1 Corinto 1:18-25
Magandang Balita Biblia
Si Cristo ang Kapangyarihan at Karunungan ng Diyos
18 Ang mensahe tungkol sa pagkamatay ni Cristo sa krus ay kahangalan para sa mga taong napapahamak, ngunit ito'y kapangyarihan ng Diyos para sa ating mga naliligtas. 19 Sapagkat(A) nasusulat,
“Sisirain ko ang karunungan ng marurunong
at gagawin kong walang saysay ang katalinuhan ng matatalino.”
20 Ano(B) ngayon ang kabuluhan ng marurunong, ng mga tagapagturo ng Kautusan, ng mahuhusay na debatista sa kapanahunang ito? Ipinapakita ng Diyos na ang karunungan ng sanlibutang ito ay pawang kahangalan lamang. 21 Sapagkat(C) ayon sa karunungan ng Diyos, hindi niya pinahintulutang siya'y makilala ng tao sa pamamagitan ng kanilang karunungan. Sa halip, minarapat niyang iligtas ang mga nagpapasakop sa kanya sa pamamagitan ng Magandang Balita na aming ipinapangaral, na sa tingin ng iba'y isang kahangalan. 22 Ang mga Judio'y humihingi ng himala bilang katunayan. Karunungan naman ang hinahanap ng mga Griego. 23 Ngunit ang ipinapangaral namin ay si Cristo na ipinako sa krus, na para sa mga Judio ay isang katitisuran at para sa mga Hentil ay isang kahangalan. 24 Subalit sa mga tinawag ng Diyos, maging Judio o maging Griego, si Cristo ang kapangyarihan at karunungan ng Diyos. 25 Sapagkat ang inaakala nilang kahangalan ng Diyos ay karunungang higit pa sa karunungan ng tao, at ang inaakala nilang kahinaan ng Diyos ay kalakasang higit pa sa kalakasan ng tao.
Read full chapterMagandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.