.” Si Joab na anak ni Zeruia ay unang umahon kaya't siya'y naging pinuno.

At si David ay nanirahan sa muog kaya't kanilang tinawag iyon na lunsod ni David.

Kanyang itinayo ang bayan sa palibot mula sa Milo hanggang sa palibot, at inayos ni Joab ang ibang bahagi ng lunsod.

Si David ay patuloy na naging dakila sapagkat ang Panginoon ng mga hukbo ay kasama niya.

Ang Magigiting na Mandirigma ni David(C)

10 Ang mga ito ang mga pinuno ng magigiting na mandirigma ni David na tumulong sa kanya sa kanyang kaharian, kasama ng buong Israel, upang gawin siyang hari, ayon sa salita ng Panginoon tungkol sa Israel.

11 Ito ang bilang ng magigiting na mandirigma ni David: si Jasobeam, anak ng isang Hacmonita, na pinuno ng tatlumpu.[b] Siya ang nagtaas ng kanyang sibat laban sa tatlong daan, at kanyang pinatay sila nang minsanan.

12 Kasunod niya ay si Eleazar na anak ni Dodo na Ahohita, isa sa tatlong magigiting na lalaki.

13 Siya'y kasama ni David sa Pasdamin nang ang mga Filisteo ay nagtipon upang lumaban. Mayroong kapirasong lupain na puno ng sebada, at ang mga lalaki ay tumakas sa mga Filisteo.

14 Ngunit sila'y tumayo sa gitna ng lupain at ipinagtanggol ito at pinatay ang mga Filisteo; at iniligtas sila ng Panginoon sa pamamagitan ng isang malaking tagumpay.

15 Tatlo sa tatlumpung pinuno ang bumaba kay David sa malaking bato sa loob ng yungib ng Adullam, nang ang hukbo ng mga Filisteo ay nakahimpil sa libis ng Refaim.

16 Noon, si David ay nasa muog, at ang pulutong ng mga Filisteo ay nasa Bethlehem.

17 At sinabi ni David na may pananabik, “O may magbigay sana sa akin ng tubig na maiinom mula sa balon ng Bethlehem na nasa tabi ng pintuang-bayan!”

18 At ang tatlo ay pumasok sa kampo ng mga Filisteo, at sumalok ng tubig sa balon ng Bethlehem na nasa tabi ng pintuang-bayan, at kinuha at dinala kay David. Ngunit ayaw ni David na inumin iyon, kundi ibinuhos ito sa Panginoon,

19 at sinabi, “Huwag itulot sa akin ng aking Diyos na aking gawin ito. Iinumin ko ba ang dugo ng mga lalaking ito? Sapagkat kanilang inilagay sa panganib ang kanilang buhay sa pagkuha nito.” Kaya't hindi niya mainom iyon. Ang mga bagay na ito ay ginawa ng tatlong mandirigma.

20 At si Abisai na kapatid ni Joab, ay pinuno ng tatlumpu. Kanyang itinaas ang kanyang sibat laban sa tatlong daan at sila'y kanyang pinatay, at nagkaroon ng pangalan kasama ng tatlo.

21 Sa tatlo, siya'y lalong marangal kaysa dalawa, at ginawang kanilang pinunong-kawal: gayon ma'y hindi siya napasama sa tatlo.

22 Si Benaya na anak ni Jehoiada ay isang matapang na lalaki ng Kabzeel na gumawa ng mga dakilang gawa. Kanyang pinatay ang dalawang anak ni Ariel na taga-Moab. Siya'y bumaba rin at pumatay ng isang leon sa isang hukay nang araw na bumagsak na ang yelo.

23 Siya'y pumatay ng isang Ehipcio na isang lalaking matipuno na may limang siko ang taas. Sa kamay ng Ehipcio ay may isang sibat na gaya ng panghabi ng manghahabi; ngunit si Benaya ay bumaba sa kanya na may tungkod at inagaw ang sibat sa kamay ng Ehipcio, at kanyang pinatay siya ng kanyang sariling sibat.

24 Ang mga bagay na ito ay ginawa ni Benaya na anak ni Jehoiada, at siya ay naging tanyag tulad ng tatlong mandirigma.

25 Siya'y kilala sa tatlumpu, ngunit hindi siya napasama sa tatlo, at ginawa siya ni David na pinuno ng mga tanod.

26 Ang mga mandirigma sa mga hukbo ay sina Asahel na kapatid ni Joab, si Elhanan na anak ni Dodo na taga-Bethlehem;

27 si Samoth na Arorita, si Heles na Pelonita;

28 si Ira na anak ni Ikkes na taga-Tekoa, si Abiezer na taga-Anatot;

29 si Shibecai na Husatita, si Ilai na Ahohita;

30 si Maharai na taga-Netofa, si Heled na anak ni Baana na taga-Netofa;

31 si Ithai na anak ni Ribai na taga-Gibea, sa mga anak ni Benjamin, si Benaya na taga-Piraton;

32 si Hurai sa mga batis ng Gaas, si Abiel na Arbatita;

33 si Azmavet na Baharumita, si Eliaba na Saalbonita;

34 ang mga anak ni Asem na Gizonita, si Jonathan na anak ni Saje na Hararita;

35 si Ahiam na anak ni Sacar, na Hararita, si Elifal na anak ni Ur;

36 si Hefer na Meceratita, si Ahia na Felonita;

37 si Hesro na Carmelita, si Nahari na anak ni Ezbai;

38 si Joel na kapatid ni Natan, si Mibhar na anak ni Agrai,

39 si Selec na Ammonita, si Naarai na Berotita, na tagadala ng sandata ni Joab na anak ni Zeruia;

40 si Ira na Itreo, si Gareb na Itreo;

41 si Urias na Heteo, si Zabad na anak ni Ahli;

42 si Adina na anak ni Siza na Rubenita, na pinuno ng mga Rubenita, at tatlumpu ang kasama niya;

43 si Hanan na anak ni Maaca, at si Joshafat na Mitnita;

44 si Uzia na Astarotita, si Samma at si Jehiel na mga anak ni Hotam na Harorita;

45 si Jediael na anak ni Simri; at si Joha na kanyang kapatid, na Tisaita;

46 si Eliel na Mahavita, at si Jeribai, at si Josabias na mga anak ni Elnaam, at si Itma na Moabita;

47 si Eliel, si Obed, si Jaasiel, na Mesobiata.

Footnotes

  1. 1 Cronica 11:2 Sa Hebreo ay naglalabas at nagpapasok .
  2. 1 Cronica 11:11 Sa ibang mga kasulatan ay tatlo .

Naging Hari si David sa Israel(A)

11 Pumunta ang lahat ng Israelita kay David sa Hebron at sinabi, “Mga kamag-anak mo kami. Mula pa noon, kahit nang si Saul pa ang aming hari, ikaw na ang namumuno sa mga Israelita sa pakikipaglaban. At sinabi sa iyo ng Panginoon na iyong Dios, ‘Aalagaan mo ang mga mamamayan kong Israelita, tulad ng isang pastol ng mga tupa. Ikaw ang mamumuno sa kanila.’ ” Kaya roon sa Hebron, gumawa si David ng kasunduan sa mga tagapamahala ng Israel sa harap ng Panginoon, at pinahiran nila ng langis ang ulo ni David bilang pagkilala na siya na ang hari ng Israel, ayon sa ipinangako ng Panginoon sa pamamagitan ni Samuel.

Isang araw, pumunta si David at lahat ng mga Israelita sa Jerusalem (na dating Jebus) para lusubin ito. Ang mga Jebuseo na nakatira roon ay nagsabi kay David, “Hindi kayo makakapasok dito.” Pero naagaw nina David ang matatag na kuta ng Zion,[a] na sa bandang huliʼy tinawag na Lungsod ni David.

Sinabi ni David, “Ang sinumang manguna sa paglusob sa mga Jebuseo ang magiging kumander ng mga sundalo.” Si Joab na anak ni Zeruya ang nanguna sa paglusob kaya siya ang naging kumander.

Pagkatapos maagaw ni David ang matatag na kutang iyon, doon na siya tumira. At tinawag niya itong Lungsod ni David. Pinadagdagan niya ang mga pader sa paligid mula sa mababang parte ng lungsod. Si Joab ang namamahala sa pag-aayos ng ibang bahagi ng lungsod. Naging makapangyarihan si David, dahil tinutulungan siya ng Panginoong Makapangyarihan.

Ang Matatapang na Tauhan ni David(B)

10 Ito ang mga pinuno ng matatapang na tauhan ni David. Sila at ang lahat ng Israelita ay sumuporta sa paghahari ni David ayon sa ipinangako ng Panginoon tungkol sa Israel. 11 Si Jashobeam na Hacmoneo, ang nangunguna sa tatlo[b] na matatapang na tauhan ni David. Sa isang labanan lang, nakapatay siya ng 300 tao sa pamamagitan ng sibat niya.

12 Ang sumunod sa kanya ay si Eleazar na anak ni Dodai[c] na mula sa angkan ni Ahoa. Isa rin siya sa tatlo na matatapang na tauhan ni David. 13-14 Isa siya sa mga sumama kay David nang nakipaglaban sila sa mga Filisteo sa Pas Damim. Doon sila naglaban sa taniman ng sebada. Tumakas ang mga Israelita pero sina Eleazar at David ay nanatili sa gitna ng taniman, at pinatay nila ang mga Filisteo. Pinagtagumpay sila ng Panginoon.

15 Isang araw, pumunta kay David ang tatlo niyang tauhan doon sa kweba ng Adulam. Ang tatlong ito ay kabilang sa 30 matatapang na mga tauhan ni David. Nagkakampo noon ang mga Filisteo sa Lambak ng Refaim, 16 at naagaw nila ang Betlehem. Habang naroon si David sa isang matatag na kublihan, 17 nauhaw siya. Sinabi niya, “Mabuti sana kung may kukuha sa akin ng tubig na maiinom doon sa balon malapit sa pintuang bayan ng Betlehem.” 18 Kaya palihim na pumasok ang tatlong matatapang na iyon sa kampo ng mga Filisteo, malapit sa pintuang bayan ng Betlehem. Kumuha sila ng tubig sa balon at dinala ito kay David. Pero hindi ito ininom ni David, sa halip ibinuhos niya ito bilang handog sa Panginoon. 19 Sinabi niya, “O Dios ko, hindi ko po ito maiinom dahil kasinghalaga ito ng dugo ng mga taong nagtaya ng kanilang buhay sa pagkuha nito.” Kaya hindi ito ininom ni David.

Iyon nga ang mga ginawa ng tatlong matatapang na tauhan ni David.

20 Si Abishai na kapatid ni Joab ang pinuno ng 30[d] matatapang na tauhan ni David. Nakapatay siya ng 300 Filisteo sa pamamagitan ng sibat niya. Kaya naging tanyag siya gaya ng tatlong matatapang na tauhan, 21 pero hindi siya kabilang sa kanila. At dahil siya ang pinakatanyag sa 30[e] niyang kasama, siya ang naging kumander nila.

22 May isa pang matapang na tao na ang pangalan ay Benaya. Taga-Kabzeel siya, at ang ama niya ay si Jehoyada. Marami siyang kabayanihang ginawa, kabilang na rito ang pagpatay sa dalawang pinakamahuhusay na sundalo ng Moab. Minsan, kahit umuulan ng yelo, bumaba siya sa pinagtataguan ng leon at pinatay ito. 23 Bukod dito, pinatay niya ang isang Egipciong may taas na pitoʼt kalahating talampakan. Ang armas ng Egipcio ay sibat na mabigat at makapal,[f] pero ang armas niyaʼy isang pamalo lang. Inagaw niya ang sibat sa Egipcio at ito rin ang ipinampatay niya rito. 24 Ito ang mga ginawa ni Benaya na anak ni Jehoyada. Naging tanyag din siya gaya ng tatlong matatapang na tao, 25 pero hindi siya kabilang sa kanila. At dahil siya ang pinakatanyag sa kanyang 30 kasama, ginawa siyang pinuno ni David ng kanyang mga personal na tagapagbantay.

26 Ito ang matatapang na kawal:

si Asahel na kapatid ni Joab,

si Elhanan na anak ni Dodo na taga-Betlehem,

27 si Shamot na taga-Haror,[g]

si Helez na taga-Pelon,

28 si Ira na anak ni Ikkes na taga-Tekoa,

si Abiezer na taga-Anatot,

29 si Sibecai na taga-Husha,

si Ilai[h] na taga-Ahoa,

30 si Maharai na taga-Netofa,

si Heled[i] na anak ni Baana na taga-Netofa,

31 si Itai na anak ni Ribai na taga-Gibea, na sakop ng Benjamin,

si Benaya na taga-Piraton,

32 si Hurai[j] na nakatira malapit sa mga ilog ng Gaas,

si Abiel[k] na taga-Arba,

33 si Azmavet na taga-Baharum,[l]

si Eliaba na taga-Shaalbon,

34 ang mga anak ni Hashem[m] na taga-Gizon,

si Jonatan na anak ni Shagee[n] na taga-Harar,

35 si Ahiam na anak ni Sacar[o] na taga-Harar,

si Elifal na anak ni Ur,

36 si Hefer na taga-Mekerat,

si Ahia na taga-Pelon,

37 si Hezro na taga-Carmel,

si Naarai[p] na anak ni Ezbai,

38 si Joel na kapatid ni Natan,

si Mibhar na anak ni Hagri,

39 si Zelek na taga-Ammon,

si Naharai na taga-Berot, na tagapagdala ng armas ni Joab na anak ni Zeruya,

40 sina Ira at Gareb na mga taga-Jatir,[q]

41 si Uria na Heteo,

si Zabad na anak ni Alai,

42 si Adina na anak ni Shiza na isang pinuno sa lahi ni Reuben kasama ng kanyang 30 tauhan,

43 si Hanan na anak ni Maaca,

si Joshafat na taga-Mitna,

44 si Uzia na taga-Ashterot,

sina Shama at Jeyel na mga anak ni Hotam na taga-Aroer,

45 si Jediael na anak ni Shimri, at ang kapatid niyang si Joha na taga-Tiz,

46 si Eliel, na taga-Mahav,

sina Jeribai at Josavia na mga anak ni Elnaam,

si Itma na taga-Moab,

47 sina Eliel, Obed, at Jaasiel na taga-Mezoba.

Footnotes

  1. 11:5 Zion: Ito ang unang tawag sa Jerusalem.
  2. 11:11 tatlo: Ito ang nasa ibang mga teksto ng Septuagint (tingnan din sa 2 Sam. 23:8). Sa Hebreo, 30.
  3. 11:12 Dodai: o, Dodo.
  4. 11:20 30: Ito ang nasa ibang mga tekstong Hebreo at Syriac, ngunit sa karamihan na teksto, tatlo.
  5. 11:21 30: sa Hebreo, tatlo. Tingnan sa talatang 25.
  6. 11:23 mabigat at makapal: sa literal, gaya ng panghabi ng manghahabi (sa Ingles, weaverʼs rod).
  7. 11:27 Shamot na taga-Haror: o, Shama na taga-Harod.
  8. 11:29 Ilai: o, Zalmon.
  9. 11:30 Heled: o, Heleb.
  10. 11:32 Hurai: o, Hudai.
  11. 11:32 Abiel: o, Abialbon.
  12. 11:33 Baharum: o, Bahurim.
  13. 11:34 Hashem: o, Jasen.
  14. 11:34 Shagee: o, Sama.
  15. 11:35 Sacar: o, Sharar.
  16. 11:37 Naarai: o, Paarai.
  17. 11:40 taga-Jatir: o, Angkan ni Itra.