1 Samuel 17:1-27
Ang Biblia, 2001
Hinamon ni Goliat ang mga Israelita
17 Tinipon ng mga Filisteo ang kanilang mga hukbo upang makipagdigma at sila'y nagtipon sa Socoh na sakop ng Juda, at nagkampo sa pagitan ng Socoh at Azeka sa Efesdamim.
2 Nagtipun-tipon sina Saul at ang mga Israelita at nagkampo sa libis ng Ela, at humanay sa pakikidigma laban sa mga Filisteo.
3 Tumayo ang mga Filisteo sa isang dako sa bundok, at tumayo naman ang Israel sa kabilang dako sa bundok na may isang libis sa pagitan nila.
4 At lumabas mula sa kampo ng mga Filisteo ang isang pangunahing mandirigma na ang pangalan ay Goliat na taga-Gat, na ang taas ay anim na siko at isang dangkal.
5 Siya'y mayroong isang helmet na tanso sa kanyang ulo, at siya'y may sandata ng baluti sa katawan; at ang bigat ng baluti ay limang libong siklong tanso.
6 Siya'y mayroong kasuotang tanso sa kanyang mga hita, at isang sibat na tanso na nakasakbat sa kanyang mga balikat.
7 Ang puluhan ng kanyang sibat ay gaya ng panghabi ng manghahabi; at ang dulo ng kanyang sibat ay may bigat na animnaraang siklong bakal. Ang kanyang tagadala ng kalasag ay nauuna sa kanya.
8 Siya'y tumayo at sumigaw sa mga hukbo ng Israel, “Bakit kayo'y lumabas upang humanay sa pakikipaglaban? Hindi ba ako'y Filisteo, at kayo'y mga lingkod ni Saul? Pumili kayo ng isang lalaki mula sa inyo at pababain ninyo siya sa akin.
9 Kung siya'y makakalaban sa akin at mapatay ako, magiging alipin ninyo kami. Ngunit kung ako'y manalo laban sa kanya at mapatay ko siya, magiging alipin namin kayo at maglilingkod sa amin.”
10 At sinabi ng Filisteo, “Aking hinahamon ang mga hukbo ng Israel sa araw na ito; paharapin ninyo sa akin ang isang lalaki upang maglaban kami.”
11 Nang marinig ni Saul at ng buong Israel ang mga salitang ito ng Filisteo, sila'y nanghina at lubhang natakot.
Si David sa Kampo ni Saul
12 Si David nga ay anak ng isang Efrateo sa Bethlehem-juda, na ang pangala'y Jesse, at may walong anak na lalaki. Nang panahon ni Saul ang lalaking ito ay napakatanda na.
13 Ang tatlong pinakamatandang anak ni Jesse ay sumunod kay Saul sa digmaan. Ang pangalan ng kanyang tatlong anak na nagtungo sa pakikipaglaban ay si Eliab na panganay, ang kasunod niya ay si Abinadab, at ang ikatlo ay si Shammah.
14 Si David ang bunso, at ang tatlong pinakamatanda ay sumunod kay Saul.
15 Ngunit si David ay nagpapabalik-balik kay Saul upang pakainin ang mga tupa ng kanyang ama sa Bethlehem.
16 Sa loob ng apatnapung araw, ang Filisteo ay lumalapit at naghahamon, umaga at hapon.
Narinig ni David ang Hamon ni Goliat
17 Sinabi ni Jesse kay David na kanyang anak, “Dalhin mo sa iyong mga kapatid itong isang efang sinangag na trigo at sampung tinapay at dalhin mo agad sa iyong mga kapatid sa kampo.
18 Dalhin mo rin ang sampung kesong ito sa kapitan ng kanilang libo. Tingnan mo kung ano ang kalagayan ng iyong mga kapatid, at kumuha ka sa kanila ng palatandaan.”
19 Si Saul at lahat ng mga Israelita ay nasa libis ng Ela na nakikipaglaban sa mga Filisteo.
20 Kinaumagahan, si David ay maagang bumangon, iniwan ang mga tupa sa isang tagapag-alaga, at dinala ang mga baon at umalis gaya nang iniutos sa kanya ni Jesse; siya'y dumating sa pinaghihimpilan habang ang hukbo ay sumusulong sa labanan na sumisigaw ng sigaw ng digmaan.
21 Ang Israelita at ang mga Filisteo ay humanay na sa pakikipaglaban, hukbo laban sa hukbo.
22 Iniwan ni David ang kanyang dala-dalahan sa kamay ng tagapag-ingat ng dala-dalahan, at tumakbo sa hukbo, at dumating, at binati ang kanyang mga kapatid.
23 Habang nakikipag-usap siya sa kanila, dumating ang pangunahing mandirigma, ang Filisteo na taga-Gat, na Goliat ang pangalan, mula sa hanay ng mga Filisteo, at sinabi ang gayunding mga salita gaya nang una. At siya'y narinig ni David.
24 Nang makita ng lahat ng mga Israelita ang lalaking iyon, sila ay tumakas mula sa kanyang harapan, at takot na takot.
25 At sinabi ng mga Israelita, “Nakita na ba ninyo ang lalaking iyan na umahon? Talagang umahon siya upang hamunin ang Israel. Ang lalaking makakapatay sa kanya ay bibigyan ng hari ng malaking kayamanan, at ibibigay sa kanya ang kanyang anak na babae, at magiging malaya sa Israel ang sambahayan ng kanyang ama.”
26 Sinabi ni David sa mga lalaking nakatayo sa tabi niya, “Ano ang gagawin sa lalaking makakapatay sa Filisteong ito, at makapag-aalis ng kahihiyang ito sa Israel? Sapagkat sino ba itong hindi tuling Filisteo na kanyang hahamunin ang mga hukbo ng Diyos na buháy?”
27 At ang taong-bayan ay sumagot sa kanya sa gayunding paraan, “Gayon ang gagawin sa lalaking makakapatay sa kanya.”
Read full chapter