Add parallel Print Page Options

18 Ngunit nilikha ng Dios ang ating katawan na may ibaʼt ibang parte ayon sa kanyang nais. 19 Kung ang katawan ay binubuo lamang ng isang parte, matatawag pa ba itong katawan? 20 Ang totooʼy ang katawan ay binubuo ng maraming parte, ngunit iisang katawan lamang ito.

21 Kaya hindi maaaring sabihin ng mata sa kamay, “Hindi kita kailangan,” at hindi rin masasabi ng ulo sa paa, “Hindi kita kailangan.” 22 Ang totoo, ang mga parte ng katawan na parang mahina ang siya pang kailangang-kailangan. 23 Ang mga parte ng katawan na sa tingin natin ay hindi gaanong mahalaga ay inaalagaan nating mabuti, at ang mga parteng hindi maganda ay ating pinapaganda. 24 Hindi na kailangang pagandahin ang mga parteng maganda na. Ganoon din nang isaayos ng Dios ang ating katawan, binigyan niya ng karangalan ang mga parteng hindi gaanong marangal, 25 upang hindi magkaroon ng pagkakahati-hati kundi pagmamalasakit sa isaʼt isa. 26 Kaya kung nasasaktan ang isang parte ng katawan, ang ibang parte ay nasasaktan din. At kung ang isang parte ay pinararangalan, ang ibang parte ay natutuwa rin.

27 Kayong lahat ang bumubuo ng katawan ni Cristo, at ang bawat isaʼy parte ng kanyang katawan. 28 At sa katawang ito, na walang iba kundi ang iglesya, naglagay ang Dios ng mga sumusunod: una, mga apostol; pangalawa, mga propeta; pangatlo, mga guro. Naglagay din siya ng mga gumagawa ng mga himala, mga nagpapagaling sa mga may sakit, mga matulungin, mga tagapangasiwa, at mga nagsasalita sa ibaʼt ibang wika na hindi nila natutunan. 29 Alam naman natin na hindi lahat ay apostol; hindi lahat ay propeta o guro. Hindi lahat ay may kapangyarihang gumawa ng mga himala, 30 magpagaling ng mga may sakit, makapagsalita sa ibaʼt ibang wika na hindi nila natutunan o magpaliwanag nito.

Read full chapter