1 Corinto 15:12-19
Magandang Balita Biblia
Ang Muling Pagkabuhay ng mga Patay
12 Ngayon, kung ipinapangaral naming si Cristo'y muling nabuhay, bakit sinasabi ng ilan sa inyo na hindi bubuhaying muli ang mga patay? 13 Kung totoo iyan, lilitaw na hindi muling binuhay si Cristo. 14 At kung si Cristo'y hindi muling binuhay, walang kabuluhan ang aming pangangaral at walang katuturan ang inyong pananampalataya. 15 Kung ganoon, lilitaw na kami'y mga sinungaling na saksi ng Diyos dahil pinatotohanan namin na muling binuhay ng Diyos si Cristo ngunit hindi naman pala, kung talagang walang muling pagkabuhay ng mga patay. 16 Kung hindi muling binubuhay ang mga patay, hindi rin muling binuhay si Cristo. 17 At kung hindi muling binuhay si Cristo, kayo'y nananatili pa sa inyong mga kasalanan at walang katuturan ang inyong pananampalataya. 18 Hindi lamang iyan, lilitaw pa na ang lahat ng mga namatay na sumampalataya kay Cristo ay napahamak. 19 Kung ang pag-asa natin kay Cristo ay para lamang sa buhay na ito,[a] tayo na ang pinakakawawa sa lahat ng tao.
Read full chapterFootnotes
- 1 Corinto 15:19 Kung ang…buhay na ito: o kaya'y Kung ang mayroon tayo sa buhay na ito ay pag-asa lamang kay Cristo .
Juan 14:1-3
Magandang Balita Biblia
Si Jesus ang Daan
14 “Huwag mabagabag ang inyong kalooban; sumampalataya kayo sa Diyos, sumampalataya din kayo sa akin. 2 Sa bahay ng aking Ama ay maraming silid. Kung hindi ito totoo, sasabihin ko ba sa inyong pupunta ako roon upang ipaghanda ko kayo ng inyong matitirhan? 3 At kapag naipaghanda ko na kayo ng matitirhan, ako'y babalik at isasama ko kayo upang kayo'y makapiling ko kung saan ako naroroon.
Read full chapter
Juan 6:26-51
Magandang Balita Biblia
26 Sumagot si Jesus, “Totoo ang sinasabi kong ito: hinahanap ninyo ako, hindi dahil sa mga himalang nakita ninyo, kundi dahil nakakain kayo ng tinapay at nabusog. 27 Huwag(A) ang pagkaing nasisira ang inyong pagsikapang kamtan, kundi ang pagkaing hindi nasisira na nagbibigay ng buhay na walang hanggan. Iyan ang ibibigay sa inyo ng Anak ng Tao, sapagkat ipinapakita ng Diyos Ama na siya ang may ganitong karapatan.”
28 Kaya't siya'y tinanong nila, “Ano po ang dapat naming gawin upang aming matupad ang ipinapagawa ng Diyos?”
29 “Ito ang ipinapagawa sa inyo ng Diyos, sumampalataya kayo sa sinugo niya,” tugon ni Jesus.
30 “Ano pong himala ang maipapakita ninyo upang sumampalataya kami sa inyo? Ano po ang inyong gagawin? 31 Ang(B) aming mga ninuno ay kumain ng manna sa ilang; ayon sa nasusulat, ‘Sila'y binigyan niya ng tinapay na galing sa langit,’” sabi nila.
32 Sumagot si Jesus, “Pakatandaan ninyo: hindi si Moises ang nagbigay sa inyo ng tinapay na galing sa langit. Ang aking Ama ang nagbibigay sa inyo ng tunay na tinapay na galing sa langit. 33 Sapagkat ang tinapay na galing sa Diyos ay ang bumabâ mula sa langit at nagbibigay-buhay sa sangkatauhan.”
34 Sumagot sila, “Ginoo, bigyan po ninyo kaming lagi ng tinapay na ito.”
35 Sinabi ni Jesus, “Ako ang tinapay ng buhay. Ang lumalapit sa akin ay hindi na magugutom kailanman, at ang sumasampalataya sa akin ay hindi na mauuhaw kailanman. 36 Ngunit sinabi ko na sa inyo, nakita na ninyo ako, ngunit hindi pa rin kayo sumasampalataya sa akin. 37 Lalapit sa akin ang lahat ng ibinibigay sa akin ng Ama, at hinding-hindi ko itataboy kailanman ang sinumang lumalapit sa akin. 38 Ako'y bumabâ mula sa langit, hindi upang gawin ang sarili kong kalooban, kundi ang kalooban niya na nagsugo sa akin. 39 At ito ang kanyang kalooban: ang huwag kong hayaang mapahamak ang kahit sinuman sa mga ibinigay niya sa akin, kundi ang buhayin ko silang muli sa huling araw. 40 Sapagkat ito ang kalooban ng aking Ama: ang lahat ng nakakakita sa Anak at sumasampalataya sa kanya ay magkaroon ng buhay na walang hanggan. At sila'y muli kong bubuhayin sa huling araw.”
41 Nagbulung-bulungan ang mga Judio dahil sa sinabi niyang, “Ako ang tinapay na bumabâ mula sa langit.” 42 Sinabi nila, “Hindi ba ito si Jesus na anak ni Jose? Kilala natin ang kanyang ama't ina. Paano niya masasabi ngayong bumabâ siya mula sa langit?” 43 Kaya't sinabi ni Jesus, “Tigilan ninyo ang inyong bulung-bulungan. 44 Walang makakalapit sa akin malibang dalhin siya sa akin ng Ama na nagsugo sa akin. At ang lumalapit sa akin ay muli kong bubuhayin sa huling araw. 45 Nasusulat(C) sa aklat ng mga propeta, ‘At silang lahat ay tuturuan ng Diyos.’ Ang bawat nakikinig sa Ama at natututo sa kanya ay lumalapit sa akin. 46 Hindi ito nangangahulugang may nakakita na sa Ama; ang nagmula sa Diyos ang tanging nakakita sa Ama. 47 Pakatandaan ninyo: ang sumasampalataya sa akin ay may buhay na walang hanggan. 48 Ako ang tinapay ng buhay. 49 Kumain ng manna ang inyong mga ninuno nang sila'y nasa ilang, ngunit sila'y namatay. 50 Narito ang tinapay na bumabâ mula sa langit upang ang sinumang kumain nito ay hindi na mamatay. 51 Ako nga ang tinapay na nagbibigay-buhay na bumabâ mula sa langit. Mabubuhay magpakailanman ang sinumang kumain ng tinapay na ito. At ang tinapay na ibibigay ko upang mabuhay ang sanlibutan ay ang aking laman.”
Read full chapter
1 Tesalonica 4:13-18
Magandang Balita Biblia
Ang Pagbalik ng Panginoon
13 Mga kapatid, nais naming malaman ninyo ang katotohanan tungkol sa mga namatay na upang hindi kayo magdalamhati tulad ng mga taong walang pag-asa. 14 Dahil naniniwala tayong si Jesus ay namatay at muling nabuhay, naniniwala din tayong bubuhayin ng Diyos upang isama kay Jesus ang lahat ng mga namatay na sumasampalataya sa kanya.
15 Ito(A)(B) ang itinuturo ng Panginoon na sinasabi namin sa inyo: tayong mga nabubuhay pa at natitira pa hanggang sa pagparito ng Panginoon, ay hindi mauuna sa mga namatay na. 16 Sa araw na iyon ay maririnig ang tinig ng arkanghel at ang tunog ng trumpeta ng Diyos, at ang Panginoon mismo ay bababâ mula sa langit na sumisigaw. At ang mga namatay na sumasampalataya kay Cristo ay bubuhayin muna. 17 Pagkatapos, tayo namang mga buháy pa at natitira ay titipunin sa alapaap kasama ng mga binuhay upang salubungin ang Panginoon sa himpapawid. Sa gayon, makakapiling natin siya magpakailanman. 18 Kaya nga, palakasin ninyo ang loob ng bawat isa sa pamamagitan ng mga salitang ito.
Read full chapter
1 Corinto 15:51-55
Magandang Balita Biblia
51 Isang(A) hiwaga ang sinasabi ko sa inyo, hindi lahat tayo'y mamamatay ngunit lahat tayo'y babaguhin, 52 sa isang sandali, sa isang kisap-mata, kasabay ng huling pag-ihip ng trumpeta. Sapagkat sa pagtunog ng trumpeta, ang mga patay ay muling bubuhayin at di na muling mamamatay. Babaguhin tayong lahat. 53 Ang ating katawang nabubulok ay mapapalitan ng hindi nabubulok, at ang katawang namamatay ay mapapalitan ng katawang hindi namamatay. 54 Kapag(B) ang nabubulok ay napalitan na ng di nabubulok, at ang may kamatayan ay napalitan na ng walang kamatayan, matutupad na ang sinasabi sa kasulatan: “Nalupig na ang kamatayan; lubos na ang tagumpay!”
55 “Nasaan,(C) O kamatayan, ang iyong tagumpay?
Nasaan, O kamatayan, ang iyong kamandag?”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.