1 Samuel 19
Magandang Balita Biblia
Namagitan si Jonatan kay Saul para kay David
19 Minsan, nasabi ni Saul sa anak niyang si Jonatan at sa kanyang mga tauhan ang balak niyang pagpatay kay David. Ngunit mahal ni Jonatan si David, kaya sinabi niya rito ang balak ng kanyang ama. 2 Ang sabi niya, “Pinagbabalakan kang patayin ng aking ama. Bukas ng umaga, magtago ka sa isang lihim na lugar. 3 Yayayain ko naman ang aking ama sa may pinagtataguan mo at kakausapin ko tungkol sa iyo. Pagkatapos naming mag-usap sasabihin ko agad sa iyo ang anumang sasabihin niya.”
4 Kinausap nga ni Jonatan ang kanyang ama tungkol kay David. “Ama, huwag po sana ninyong gawan ng masama si David sapagkat wala naman siyang ginagawang masama sa inyo. Sa halip, malaki nga ang pakinabang ninyo sa kanya. 5 Itinaya niya ang kanyang buhay nang harapin niya si Goliat at niloob naman ni Yahweh na magtagumpay siya para sa Israel. Alam ninyo ito at inyo pang ipinagdiwang. Bakit ninyo gustong patayin ang isang taong walang kasalanan? Bakit gusto ninyong patayin si David nang wala namang sapat na dahilan?”
6 Dahil dito, nagbago ng isip si Saul. Sinabi niya, “Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy,[a] hindi ko na siya papatayin.” 7 Ang sagot na ito ng hari ay sinabi naman ni Jonatan kay David. Isinama pa siya ni Jonatan sa hari, at tulad ng dati, pinaglingkuran niya ito.
Iniligtas ni Mical si David
8 Muling nagkaroon ng labanan ang mga Israelita at mga Filisteo. Sinalakay ni David ang mga Filisteo at natalo niya ang mga ito, kaya ang mga natirang buháy ay nagsitakas.
9 Minsan, muling nilukuban si Saul ng isang masamang espiritu mula kay Yahweh. Nakaupo si Saul noon at hawak ang kanyang sibat samantalang si David ay tumutugtog ng alpa. 10 Walang anu-ano'y sinibat niya si David ngunit nakailag ito at ang sibat ay tumusok sa dingding. Dahil dito, patakbong tumakas si David.
11 Kinagabihan,(A) (B) pinabantayan ni Saul ang bahay ni David dahil balak niyang patayin ito kinabukasan. Kaya't sinabi ni Mical, “David, tumakas ka ngayong gabi, kung hindi'y papatayin ka nila bukas.” 12 At pinaraan niya ito sa bintana para makatakas. 13 Pagkatapos, kinuha ni Mical ang isang rebultong nasa bahay at siyang inihiga sa kanilang higaan. Ang ulo nito'y binalutan niya ng balahibo ng kambing, saka kinumutan.
14 Nang dumating ang mga inutusan ni Saul upang kunin si David, sinabi ni Mical, “May sakit siya.”
15 Pinabalik ni Saul ang kanyang mga sugo at pinagbilinan ng ganito, “Buhatin ninyo pati higaan niya at ako ang papatay sa kanya.” 16 Nagbalik nga ang mga sugo ni Saul ngunit ang nakita nila sa higaan ay ang rebultong may buhok na balahibo ng kambing. 17 Tinawag ni Saul si Mical, “Bakit mo ako nilinlang? Bakit mo pinatakas ang aking kaaway?”
Sumagot si Mical, “Papatayin niya ako kung hindi ko siya pinabayaang tumakas.”
18 Tumakas nga si David at nagpunta kay Samuel sa Rama. Sinabi niya rito ang lahat ng ginawa sa kanya ni Saul. Sumama siyang umuwi kay Samuel sa Nayot at doon nanirahan. 19 May nagsabi kay Saul, “Si David ay nasa Nayot sa Rama.” 20 Muling nagsugo ito ng mga tauhan upang hulihin si David. Ngunit nang makita ng mga sugo ni Saul ang mga propetang nagsisigawan at nagsasayawan sa pangunguna ni Samuel, nilukuban din sila ng Espiritu[b] ng Diyos at sila'y nagsipagsigawan at nagsipagsayawan na tulad din ng mga propeta. 21 Nang mabalitaan ito ni Saul, nagsugo siya ng isa pang pangkat ngunit natulad rin ito sa una. Nang magsugo naman siya ng pangatlong pangkat, ganoon din ang nangyari. 22 Nang magkagayon, siya na mismo ang nagpunta sa Rama. Pagdating niya sa may malaking balon sa Secu, ipinagtanong niya kung saan makikita sina Samuel at David. Sinabi ng napagtanungan na sila'y nasa Nayot ng Rama. 23 Kaya't nagpunta siya sa Rama. Subalit habang siya'y naglalakbay papuntang Nayot, nilukuban siya ng Espiritu[c] ng Diyos. At siya'y nagsasayaw at nagsisigaw na tulad ng propeta hanggang sa makarating ng Nayot. 24 Pagdating doon, hinubad niya ang kanyang kasuotan, nagsisigaw at nagsasayaw sa harapan ni Samuel. Dahil dito, nagsimula ang kasabihang, “Propeta na rin ba si Saul?”
Footnotes
- 1 Samuel 19:6 Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy: o kaya'y Hangga't si Yahweh ay nabubuhay .
- 1 Samuel 19:20 Espiritu: o kaya'y kapangyarihan .
- 1 Samuel 19:23 Espiritu: o kaya'y kapangyarihan .
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.