1 Timoteo 3
Ang Salita ng Diyos
Mga Tagapangasiwa at Mga Diyakono
3 Ang pananalitang ito ay mapagkakatiwalaan. Kung ninanais ng sinuman ang gawain ng isang tagapangasiwa, nagnanais siya ng isang magandang gawain.
2 Ang tagapangasiwa ay dapat na walang maipupula, iisa lang ang asawa, mapagpigil, ginagamit nang maayos ang pag-iisip, may magandang asal, bukas ang tahanan sa mga panauhin at makakapagturo. 3 Siya ay hindi dapat na manginginom ng alak, hindi palaaway, hindi gahaman sa maruming kapakinabangan, subalit mahinahon at mapayapa at hindi maibigin sa salapi. 4 Dapat na pinamamahalaan niya nang mabuti ang kaniyang sariling tahanan, na ang kaniyang mga anak ay nagpapasakop na may karapat-dapat na ugali. 5 Kapag ang isang lalaki ay hindi marunong mamahala ng kaniyang sariling sambahayan, papaano niya mapangangalagaan ang iglesiya ng Diyos? 6 Hindi siya dapat baguhang mananampalataya, at baka kung siya ay magmayabang ay mahulog sa hatol ng Diyos na inihatol niyasa diyablo. 7 Dapat na may mabuti siyang patotoo sa mgataga-labas. Kung wala siya nito, baka siya ay mahulog sa pangungutya at sa bitag ng diyablo.
8 Gayundin naman, ang mga diyakono ay dapat na may karapat-dapat na pag-uugali. Hindi madaya, hindi nagpapairal sa alak, hindi gahaman sa maruming kapakinabangan. 9 Dapat na manangan sila sa hiwaga ng pananampalataya na taglay ang isang malinis na budhi. 10 Subukin muna sila. Kung walang anumang maipaparatang sa kanila, hayaan silang maglingkod.
11 Ang mga babae naman ay dapat na may karapat-dapat na pag-uugali. Hindi mapanirang puri, ginagamit nang maayos ang pag-iisip, at mapagkakatiwalaan sa lahat ng bagay.
12 Ang bawat diyakono ay dapat na asawa ng isang babae at pinamamahalaang mabuti ang kanilang mga anak at kanilang sambahayan. 13 Ito ay sapagkat ang mga nakapaglingkod nang mahusay bilang diyakono ay nagtatamo ng isang mabuting tungkulin at ng dakilang kalakasan ng loob sa pananampalataya na na kay Cristo Jesus.
14 Sa dahilang inaasahan kong makarating diyan sa inyo sa lalong madaling panahon, isinusulat ko ang mga bagay na ito sa iyo. 15 Ngunit kung ako ay maaantala sa pagpariyan sa iyo, alam mo ang paraan kung paano ang dapat na maging asal mo sa bahay ng Diyos na siyang iglesiya ng Diyos na buhay. Ito ang haligi at saligan ng katotohanan. 16 Nahayag ito na may katiyakan. Ang hiwaga ng pagkamaka-Diyos ay dakila: Nahayag sa laman ang Diyos. Inihayag ng Espiritu na siya ay matuwid. Nakita siya ng mga anghel. Ipinangaral siya sa mga Gentil. Sinampalatayanan siya ng sanlibutan. Tinanggap siya sa kaluwalhatian.
Copyright © 1998 by Bibles International