1 Timoteo 4
Ang Salita ng Diyos
Mga Tagubilin kay Timoteo
4 Ngunit maliwanag na sinasabi ng Espiritu na sa huling panahon ay iiwan ng ilang tao ang pananampalataya. Bibigyang pansin nila ang mga espiritung mapanlinlang at ang mga katuruan ng mga demonyo.
2 Ang mga taong ito ay nagsasalita ng kasinungalingan na may pagpapaimbabaw. Ang kanilang budhi ay pinaso. 3 Ipinagbabawal nila ang pag-aasawa at may ipinagbabawal sila na pagkain, na nilikha ng Diyos upang tanggapin na may pasasalamat ng mga sumasampalataya at nakakaalam ng katotohanan. 4 Ito ay sapagkat ang lahat na nilikha ng Diyos ay mabuti, na dapat tanggaping may pasasalamat at hindi ito dapat itakwil. 5 Ito ay sapagkat pinaging-banal ang mga ito sa pamamagitan ng salita ng Diyos at panalangin.
6 Kung ituturo mo ang mga bagay na ito sa harapan ngmga kapatid, ikaw ay magiging mabuting tagapaglingkod ni Jesucristo. Ikaw ay pinakakain ng Diyos ng mga salita ng pananampalataya at ng katuruan na buong ingat mong sinunod. 7 Ngunit tanggihan mo ang mga alamat na mapaglapastangan sa Diyos na isinasalaysay ng matatandang babae. Sanayin mo ang iyong sarili sa pagiging maka-Diyos. 8 Ito ay sapagkat kung sinasanay mo ang iyong katawan, mayroon naman itong kaunting pakinabang. Ngunit ang pagiging maka-Diyos ay may kapakinabangan sa lahat ng mga bagay. Ito ay may pangako sa buhay sa ngayon at sa buhay na darating.
9 Ito ay isang mapagkakatiwalaang pananalita at karapat-dapat na tanggapin ng lahat. 10 Ito ang dahilan na kami ay nagpapagal at kinukutya ng mga tao. Ito ay dahil umaasa kami sa Diyos na buhay na siyang tagapagligtas ng lahat ng tao, lalong higit doon sa mga sumasampalataya.
11 Iutos mo ang mga bagay na ito at ituro mo sa kanila. 12 Walang sinumang dapat na humamak sa iyo dahil sa iyong kabataan subalit maging huwaran ka ng mga mananampalataya sa salita, sa pag-uugali, sa pag-ibig, sa espiritu, sa pananampalataya, sa kadalisayan. 13 Hanggang sa ako ay makapariyan sa iyo, iukol mo ang iyong sarili sa pagbabasa, sa pagpapayo at sa pagtuturo. 14 Huwag mong pabayaan ang kaloob na ibinigay ng Diyos sa iyo sa pamamagitan ng paghahayag at ng pagpatong sa iyo ng mga kamay ng mga matanda sa iglesiya.
15 Pagbulay-bulayan mong mabuti ang mga bagay na ito. Italaga mo nang lubusan ang iyong sarili sa pagsasagawa nito. Sa gayon, maliwanag na makikita ng lahat na ikaw ay lumalago. 16 Ingatan mo ang iyong sarili at ang pagtuturo. Manatili ka sa mga bagay na ito. Kung gagawin mo ito, maililigtas mo ang iyong sarili at ang mga makikinig sa iyo.
Copyright © 1998 by Bibles International