1 Pedro 5
Ang Salita ng Diyos
Sa mga Matanda at mga Kabataang Lalaki
5 Ang mga matanda na nasa inyo ay pinagtatagubilinan ko bilang isa ring matanda na nakasaksi sa mga paghihirap ni Cristo at bilang kabahagi rin ng kaluwalhatiang ihahayag.
2 Ipinamamanhik kong pangalagaan ninyo ang kawan ng Diyos na ipinagkatiwala sa inyo. Pangasiwaan ninyo sila, hindi dahil sa napipilitan kayo kundi kusang-loob, hindi dahil sa kasakiman sa pagkakamal ng salapi sa masamang paraan kundi sa paghahangad na makapaglingkod. 3 At hindi bilang panginoon ng inyong nasasakupan kundi bilang huwaran sa inyong kawan. 4 Sa pagparito ng Pangulong Pastol tatanggap kayo ng hindi nasisirang putong ng kaluwalhatian.
5 Kayo namang mga kabataan, magpasakop kayo sa mga matanda. Magpasakop kayo sa isa’t isa at isuot ninyo ang kapakumbabaan sapagkat
sinasaway ng Diyos ang mga palalo at nagbibigay biyaya sa mga mapagpakumbaba.
6 Kaya nga, magpakumbaba kayo sa ilalim ng makapangyarihang kamay ng Diyos upang kayo ay kaniyang itaas sa takdang panahon. 7 Ilagak ninyo sa kaniya ang lahat ninyong kabalisahan sapagkat siya ay nagmamalasakit sa inyo.
8 Magkaroon kayo ng maayos na pag-iisip at magbantay kayo sapagkat ang diyablo na kaaway ninyo ay parang leon na umaatungal at umaali-aligid na naghahanap kung sino ang malalamon niya. 9 Magpakatatag kayo sa inyong pananampalataya. Labanan ninyo siya. Tulad ng nalalaman ninyo, dumaranas din ng gayong kahirapan ang mga kapatid ninyo sa buong sanlibutan.
10 Ang Diyos ng lahat ng biyaya, ang siyang tumawag sa inyo sa kaniyang walang hanggang kaluwalhatian kay Cristo Jesus. Pagkatapos ninyong maghirap ng maikling panahon, siya rin ang magpapaging-ganap, magpapalakas, magbibigay ng kakayanan at magpapatatag sa inyo. 11 Sumakaniya nawa ang papuri at paghahari magpakailanman. Siya nawa!
Panghuling Pagbati
12 Isinulat ko ang maikling liham na ito sa tulong ni Silvano na itinuturing kong matapat na kapatid upang mahikayat ko kayo ng may katapatan at patunayan sa inyo na ito nga ang totoong biyaya ng Diyos na nagpapatatag sa inyo.
13 Ang babae na nasa Babilonia ay bumabati sa inyo. Siya rin ay isang hinirang na tulad ninyo. Binabati rin kayo ni Marcos na aking anak. 14 Batiin ninyo ang isa’t isa ng halik ng pag-ibig. Ang kapayapaan ay sumainyong lahat na na kay Cristo Jesus. Siya nawa!
Copyright © 1998 by Bibles International