1 Mga Hari 3
Magandang Balita Biblia
Ang Karunungan ni Solomon(A)
3 Naging kakampi ni Solomon ang Faraon, hari ng Egipto, nang kanyang pakasalan ang anak nito. Itinira niya ang prinsesa sa lunsod ni David habang hindi pa tapos ang kanyang palasyo, ang bahay ni Yahweh at ang pader ng Jerusalem. 2 Ngunit ang mga taong-bayan ay patuloy pang nag-aalay ng kanilang mga handog sa Diyos sa mga sagradong burol, sapagkat wala pa noong naitatayong bahay sambahan para kay Yahweh. 3 Mahal ni Solomon si Yahweh, at sinusunod niya ang mga tagubilin ng kanyang amang si David. Subalit nag-aalay din siya ng handog at nagsusunog ng insenso sa mga altar sa burol.
4 Minsan,(B) pumunta si Solomon sa Gibeon upang maghandog, sapagkat iyon ang pinakatanyag na sagradong burol. Nakapag-alay na siya roon ng daan-daang handog na sinusunog. 5 Kinagabihan, samantalang siya'y naroon pa sa Gibeon, nagpakita sa kanya si Yahweh sa isang panaginip at tinanong siya, “Ano ang gusto mong ibigay ko sa iyo? Sabihin mo!” wika sa kanya.
6 Sumagot si Solomon, “Kinahabagan ninyo at tunay na minahal ang aking amang si David dahil naging tapat at matuwid siya sa inyo at naging malinis ang kanyang puso. At ipinagpatuloy ninyo ang inyong tapat na pagmamahal sa kanya nang bigyan ninyo siya ng isang anak na ngayo'y nakaupo sa kanyang trono. 7 Yahweh, aking Diyos, ginawa mo akong hari bilang kahalili ng aking amang si David, kahit ako'y bata pa't walang karanasan. 8 Ngayo'y nasa kalagitnaan ako ng iyong bayang pinili, bayang hindi na mabilang sa dami. 9 Bigyan po ninyo ako ng karunungang kailangan ko sa pamamahala at kakayahang kumilala ng mabuti sa masama. Sapagkat sino po ba ang may kakayahang maghari sa napakalaking bayang ito?”
10 Dahil ito ang hiniling ni Solomon, nalugod sa kanya si Yahweh 11 at sinabi sa kanya, “Dahil hindi ka humiling para sa iyong sarili ng mahabang buhay, o kayamanan, o kamatayan ng iyong mga kaaway, kundi ang hiniling mo'y karunungang kumilala ng mabuti sa masama, 12 ibibigay ko sa iyo ang hiniling mo. Bibigyan kita ng karunungan na walang kapantay, maging sa mga nauna o sa mga susunod pa sa iyo. 13 Ibibigay ko rin sa iyo ang mga bagay na hindi mo hiningi: kayamanan at karangalang hindi mapapantayan ng sinumang hari sa buong buhay mo. 14 At kung mamumuhay ka ayon sa aking kalooban, kung susundin mo ang aking mga batas at mga utos, tulad ng ginawa ng iyong amang si David, pagkakalooban pa kita ng mahabang buhay.”
15 Nagising si Solomon at noon niya nalaman na siya'y kinausap ni Yahweh sa panaginip. Pagbalik niya sa Jerusalem, pumunta siya sa harap ng Kaban ng Tipan ni Yahweh, at nag-alay ng mga handog na susunugin at mga handog para sa kapayapaan. Naghanda rin siya ng isang salu-salo para sa kanyang mga tauhan.
Ang Hatol ni Solomon
16 Isang araw, nagpunta sa hari ang dalawang babaing nagbebenta ng panandaliang-aliw. 17 Ang sabi ng isa, “Mahal na hari, kami po ng babaing ito ay nakatira sa iisang bahay. Nanganak po ako habang siya'y naroon. 18 Pagkalipas ng tatlong araw nanganak din ang babaing ito. Wala po kaming ibang kasama roon. 19 Isang gabi ay nadaganan po niya ang kanyang anak at ito'y namatay. 20 Malalim na ang gabi nang siya'y bumangon at habang ako nama'y natutulog. Kinuha niya sa tabi ko ang aking anak at dinala sa kanyang higaan, at inilagay naman sa tabi ko ang kanyang patay na anak. 21 Kinaumagahan, bumangon po ako upang pasusuhin ang aking anak, ngunit natagpuan ko na lang na ito'y patay na. Subalit nang pagmasdan ko pong mabuti, nakilala kong hindi iyon ang aking anak.”
22 Tumutol naman ang pangalawa at ang sabi, “Hindi totoo 'yan! Anak ko ang buháy at ang sa iyo'y patay.”
Lalo namang iginiit ng una, “Hindi totoo 'yan! Anak mo ang patay at akin ang buháy!”
At ganito ang kanilang pagtatalo sa harapan ng hari.
23 Kaya't sinabi ni Solomon sa isa, “Sinasabi mong iyo ang buháy na bata at kanya ang patay;” at sa ikalawa, “Ang sabi mo nama'y iyo ang buháy at kanya ang patay.” 24 Kaya nagpakuha ang hari ng isang tabak. At dinala nga sa kanya ang isang tabak. 25 Sinabi ng hari, “Hatiin ang batang buháy at ibigay ang kalahati sa bawat isa.”
26 Nabagbag ang puso ng tunay na ina ng batang buháy at napasigaw: “Huwag po, Kamahalan! Ibigay na po ninyo sa kanya ang bata, huwag lamang ninyong patayin.”
Sabi naman noong isa, “Sige, hatiin ninyo ang bata upang walang makinabang kahit sino sa amin!”
27 Kaya't sinabi ni Solomon, “Huwag ninyong patayin ang bata. Ibigay ninyo sa una; siya ang tunay niyang ina.”
28 Napabalita sa buong Israel ang hatol na iginawad ng hari at ang lahat ay nagkaroon ng paggalang at takot sa kanya. Nabatid nilang taglay niya ang karunungan ng Diyos upang humatol nang makatarungan.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.