1 Corinto 15:3-32
Ang Biblia, 2001
3 Sapagkat(A) ibinigay ko sa inyo una sa lahat ang akin ding tinanggap: na si Cristo ay namatay para sa ating mga kasalanan, ayon sa mga kasulatan,
4 at(B) siya'y inilibing; at muling binuhay nang ikatlong araw ayon sa mga kasulatan,
5 at(C) siya'y nagpakita kay Cefas, at pagkatapos ay sa labindalawa.
6 Pagkatapos ay nagpakita siyang minsanan sa mahigit na limang daang kapatid na ang karamihan sa mga ito ay buháy pa hanggang ngayon, bagaman ang mga iba'y namatay[a] na.
7 Pagkatapos ay nagpakita siya kay Santiago, pagkatapos ay sa lahat ng mga apostol.
8 At(D) sa katapusan, tulad sa isang ipinanganak nang wala sa panahon ay nagpakita rin siya sa akin.
9 Sapagkat(E) ako ang pinakahamak sa mga apostol, at hindi karapat-dapat na tawaging apostol sapagkat inusig ko ang iglesya ng Diyos.
10 Subalit sa pamamagitan ng biyaya ng Diyos, ako ay ako, at ang kanyang biyaya na ibinigay sa akin ay hindi nawawalan ng kabuluhan. Sa halip, ako'y naglingkod nang higit kaysa kanilang lahat, bagaman hindi ako, kundi ang biyaya ng Diyos na nasa akin.
11 Dahil dito, maging ako o sila, sa gayon kami ay nangangaral at kayo naman ay nanampalataya.
Ang Muling Pagkabuhay ng mga Patay
12 At kung si Cristo ay ipinangangaral na binuhay mula sa mga patay, paanong ang ilan sa inyo ay nagsasabi na walang pagkabuhay na muli ng mga patay?
13 Subalit kung walang pagkabuhay na muli ng mga patay, si Cristo man ay hindi muling binuhay,
14 at kung si Cristo'y hindi muling binuhay, ang aming pangangaral ay walang kabuluhan, at ang inyong pananampalataya ay wala ring kabuluhan.
15 At kami ay napatunayan pang mga bulaang saksi ng Diyos sapagkat kami ay nagpatunay tungkol sa Diyos, na kanyang muling binuhay si Cristo, na hindi naman niya muling binuhay, kung totoo na ang mga patay ay hindi muling binubuhay.
16 Sapagkat kung ang mga patay ay hindi muling binubuhay, si Cristo man ay hindi muling binuhay.
17 Kung si Cristo ay hindi muling binuhay, ang inyong pananampalataya ay walang kabuluhan, kayo'y nananatili pa rin sa inyong mga kasalanan.
18 Kung gayon, ang mga namatay[b] kay Cristo ay napahamak.
19 Kung para sa buhay na ito lamang tayo umaasa kay Cristo, sa lahat ng mga tao ay tayo ang pinakakawawa.
20 Subalit ngayon, si Cristo ay binuhay mula sa mga patay, na siya ang unang bunga ng mga namatay.[c]
21 Sapagkat yamang sa pamamagitan ng isang tao'y dumating ang kamatayan, sa pamamagitan din ng isang tao'y dumating ang pagkabuhay na muli ng mga patay.
22 Sapagkat kung paanong kay Adan ang lahat ay namamatay, gayundin kay Cristo ang lahat ay bubuhayin.
23 Subalit ang bawat isa'y ayon sa kanya-kanyang panahon. Si Cristo ang unang bunga; at pagkatapos ay ang mga kay Cristo sa kanyang pagdating.
24 Pagkatapos ay darating ang wakas, kapag kanyang ibinigay ang kaharian sa Diyos Ama, pagkatapos na lipulin niya ang lahat ng paghahari at lahat ng kapamahalaan at kapangyarihan.
25 Sapagkat(F) siya'y kailangang maghari hanggang mailagay niya ang lahat ng kanyang mga kaaway sa ilalim ng kanyang paa.
26 Ang huling kaaway na lilipulin ay ang kamatayan.
27 Sapagkat(G) ipinasakop ng Diyos[d] ang lahat ng mga bagay sa ilalim ng kanyang paa. Subalit kung sinasabi, “Lahat ng mga bagay ay ipinasakop,” maliwanag na hindi siya kabilang na nagpasakop sa lahat ng bagay sa kanya.
28 Subalit kapag ang lahat ng mga bagay ay ipinasakop na sa kanya, ang Anak ay pasasakop din sa kanya na nagpapasakop ng lahat ng mga bagay sa kanya, upang ang Diyos ay maging lahat sa lahat.
29 Kung hindi gayon, anong gagawin ng mga tumatanggap ng bautismo para sa mga patay? Kung ang mga patay ay hindi na muling bubuhayin, bakit pa sila binabautismuhan para sa kanila?
30 Bakit ba nanganganib kami bawat oras?
31 Ako'y namamatay araw-araw! Mga kapatid, iyon ay kasing-tiyak ng aking pagmamapuri sa inyo—isang pagmamapuri na aking ginagawa kay Cristo Jesus na ating Panginoon.
32 Kung(H) bilang isang tao lamang ay lumaban ako sa mga maiilap na hayop sa Efeso, ano ang aking mapapakinabang? Kung ang mga patay ay hindi muling binubuhay, “Tayo ay kumain at uminom, sapagkat bukas tayo'y mamamatay.”
Read full chapterFootnotes
- 1 Corinto 15:6 Sa Griyego ay natulog .
- 1 Corinto 15:18 Sa Griyego ay natulog .
- 1 Corinto 15:20 Sa Griyego ay natulog .
- 1 Corinto 15:27 Sa Griyego ay niya .