Add parallel Print Page Options

Pinatay ni Saul ang Sarili(A)

10 Nakipaglaban ang mga Filisteo sa mga Israelita sa Bundok ng Gilboa. Maraming namatay sa mga Israelita, at ang iba sa kanilaʼy nagsitakas. Hinabol ng mga Filisteo si Saul at ang mga anak niyang lalaki, at pinatay nila ang mga anak niyang sina Jonatan, Abinadab at Malki Shua. Matindi ang labanan nina Saul at ng mga Filisteo. Tinamaan siya ng pana at malubhang nasugatan. Sinabi ni Saul sa tagapagdala ng kanyang armas, “Bunutin mo ang iyong espada at patayin ako, dahil kung hindi, silang mga hindi nakakakilala sa Dios[a] ang papatay sa akin, at pagtatawanan pa nila ako.” Pero natakot ang tagapagdala niya ng armas na patayin siya, kaya kinuha ni Saul ang sarili niyang espada, at sinaksak ang sarili.

Nang makita ng tagapagdala ng armas na patay na si Saul, sinaksak din niya ang kanyang sarili at namatay siya. Kaya namatay si Saul, ang tatlo niyang anak na lalaki, at ang lahat ng pamilya niya.

Nang panahong iyon, may mga Israelitang nakatira sa lambak ng Jezreel. Nang makita nilang nagsitakas ang mga sundalo ng Israel at patay na si Saul pati ang mga anak niya, iniwan nila ang mga bayan nila at nagsitakas din. Kaya pinasok ng mga Filisteo ang mga bayan at tinirhan nila ang mga ito.

Kinabukasan, nang pumunta ang mga Filisteo sa Bundok ng Gilboa para kunin ang mahahalagang bagay sa mga namatay na sundalo, nakita nila ang bangkay ni Saul at ng kanyang mga anak. Kinuha nila ang mga armas ni Saul at pinutol ang ulo nito. Pagkatapos, nagsugo sila ng mga mensahero sa buong lupain ng Filisteo para ibalita sa kanilang mga dios-diosan at mga kababayan na patay na si Saul. 10 Inilagay nila ang armas ni Saul sa templo ng kanilang mga dios, at isinabit ang ulo niya sa templo ng dios nilang si Dagon.

11 Nabalitaan ng mga taga-Jabes Gilead ang lahat ng ginawa ng mga Filisteo kay Saul. 12 Kaya lumakad ang lahat ng kanilang matatapang na tao at kinuha ang bangkay ni Saul at ng kanyang mga anak, at dinala nila ito sa Jabes. Pagkatapos, inilibing nila ang mga bangkay sa ilalim ng malaking punongkahoy sa Jabes, at nag-ayuno sila ng pitong araw.

13 Namatay si Saul dahil hindi siya naging tapat sa Panginoon. Hindi niya tinupad ang utos ng Panginoon, at dumulog pa siya sa mga espiritista 14 sa halip na humingi siya ng payo sa Panginoon. Kaya pinatay siya ng Panginoon at ibinigay ang kaharian kay David na anak ni Jesse.

Naging Hari si David sa Israel(B)

11 Pumunta ang lahat ng Israelita kay David sa Hebron at sinabi, “Mga kamag-anak mo kami. Mula pa noon, kahit nang si Saul pa ang aming hari, ikaw na ang namumuno sa mga Israelita sa pakikipaglaban. At sinabi sa iyo ng Panginoon na iyong Dios, ‘Aalagaan mo ang mga mamamayan kong Israelita, tulad ng isang pastol ng mga tupa. Ikaw ang mamumuno sa kanila.’ ” Kaya roon sa Hebron, gumawa si David ng kasunduan sa mga tagapamahala ng Israel sa harap ng Panginoon, at pinahiran nila ng langis ang ulo ni David bilang pagkilala na siya na ang hari ng Israel, ayon sa ipinangako ng Panginoon sa pamamagitan ni Samuel.

Isang araw, pumunta si David at lahat ng mga Israelita sa Jerusalem (na dating Jebus) para lusubin ito. Ang mga Jebuseo na nakatira roon ay nagsabi kay David, “Hindi kayo makakapasok dito.” Pero naagaw nina David ang matatag na kuta ng Zion,[b] na sa bandang huliʼy tinawag na Lungsod ni David.

Sinabi ni David, “Ang sinumang manguna sa paglusob sa mga Jebuseo ang magiging kumander ng mga sundalo.” Si Joab na anak ni Zeruya ang nanguna sa paglusob kaya siya ang naging kumander.

Pagkatapos maagaw ni David ang matatag na kutang iyon, doon na siya tumira. At tinawag niya itong Lungsod ni David. Pinadagdagan niya ang mga pader sa paligid mula sa mababang parte ng lungsod. Si Joab ang namamahala sa pag-aayos ng ibang bahagi ng lungsod. Naging makapangyarihan si David, dahil tinutulungan siya ng Panginoong Makapangyarihan.

Ang Matatapang na Tauhan ni David(C)

10 Ito ang mga pinuno ng matatapang na tauhan ni David. Sila at ang lahat ng Israelita ay sumuporta sa paghahari ni David ayon sa ipinangako ng Panginoon tungkol sa Israel. 11 Si Jashobeam na Hacmoneo, ang nangunguna sa tatlo[c] na matatapang na tauhan ni David. Sa isang labanan lang, nakapatay siya ng 300 tao sa pamamagitan ng sibat niya.

12 Ang sumunod sa kanya ay si Eleazar na anak ni Dodai[d] na mula sa angkan ni Ahoa. Isa rin siya sa tatlo na matatapang na tauhan ni David. 13-14 Isa siya sa mga sumama kay David nang nakipaglaban sila sa mga Filisteo sa Pas Damim. Doon sila naglaban sa taniman ng sebada. Tumakas ang mga Israelita pero sina Eleazar at David ay nanatili sa gitna ng taniman, at pinatay nila ang mga Filisteo. Pinagtagumpay sila ng Panginoon.

15 Isang araw, pumunta kay David ang tatlo niyang tauhan doon sa kweba ng Adulam. Ang tatlong ito ay kabilang sa 30 matatapang na mga tauhan ni David. Nagkakampo noon ang mga Filisteo sa Lambak ng Refaim, 16 at naagaw nila ang Betlehem. Habang naroon si David sa isang matatag na kublihan, 17 nauhaw siya. Sinabi niya, “Mabuti sana kung may kukuha sa akin ng tubig na maiinom doon sa balon malapit sa pintuang bayan ng Betlehem.” 18 Kaya palihim na pumasok ang tatlong matatapang na iyon sa kampo ng mga Filisteo, malapit sa pintuang bayan ng Betlehem. Kumuha sila ng tubig sa balon at dinala ito kay David. Pero hindi ito ininom ni David, sa halip ibinuhos niya ito bilang handog sa Panginoon. 19 Sinabi niya, “O Dios ko, hindi ko po ito maiinom dahil kasinghalaga ito ng dugo ng mga taong nagtaya ng kanilang buhay sa pagkuha nito.” Kaya hindi ito ininom ni David.

Iyon nga ang mga ginawa ng tatlong matatapang na tauhan ni David.

20 Si Abishai na kapatid ni Joab ang pinuno ng 30[e] matatapang na tauhan ni David. Nakapatay siya ng 300 Filisteo sa pamamagitan ng sibat niya. Kaya naging tanyag siya gaya ng tatlong matatapang na tauhan, 21 pero hindi siya kabilang sa kanila. At dahil siya ang pinakatanyag sa 30[f] niyang kasama, siya ang naging kumander nila.

22 May isa pang matapang na tao na ang pangalan ay Benaya. Taga-Kabzeel siya, at ang ama niya ay si Jehoyada. Marami siyang kabayanihang ginawa, kabilang na rito ang pagpatay sa dalawang pinakamahuhusay na sundalo ng Moab. Minsan, kahit umuulan ng yelo, bumaba siya sa pinagtataguan ng leon at pinatay ito. 23 Bukod dito, pinatay niya ang isang Egipciong may taas na pitoʼt kalahating talampakan. Ang armas ng Egipcio ay sibat na mabigat at makapal,[g] pero ang armas niyaʼy isang pamalo lang. Inagaw niya ang sibat sa Egipcio at ito rin ang ipinampatay niya rito. 24 Ito ang mga ginawa ni Benaya na anak ni Jehoyada. Naging tanyag din siya gaya ng tatlong matatapang na tao, 25 pero hindi siya kabilang sa kanila. At dahil siya ang pinakatanyag sa kanyang 30 kasama, ginawa siyang pinuno ni David ng kanyang mga personal na tagapagbantay.

26 Ito ang matatapang na kawal:

si Asahel na kapatid ni Joab,

si Elhanan na anak ni Dodo na taga-Betlehem,

27 si Shamot na taga-Haror,[h]

si Helez na taga-Pelon,

28 si Ira na anak ni Ikkes na taga-Tekoa,

si Abiezer na taga-Anatot,

29 si Sibecai na taga-Husha,

si Ilai[i] na taga-Ahoa,

30 si Maharai na taga-Netofa,

si Heled[j] na anak ni Baana na taga-Netofa,

31 si Itai na anak ni Ribai na taga-Gibea, na sakop ng Benjamin,

si Benaya na taga-Piraton,

32 si Hurai[k] na nakatira malapit sa mga ilog ng Gaas,

si Abiel[l] na taga-Arba,

33 si Azmavet na taga-Baharum,[m]

si Eliaba na taga-Shaalbon,

34 ang mga anak ni Hashem[n] na taga-Gizon,

si Jonatan na anak ni Shagee[o] na taga-Harar,

35 si Ahiam na anak ni Sacar[p] na taga-Harar,

si Elifal na anak ni Ur,

36 si Hefer na taga-Mekerat,

si Ahia na taga-Pelon,

37 si Hezro na taga-Carmel,

si Naarai[q] na anak ni Ezbai,

38 si Joel na kapatid ni Natan,

si Mibhar na anak ni Hagri,

39 si Zelek na taga-Ammon,

si Naharai na taga-Berot, na tagapagdala ng armas ni Joab na anak ni Zeruya,

40 sina Ira at Gareb na mga taga-Jatir,[r]

41 si Uria na Heteo,

si Zabad na anak ni Alai,

42 si Adina na anak ni Shiza na isang pinuno sa lahi ni Reuben kasama ng kanyang 30 tauhan,

43 si Hanan na anak ni Maaca,

si Joshafat na taga-Mitna,

44 si Uzia na taga-Ashterot,

sina Shama at Jeyel na mga anak ni Hotam na taga-Aroer,

45 si Jediael na anak ni Shimri, at ang kapatid niyang si Joha na taga-Tiz,

46 si Eliel, na taga-Mahav,

sina Jeribai at Josavia na mga anak ni Elnaam,

si Itma na taga-Moab,

47 sina Eliel, Obed, at Jaasiel na taga-Mezoba.

Ang mga Tao na Sumama kay David at ang Kanyang mga Sundalo

12 Ito ang mga tao na pumunta kay David doon sa Ziklag nang siyaʼy nagtatago kay Saul na anak ni Kish. Kasama sila sa mga tumulong kay David sa labanan. Armado sila ng mga pana at mahuhusay silang pumana at manirador, kanan o kaliwang kamay man. Mga kamag-anak sila ni Saul mula sa lahi ni Benjamin. Pinamumunuan sila nina Ahiezer at Joash na mga anak ni Shemaa na taga-Gibea. Ito ang mga pangalan nila:

sina Jeziel at Pelet na mga anak ni Azmavet,

sina Beraca at Jehu na mga taga-Anatot,

si Ishmaya na taga-Gibeon, na isa sa mga tanyag na sundalo at isa rin sa matatapang na pinuno ng 30 matatapang na tao,

sina Jeremias, Jahaziel, Johanan, at Jozabad na taga-Gedera,

sina Eluzai, Jerimot, Bealia, Shemaria, at Shefatia na taga-Haruf,

sina Elkana, Ishia, Azarel, Joezer, at Jashobeam na mga angkan ni Kora,

sina Joela at Zebadia na mga anak ni Jeroham na taga-Gedor.

May mga tao ring mula sa lahi ni Gad ang sumama kay David doon sa matatag na kuta na pinagtataguan niya sa ilang. Matatapang silang sundalo at mahuhusay gumamit ng mga pananggalang at sibat. Kasintapang sila ng mga leon, at kasimbilis ng usa sa kabundukan:

si Ezer ang pinuno nila,

si Obadias ang pangalawa,

si Eliab ang pangatlo,

10 si Mishmana ang pang-apat,

si Jeremias ang panglima,

11 si Atai ang pang-anim,

si Eliel ang pampito,

12 si Johanan ang pangwalo,

si Elzabad ang pangsiyam,

13 si Jeremias ang pangsampu,

at si Macbanai ang pang-11.

14 Sila ang lahi ni Gad na mga kumander ng mga sundalo. Ang pinakamahina sa kanila ay makakapamahala ng 100 sundalo, at ang pinakamalakas ay makakapamahala ng 1,000 sundalo. 15 Tinawid nila ang Ilog ng Jordan nang unang buwan ng taon, ang panahong umaapaw ang tubig nito, at itinaboy nila ang lahat ng nakatira sa mga lambak ng silangan at kanluran ng ilog.

16 May mga tao ring nagmula sa mga lahi nina Benjamin at Juda na pumunta kay David doon sa pinagkukutaan niya. 17 Lumabas si David para salubungin sila at sinabi, “Kung pumunta kayo rito para tumulong sa akin bilang kaibigan, tinatanggap ko kayo na sumama sa amin. Pero kung pumunta kayo rito para ibigay ako sa aking mga kalaban kahit wala akong kasalanan, sanaʼy makita ito ng Dios ng ating mga ninuno at parusahan niya kayo.”

18 Pagkatapos, pinuspos ng Espiritu si Amasai na kalaunan ay naging pinuno ng 30 matatapang na sundalo, at sinabi niya,

“Kami po ay sa inyo, O David na anak ni Jesse! Magtagumpay sana kayo at ang mga tumutulong sa inyo, dahil ang Dios ninyo ang tumutulong sa inyo.”

Kaya tinanggap sila ni David at ginawang opisyal ng mga sundalo niya.

19 May mga tao rin na mula sa lahi ni Manase ang sumama kay David nang pumunta siya sa mga Filisteo para makipaglaban kay Saul. Pero hindi pumayag ang mga Filisteo na sumama si David at ang mga tauhan niya, dahil iniisip nila na baka muling pumanig si David sa amo niyang si Saul. Kaya pagkatapos nilang mag-usap, pinabalik nila si David sa Ziklag.

20 Ito ang mga tao na mula sa lahi ni Manase na sumama kay David sa Ziklag: sina Adna, Jozabad, Jediael, Micael, Jozabad, Elihu at Ziletai. Bawat isa sa kanilaʼy pinuno ng 1,000 sundalo sa lahi ni Manase. 21 Tumulong sila kay David sa pakikipaglaban sa mga lumulusob sa kanila, dahil matatapang silang mga mandirigma. Kaya nga naging pinuno sila ng mga sundalo ni David. 22 Sa bawat araw, may mga tao na pumupunta kay David para tumulong, hanggang sa dumami at naging matibay ang kanyang mga sundalo.[s]

23-24 Ito ang bilang ng mga armadong sundalo na pumunta kay David sa Hebron upang tumulong sa kanya na maagaw ang kaharian ni Saul, ayon sa ipinangako ng Panginoon:

Mula sa lahi ni Juda: 6,800 sundalo na may mga dalang sibat at pana.

25 Mula sa lahi ni Simeon: 7,100 mahuhusay na sundalo.

26 Mula sa lahi ni Levi: 4,600 sundalo, 27 kabilang na si Jehoyada na pinuno ng pamilya ni Aaron at ang kanyang 3,700 tauhan, 28 at si Zadok na isang matapang at kabataang mandirigma at ang 22 opisyal mula sa kanyang pamilya.

29 Mula sa lahi ni Benjamin na mga kamag-anak ni Saul: 3,000 sundalo. Karamihan sa lahi ni Benjamin ay nanatiling tapat kay Saul.

30 Mula sa lahi ni Efraim: 20,800 matatapang na sundalo at tanyag sa pamilya nila.

31 Mula sa kalahating lahi ni Manase: 18,000 sundalo. Ipinadala sila para tumulong sa pagluklok kay David na maging hari.

32 Mula sa lahi ni Isacar: 200 pinuno kasama ang mga kamag-anak na pinamamahalaan nila. Sila ang nakakaalam kung ano ang dapat gawin ng Israel at kung kailan ito gagawin.

33 Mula sa lahi ni Zebulun: 50,000 mahuhusay na sundalo na armado ng ibaʼt ibang armas. Handang-handa silang tumulong at mamatay para kay David.

34 Mula sa lahi ni Naftali: 1,000 opisyal at 37,000 sundalo na may dalang mga pananggalang at sibat.

35 Mula sa lahi ni Dan: 28,600 sundalo na handa sa labanan.

36 Mula sa lahi ni Asher: 40,000 mahuhusay na sundalo na handa sa labanan.

37 At mula sa lahi sa silangan ng Ilog ng Jordan, ang lahi ni Reuben, Gad at kalahating lahi ni Manase: 120,000 sundalo na armado ng ibaʼt ibang uri ng armas.

38 Silang lahat ang sundalo na nagprisinta sa pakikipaglaban. Pumunta sila sa Hebron at nagkaisa silang gawing hari si David sa buong Israel. Sa katunayan, halos lahat ng Israelita ay gustong maging hari si David. 39 Nanatili sila roon ng tatlong araw kasama si David na nagsisikain at nag-iinuman dahil pinadalhan sila ng mga kababayan nila ng pagkain. 40 Nagdala rin ng pagkain ang mga kamag-anak nilang mula pa sa malayong lugar ng Isacar, Zebulun at Naftali. Ikinarga nila ito sa mga asno, kamelyo, mola[t] at baka. Marami ang kanilang harina, igos, mga pinatuyong pasas, katas ng ubas at langis, baka at tupa. Masayang-masaya ang lahat sa Israel.

Footnotes

  1. 10:4 hindi nakakakilala sa Dios: sa literal, hindi tuli.
  2. 11:5 Zion: Ito ang unang tawag sa Jerusalem.
  3. 11:11 tatlo: Ito ang nasa ibang mga teksto ng Septuagint (tingnan din sa 2 Sam. 23:8). Sa Hebreo, 30.
  4. 11:12 Dodai: o, Dodo.
  5. 11:20 30: Ito ang nasa ibang mga tekstong Hebreo at Syriac, ngunit sa karamihan na teksto, tatlo.
  6. 11:21 30: sa Hebreo, tatlo. Tingnan sa talatang 25.
  7. 11:23 mabigat at makapal: sa literal, gaya ng panghabi ng manghahabi (sa Ingles, weaverʼs rod).
  8. 11:27 Shamot na taga-Haror: o, Shama na taga-Harod.
  9. 11:29 Ilai: o, Zalmon.
  10. 11:30 Heled: o, Heleb.
  11. 11:32 Hurai: o, Hudai.
  12. 11:32 Abiel: o, Abialbon.
  13. 11:33 Baharum: o, Bahurim.
  14. 11:34 Hashem: o, Jasen.
  15. 11:34 Shagee: o, Sama.
  16. 11:35 Sacar: o, Sharar.
  17. 11:37 Naarai: o, Paarai.
  18. 11:40 taga-Jatir: o, Angkan ni Itra.
  19. 12:22 hanggang sa dumami … mga sundalo: o, hanggang sa dumami ang kanyang mga sundalo katulad ng mga sundalo ng Dios.
  20. 12:40 mola: sa Ingles, “mule.” Hayop na parang kabayo.