1 Timoteo 6
Ang Salita ng Diyos
6 Hayaang isipin ng lahat ng nasa ilalim ng pamatok ng pagkaalipin na ang kanilang mga amo ay karapat-dapat sa buong paggalang. Ito ay upang hindi mamusong ang mga tao sa pangalan ng Diyos at sa ating katuruan. 2 Ang may mga amo na mananampalataya ay huwag manlait sa kanila dahil sila ay mga kapatid. Sa halip, dahil ang makikinabang ay mananampalataya at ang kanilang mga minamahal, dapat silang maglingkod sa kanila nang lalong mainam. Ituro mo ang mga bagay na ito at hikayatin mo silang may katapatan.
Pag-ibig sa Salapi
3 Maaring may magturo ng kakaibang turo na hindi sumasang-ayon sa mabuting salita ng ating Panginoong Jesucristo na ayon sa mapagkakatiwalaang katuruan.
4 Kung ang sinumang tao ay gumagawa nito, siya ay mayabang, walang nalalaman, nahumaling sa pakikipagtalo at pakikipaglaban patungkol sa mga salita. Sa mga ito nagmumula ang inggit, paglalaban-laban, panglalait at masamang paghihinala. 5 Mula rito ay dumarating ang walang hanggang mga pagtatalo mula sa mga taong may bulok na pag-iisip, at salat sa katotohanan. Iniisip nila na ang pagiging maka-Diyos ay paraan ng pagpapayaman. Layuan mo ang mga ganitong tao.
6 Ngunit ang pagsamba sa Diyos na may kasiyahan ay malaking pakinabang. 7 Ito ay sapagkat wala tayong dinalang anuman sa sanlibutan. Maliwanag na wala tayong madadalang anuman mula rito. 8 Kung tayo ay may pagkain at pananamit, masiyahan na tayo sa mga ito. 9 Ngunit ang mga naghahangad na maging mayaman ay nahuhulog sa tukso at sa isang silo. Sila ay nahuhulog sa mga mangmang na hangarin na makakapinsala sa kanila, at nagtutulak sa mga tao na malunod sa pagkawasak at pagkapahamak. 10 Ito ay sapagkat ang pag-ibig sa salapi ang ugat sa lahat ng uri ng kasamaan. Ang ilang tao na nagpupumilit na makamtan ito ay naligaw palayo sa pananampalataya. Maraming pagdadalamhati ang lumalagos sa kanilang mga sarili.
Ang Tagubilin ni Pablo kay Timoteo
11 Ngunit ikaw, o tao ng Diyos, lumayo ka sa mga bagay na ito at sikapin mong maabot ang mga bagay na may katuwiran, pagiging maka-Diyos, pananampalataya, pag-ibig, pagtitiis at kaamuan.
12 Makipagbaka ka ng mabuting pakikipagbaka ng pananampalataya. Manangan ka sa buhay na walang hanggan na kung saan ay tinawag ka ng Diyos para rito at isinalaysay mo sa mabuting pagpapahayag sa harapan ng maraming saksi. 13 Inuutusan kita sa harapan ng Diyos na nagbibigay buhay sa lahat ng bagay at sa harapan ni Cristo Jesus na sumaksing isang magandang paliwanag sa harap ni Poncio Pilato. 14 Hanggang ang ating Panginoong Jesucristo ay dumating, tuparin mo ang utos na ito nang walang dungis at walang maipupula sa iyo. 15 Siya ay mahahayag sa takdang panahon. Siya lamang ang pinagpala at makapangyarihan, Hari ng mga hari at Panginoon ng mga panginoon. 16 Siya lamang ang hindi maaaring mamatay, naninirahan sa liwanag na hindi malalapitan ng sinuman, walang sinumang nakakita sa kaniyani makakakita sa kaniya. Sumasakaniya ang karangalan at kapangyarihang walang hanggan. Siya nawa.
Mga Panghuling Salita
17 Utusan mo ang mayayaman sa kapanahunang ito na huwag silang maging mapagmataas. Hindi nila dapat ilagak ang kanilang pag-asa sa kayamanang walang katiyakan. Sa halip, dapat nilang ilagak ang kanilang pag-asa sa buhay na Diyos na marangyang ipinagkakaloob sa atin ang lahat ng bagay upang tayo ay masiyahan.
18 Utusan mo silang gumawa ng mabuti, maging mayaman sa mabubuting gawa, maging mapagbigay sila at handang magbahagi sa iba. 19 Dapat silang maglaanng isang mabuting saligan para sa kanilang sarili para sa hinaharap upang sila ay makapanangan sa buhay na walang hanggan.
20 O Timoteo, ingatan mo ang mga ipinagkakatiwala sa iyo. Iwasan mo ang mga usapang mapaglapastangan at mga usapang walang kabuluhan at mga pagtatalo na napagkakamaliang tawaging karunungan. 21 Nang ang ilang mga tao ay nagsasabi na mayroon silang gayong kaalaman, sumala sila sa pananampalataya.
Sumaiyo ang biyaya. Siya nawa!
Copyright © 1998 by Bibles International