Add parallel Print Page Options

Sapagkat ibinigay ko sa inyo ang pinakamahalagang aral na ibinigay sa akin: Na si Cristoʼy namatay upang iligtas tayo sa ating mga kasalanan, ayon sa Kasulatan. Inilibing siya ngunit muling nabuhay sa ikatlong araw, ayon din sa Kasulatan.

Read full chapter

Ang Muling Pagkabuhay ng mga Patay

12 Ngayon, kung ipinangangaral namin sa inyo na si Cristoʼy muling nabuhay, bakit sinasabi ng ilan sa inyo na walang muling pagkabuhay? 13 Kung totoong walang muling pagkabuhay, nangangahulugan na maging si Cristo ay hindi rin muling nabuhay. 14 At kung si Cristoʼy hindi muling nabuhay, walang kabuluhan ang aming pangangaral, at wala ring silbi ang inyong pananampalataya. 15 At hindi lang iyan, lalabas din na sinungaling kami tungkol sa Dios dahil ipinapahayag namin na binuhay niyang muli si Cristo. 16 Ngunit hindi siya muling nabuhay kung talagang walang muling pagkabuhay. 17 At kung si Cristoʼy hindi muling nabuhay, walang silbi ang inyong pananampalataya at hindi pa kayo napapatawad sa inyong mga kasalanan. 18 At nangangahulugan din na ang mga mananampalataya kay Cristo na namatay na ay hindi naligtas. 19 Kung ang pag-asa natin kay Cristo ay hanggang sa buhay na ito lamang, tayo ang pinakakawawa sa lahat ng tao.

20 Ngunit ang totoo, muling nabuhay si Cristo bilang katibayan na muling bubuhayin ang mga patay. 21 Dahil sa isang tao na si Adan, dumating ang kamatayan sa lahat ng tao. At dahil din sa isang tao na si Cristo, muling mabubuhay ang mga patay. 22 Sapagkat kung paanong tayong mga tao ay mamamatay dahil sa kaugnayan natin kay Adan, ganoon din naman, dahil sa ating kaugnayan kay Cristo, tayong lahat ay muling mabubuhay.

Read full chapter