1 Pedro 3
Ang Salita ng Diyos
Mga Asawang Babae at mga Asawang Lalaki
3 Kayo namang mga asawang babae, magpasakop kayo sa inyong sariling mga asawa. At kung mayroon pa sa kanila na hindi sumusunod sa salita ng Diyos ay madala rin sila ng walang salita sa pamamagitan ng pamumuhay ng asawang babae.
2 Madadala sila kapag nakita nila ang inyong dalisay na pamumuhay na may banal na pagkatakot. 3 Ang inyong paggayak ay huwag maging sa panlabas lamang. Ito ay huwag maging gaya ng pagtitirintas ng buhok at pagsusuot ng mga hiyas na ginto at mamahaling damit. 4 Sa halip, ang pagyamanin ninyo ay ang paggayak sa pagkatao na natatago sa inyong puso, ang kagayakang hindi nasisira na siyang bunga ng maamo at payapang espiritu. Ito ang lubhang mahalaga sa mata ng Diyos. 5 Ito ay sapagkat ganito ang kagayakang pinagyaman ng mga babaeng banal noong unang panahon. Sila ay nagtiwala sa Diyos at nagpasakop sa kanilang sariling asawa. 6 Katulad ni Sara, sinunod niya at tinawag na panginoon ang kaniyang asawang si Abraham. Kayo rin ay mga anak ni Sara kung mabuti ang inyong mga gawa at wala kayong katatakutang anuman.
7 Kayo namang mga asawang lalaki, manahan kayong may pang-unawa kasama ng inyong asawa tulad ng isang mahinang sisidlan. Bigyan ninyo sila ng karangalan sapagkat kapwa ninyo silang tagapagmana ng biyaya ng buhay. Sa gayon ay walang magiging hadlang sa inyong mga panalangin.
Pagdanas ng Hirap sa Paggawa ng Mabuti
8 Katapus-tapusan, magkaisa kayo, magdamayan, magmahalan bilang magkakapatid. Kayo ay maging maawain at mapagkaibigan.
9 Huwag ninyong gantihan ng masama ang gumagawa sa inyo ng masama. Huwag ninyong alipustain ang umaalipusta sa inyo. Sa halip, gantihan ninyo sila ng pagpapala sapagkat tinawag kayo upang gawin ito, upang kayo ay magmana ng pagpapala. 10 Ito ay sapagkat nasusulat:
Ang nagnanais umibig sa buhay at makakita ng mabubuting araw ay dapat magpigil ang dila mula sa pagsasalita ng masama. At ang kaniyang labi ay dapat pigilin sa pagsalita ng pandaraya.
11 Tumalikod siya sa masama at gumawa siya ng mabuti. Hanapin niya ang kapayapaan at ipagpatuloy niya ito. 12 Ito ay sapagkat ang mga mata ng Panginoon ay nasa mga matuwid. Ang kaniyang tainga ay dumirinig ng kanilang panalangin. Ngunit ang mukha ng Panginoon ay laban sa mga gumagawa ng masama.
13 Kapag ang sinusunod ninyo ay ang mabuti, sino ang mananakit sa inyo? 14 At kung uusigin kayo sa paggawa ng mabuti, pinagpala pa rin kayo. Huwag kayong matakot sa kanilang pinangangambahan at huwag kayong mabagabag. 15 Ngunit pakabanalin ninyo ang Panginoong Diyos sa inyong mga puso. Humanda kayong lagi na sumagot sa sinumang magtatanong sa inyo patungkol sa inyong pag-asa, na may kaamuan at pagkatakot. 16 Magkaroon kayo ng magandang budhi upang mapahiya ang mga naninirang-puri sa inyo na nagsasabing gumagawa kayo ng masama at tumutuya sa inyong magandang pamumuhay kay Cristo. 17 Ito ay sapagkat kung loloobin ng Diyos, higit na mabuti ang magdusa nang dahil sa paggawa ng kabutihan kaysa paggawa ng kasamaan.
18 Dahil si Cristo man ay minsang nagdusa dahil sa kasalanan. Ang matuwid para sa mga hindi matuwid upang madala niya tayo sa Diyos. Pinatay siya sa laman ngunit binuhay siya sa pamamagitan ng Espiritu. 19 Sa pamamagitan din niya pumunta siya at nangaral sa mga espiritung nakabilanggo. 20 Iyan ang mga espiritung sumuway, na nang minsan ay hinintay ng pagbabata ng Diyos noong panahon ni Noe, samantalang ginagawa ang arka. Ilan tao lamang ang naligtas. Walo lamang ang naligtas sa arka sa pamamagitan ng tubig. 21 Ang tubig na iyon ang larawan ng bawtismo na ngayon ay nagliligtas sa atin. Hindi sa paglilinis ng karumihan ng makasalanang likas kundi ang tugon ng isang malinis na budhi sa Diyos. Ito ay sa pamamagitan ng pagkabuhay muli ni Jesucristo. 22 Siya ay umakyat sa langit at nasa kanan ng Diyos. Ipinasailalim na sa kaniya ng Diyos ang mga anghel, ang mga kapamahalaan at ang mga kapangyarihan.
Copyright © 1998 by Bibles International