1 Mga Hari 5
Magandang Balita Biblia
Paghahanda sa Pagtatayo ng Templo(A)
5 Matagal nang magkaibigan si Hiram na hari ng Tiro at si Haring David. Kaya't nang mabalitaan nitong si Solomon ay pinili na bilang hari, at siyang kahalili ng kanyang amang si David, nagpadala agad ito ng mga sugo kay Solomon. 2 Nagsugo rin sa kanya si Solomon at ganito ang ipinasabi: 3 “Alam po ninyo na ang ama kong si David ay hindi nakapagtayo ng Templo para kay Yahweh na kanyang Diyos. Ito'y dahil sa mga digmaang hinarap niya sa magkabi-kabilang panig hanggang sa pagtagumpayin siya ni Yahweh laban sa lahat niyang mga kaaway. 4 Ngunit binigyan ako ngayon ng Diyos kong si Yahweh ng kapayapaan sa buong kaharian. Wala na akong kaaway at wala nang panganib na pinangangambahan. 5 Kaya(B) binabalak kong ipagtayo ng isang templo si Yahweh na aking Diyos. Gaya ng pangako niya sa aking ama, ‘Ang anak mo na pauupuin ko sa iyong trono bilang kahalili ang siyang magtatayo ng aking Templo.’ 6 Kaya hinihiling ko sa inyong Kamahalan na bigyan ako ng mga tauhang puputol ng mga sedar sa Lebanon. Babayaran ko sila sa halagang itatakda ninyo. Tutulong sa kanila ang mga tauhan ko sapagkat hindi sila sanay magputol ng mga punongkahoy tulad ng mga taga-Sidon.”
7 Lubos na ikinatuwa ni Hiram nang marinig niya ang kahilingang iyon ni Solomon. Kaya't sinabi niya, “Purihin si Yahweh sa araw na ito sapagkat binigyan niya si David ng isang anak na marunong mamahala sa kanyang dakilang sambayanan!” 8 At ganito ang naging tugon ni Hiram kay Solomon: “Natanggap ko ang iyong mensahe. Handa akong magbigay sa inyo ng lahat ng kailangan ninyong kahoy na sedar at sipres. 9 Ilulusong ng aking mga tauhan ang mga troso buhat sa Lebanon hanggang sa dagat. Buhat naman doon ay babalsahin hanggang sa daungan na inyong mapili. Pagdating doon, saka paghihiwa-hiwalayin upang inyong ipahakot. Bilang kapalit, bibigyan naman ninyo ako ng mga pagkain para sa aking mga tauhan.”
10 Kaya't pinadalhan ni Hiram si Solomon ng lahat ng kahoy na sedar at sipres na kailangan nito. 11 Taun-taon naman ay pinadadalhan ni Solomon si Hiram ng 100,000 takal ng trigo at 110,000 galong langis ng olibo para sa mga tauhan nito.
12 Si Solomon nga'y binigyan ni Yahweh ng karunungan tulad ng kanyang ipinangako. Naging magkaibigan sina Solomon at Hiram, at gumawa sila ng kasunduan ng pagkakaibigan.
13 Iniutos ni Solomon sa buong Israel ang sapilitang pagtatrabaho ng 30,000 kalalakihan. 14 Ipinadadala(C) niya sa Lebanon ang mga ito, 10,000 bawat pangkat. Isang buwan sila sa Lebanon, at dalawang buwan sa kani-kanilang tahanan. Si Adoniram ang tagapangasiwa ng sapilitang paggawang ito. 15 Si Solomon ay may walumpung libong tagatibag ng mga bato sa bundok at pitumpung libong tagahakot ng mga ito. 16 Umabot sa 3,300 naman ang mga kapatas na namamahala sa mga manggagawa. 17 Sa utos ng hari, nagtatabas sila ng malalaking bato upang gamiting pundasyon ng Templo. 18 Katulong din ng mga tauhan ni Solomon at ni Hiram ang mga taga-Biblos sa pagtibag ng bato at pagputol ng kahoy na ginamit sa pagtatayo ng Templo.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.