1 Cronica 4
Magandang Balita Biblia
Ang Lipi ni Juda
4 Kabilang ang mga ito sa mga anak ni Juda: sina Peres, Hezron, Carmi, Hur at Sobal. 2 Anak ni Sobal si Reaias na ama ni Jahat. Anak naman ni Jahat sina Ahumai at Lahad. Ito ang angkan ng mga Zorita.
3-4 Si Hur ang panganay ni Efrata na asawa ni Caleb at ang kanyang mga apo ang nagtatag ng lunsod ng Bethlehem. Tatlo ang anak na lalaki ni Hur: sina Etam, Penuel, at Ezer. Ang mga anak na lalaki[a] naman ni Etam ay sina Jezreel, Isma at Idbas. Hazzelelponi ang pangalan ng kapatid nilang babae. Si Penuel ang nagtatag ng lunsod ng Gedor, at si Ezer naman ang nagtatag ng Husa.
5 Si Asur na nagtatag ng bayan ng Tekoa ay may dalawang asawa, sina Hela at Naara. 6 Naging anak ni Asur kay Naara sina Ahuzam, Hefer, Temeni at Haahastari. 7 Naging anak naman niya kay Hela sina Zeret, Izar at Etnan. 8 Si Coz ang ama ni Anub at Zobeba, at ng mga angkan ni Aharhel na anak ni Harum.
9 Si Jabes ay higit na marangal kaysa mga kapatid niya. Jabes[b] ang ipinangalan sa kanya sapagkat sabi ng kanyang ina, “Masyado akong nahirapan nang ipanganak ko siya.” 10 Ngunit nanalangin si Jabes sa Diyos ng Israel at sinabi: “Pagpalain po ninyo ako! Palawakin ninyo ang aking lupain. Samahan po ninyo ako at ingatan sa anumang kasawiang makakasakit sa akin.” At ipinagkaloob ng Diyos ang kanyang kahilingan.
Iba pang Listahan ng mga Angkan
11 Si Caleb na kapatid ni Suha ang ama ni Mehir na ama naman ni Eston. 12 Si Eston ang ama nina Beth-rafa, Pasea at Tehina na siyang nagtatag ng lunsod ng Nahas. Ang mga apo nila ang nanirahan sa Reca.
13 Mga anak ni Kenaz sina Otniel at Seraias, at mga anak naman ni Otniel sina Hatat at Meonotai. 14 Si Meonotai ang ama ni Ofra, at si Seraias naman ang ama ni Joab na nagtatag ng Libis ng mga Panday, sapagkat ang mga nakatira roon ay mga panday. 15 Ang mga anak ni Caleb na anak ni Jefune ay sina Iru, Ela at Naam. Ang anak naman ni Ela ay si Kenaz. 16 Mga anak naman ni Jehalelel sina Zif, Sifa, Tirias at Asarel.
17 Ang mga anak ni Ezra ay sina Jeter, Mered, Efer at Jalon. Ang mga anak ni Mered kay Bitia na anak ng Faraon ay sina Miriam, Samai at Isba na siyang nagtatag ng Estemoa. 18 Sa asawa naman niyang taga-Juda, naging anak ni Mered si Jered na nagtatag ng Gedor, si Heber na nagtatag ng Soco at si Jecutiel na nagtatag ng Zanoa. 19 Ang pinagmulan ng mga Garmita na nanirahan sa Keila at ng mga Maacateo na nanirahan sa Estemoa ay ang mga anak ni Hodias sa asawa na kapatid na babae ni Naham. 20 Ang mga anak ni Simon ay sina Amnon, Rina, Benhanan at Tilon. Mga anak naman ni Isi sina Zohet at Ben-zohet.
Ang Angkan ni Sela
21 Ang mga anak ni Sela na anak ni Juda ay sina Er na nagtatag ng Leca, si Laada na nagtatag ng Maresa, at ang mga angkang humahabi ng telang lino sa Beth-asbea. 22 Siya rin ang ama ni Joquim, at ng mga taga-Cozeba, gayundin nina Joas at Saraf. Ang mga ito ay nagkaasawa sa Moab bago nagbalik at nanirahan sa Bethlehem. (Napakatagal na ang mga pangyayaring ito.) 23 Ang mga ito'y magpapalayok at tumira sa Netaim at Gedera, bilang mga lingkod ng hari.
Ang Lipi ni Simeon
24 Ang mga anak ni Simeon ay sina Nemuel, Jamin, Jarib, Zera at Saul. 25 Anak ni Saul si Sallum, at apo niya si Mibsan. Anak naman ni Mibsan si Misma. 26 Mga anak ni Misma sina Hamuel, Zacur at Simei. 27 Labing-anim ang anak na lalaki ni Simei at anim naman ang babae. Ngunit kaunti lamang ang anak ng kanyang mga kapatid kaya hindi lumaki ang kanilang angkan tulad ng kay Juda.
28 Ito(A) ang mga lunsod na tinirhan nila: Beer-seba, Molada, Hazar-shual, 29 Bilha, Ezem, Tolad, 30 Bethuel, Horma, Ziklag, 31 Beth-marcabot, Hazar-susim, Beth-biri, at Saaraim. Ito ang kanilang mga lunsod hanggang maging hari si David. 32 Kanila rin ang limang lunsod ng Etam, Ain, Rimon, Toquen at Asan, 33 pati ang mga nayon sa paligid nito hanggang sa bayan ng Baalat. Ito ang talaan na kanilang iniingatan tungkol sa kanilang mga angkan at mga lugar na kanilang tinirhan. Habang sila'y narito, mayroon silang sariling talaan ng kanilang angkan.
34-38 Ito ang mga naging pinuno ng kanilang mga angkan: Mesobab, Jamlec at Josa na anak ni Amazias; sina Joel at Jehu na mga anak ni Josibias na anak ni Seraias na anak naman ni Asiel; sina Elioenai, Jaacoba, Jesohaias, Asaias, Adiel, Jesimiel, at Benaias. Kabilang din si Ziza na anak ni Sifi na anak naman ni Allon. Si Allon ay anak ni Jedaias na anak ni Simri na anak naman ni Semaias.
Patuloy sa paglaki ang kanilang mga angkan, 39 kaya't kumalat sila sa dakong silangan, at sa paghahanap ng pastulan ay umabot sila hanggang sa kapatagan ng Gedor. 40 Nakatagpo sila ng magandang pastulan, malawak, tahimik at payapa. Mga Hamita ang dating nakatira sa lugar na iyon. 41 Ang nabanggit na angkang ito ni Simeon ang sumalakay sa mga Hamita nang panahong naghahari si Ezequias sa Juda. Winasak nila ang lugar na iyon, nilipol ang mga Meunim na naroon at sila ang tumira, sapagkat maganda ang pastulan doon. 42 Sa mga sumalakay na ito, limandaan pang tauhan ni Simeon ang patuloy na lumusob sa kaburulan ng Seir sa pangunguna nina Pelatias, Nearias, Refaias at Uziel, mga anak ni Isi. 43 Nilipol nila ang mga natirang Amalekita na tumakas patungo roon. Hanggang ngayo'y sila ang nakatira doon.
Footnotes
- 1 Cronica 4:3 mga anak na lalaki: Sa ibang manuskrito'y mga ninuno .
- 1 Cronica 4:9 JABES: Sa wikang Hebreo, ang kahulugan ng pangalang ito'y “hirap” o kaya'y “sakit” .
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.