Add parallel Print Page Options

Ang Pagkamatay ni Saul at ng Kanyang mga Anak(A)

10 Ang mga Filisteo ay nakipaglaban sa Israel, at ang mga kalalakihan ng Israel ay tumakas sa mga Filisteo, at patay na nabuwal sa Bundok ng Gilboa.

Inabutan ng mga Filisteo si Saul at ang kanyang mga anak. Pinatay ng mga Filisteo sina Jonathan, Abinadab, at Malkishua, na mga anak ni Saul.

Ang paglalaban ay tumindi laban kay Saul. Inabutan siya ng mga mamamana at siya'y sinugatan ng mga ito.

Nang magkagayo'y sinabi ni Saul sa kanyang tagadala ng sandata, “Bunutin mo ang iyong tabak, at itusok mo sa akin, baka ang mga hindi tuling ito ay dumating at paglaruan ako.” Ngunit ayaw ng kanyang tagadala ng sandata, sapagkat siya'y lubhang natakot. Kaya't kinuha ni Saul ang kanyang tabak at ibinuwal ang sarili doon.

Nang makita ng kanyang tagadala ng sandata na si Saul ay patay na, kinuha rin niya ang kanyang tabak at ibinuwal din ang sarili at namatay.

Gayon namatay si Saul at ang kanyang tatlong anak; at ang kanyang buong sambahayan ay namatay na magkakasama.

Nang makita ng lahat ng kalalakihan ng Israel na nasa libis na tumakas ang hukbo,[a] at si Saul at ang kanyang mga anak ay patay na, kanilang iniwan ang kanilang mga bayan at tumakas. Ang mga Filisteo ay dumating at nanirahan sa mga iyon.

Kinaumagahan, nang dumating ang mga Filisteo upang hubaran ang mga napatay, kanilang natagpuan si Saul at ang kanyang mga anak na patay na sa Bundok ng Gilboa.

Kanilang hinubaran siya at kinuha ang kanyang ulo at ang kanyang sandata, at nagpadala ng mga sugo sa buong lupain ng mga Filisteo upang dalhin ang mabuting balita sa kanilang mga diyus-diyosan at sa mga tao.

10 Inilagay nila ang kanyang sandata sa bahay ng kanilang mga diyos, at ikinabit ang kanyang ulo sa bahay ni Dagon.

11 Ngunit nang nabalitaan ng buong Jabes-gilead ang lahat ng ginawa ng mga Filisteo kay Saul,

12 ang lahat ng matatapang na lalaki ay tumindig, at kinuha ang bangkay ni Saul at ang mga bangkay ng kanyang mga anak, at dinala sa Jabes. Inilibing nila ang kanilang mga buto sa ilalim ng ensina sa Jabes, at nag-ayuno ng pitong araw.

13 Sa(B) gayo'y namatay si Saul dahil sa kanyang kataksilan. Naging taksil siya sa Panginoon, sapagkat hindi niya sinunod ang utos ng Panginoon. Bukod dito'y sumangguni siya sa tumatawag ng espiritu ng patay, at humihingi ng patnubay,

14 at hindi humingi ng patnubay sa Panginoon. Kaya't siya'y kanyang pinatay at inilipat ang kaharian kay David na anak ni Jesse.

Footnotes

  1. 1 Cronica 10:7 Sa Hebreo ay sila .

Ang kamatayan ni Saul at ng kaniyang mga anak.

10 Ang mga Filisteo nga ay (A)nakipaglaban sa Israel: at ang mga lalake ng Israel ay nagsitakas sa harap ng mga Filisteo, at nangabuwal na patay sa bundok ng Gilboa.

At ang mga Filisteo ay nanganunod na mainam sa likuran ni Saul at ng kaniyang mga anak; at pinatay ng mga Filisteo si Jonathan, at si Abinadab, at si Malchi-sua, na mga anak ni Saul.

At ang pagbabaka ay lumalang mainam laban kay Saul, at inabutan siya ng mga mamamana; at siya'y nahirapan dahil sa mga mamamana.

Nang magkagayo'y sinabi ni Saul sa kaniyang tagadala ng sandata: Bunutin mo ang iyong tabak, at iyong palagpasin sa akin; baka ang mga hindi tuling ito ay magsiparito at pahirapan ako. Nguni't hindi inibig ng kaniyang tagadala ng sandata; sapagka't siya'y totoong natakot. Kaya't kinuha ni Saul ang kaniyang tabak, at nagpatibuwal doon.

At nang makita ng kaniyang tagadala ng sandata na si Saul ay patay, siya nama'y nagpatibuwal sa kaniyang tabak, at namatay.

Gayon namatay si Saul, at ang kaniyang tatlong anak; at ang (B)kaniyang buong sangbahayan ay namatay na magkakasama.

At nang makita ng lahat na lalake ng Israel na nangasa libis na sila'y nagsitakas, at si Saul at ang kaniyang mga anak ay patay, ay kanilang iniwan ang kanilang mga bayan at nagsitakas; at ang mga Filisteo ay nagsiparoon at nagsitahan sa mga yaon.

At nangyari nang kinaumagahan nang magsiparoon upang hubaran ng mga Filisteo ang nangapatay, na kanilang nasumpungan si Saul at ang kaniyang mga anak na buwal sa bundok ng Gilboa.

At hinubaran nila siya at kinuha ang kaniyang ulo, at ang kaniyang sandata, at ipinadala sa lupain ng mga Filisteo sa palibot, upang ibalita sa kanilang mga diosdiosan, at sa bayan.

10 At inilagay nila ang kaniyang sandata sa bahay ng kanilang mga dios, at ipinako ang kaniyang ulo sa bahay ni Dagon.

11 At nang mabalitaan ng buong Jabes-galaad ang buong ginawa ng mga Filisteo kay Saul,

12 Ang lahat na matapang na lalake ay nagsitindig, at kinuha ang bangkay ni Saul, at ang mga bangkay ng kaniyang mga anak, at dinala sa Jabes, at inilibing ang kanilang mga buto sa ilalim ng (C)ensina sa Jabes, at nangagayunong pitong araw.

13 Sa gayo'y namatay si Saul dahil sa kaniyang pagsalangsang na kaniyang nagawa laban sa Panginoon, dahil sa salita ng Panginoon na hindi niya iningatan; at dahil naman na siya'y nakipagsanggunian sa masamang espiritu, upang pagsiyasatan.

14 At hindi nagsiyasat sa Panginoon: kaya't pinatay niya siya, at inilipat ang kaharian kay David na anak ni Isai.