1 Cronica 27
Magandang Balita Biblia
Ang Organisasyong Sibil at Militar
27 Ito ang listahan ng mga Israelitang pinuno ng kani-kanilang angkan at mga pinuno ng libu-libo at daan-daan, gayundin ang mga pinuno ng hukbong naglingkod sa hari. Sila ay pinagpangkat-pangkat ng tig-24,000 at maglilingkod bawat buwan sa pangunguna ng kani-kanilang pinuno. 2 Si Jasobeam, anak ni Zabdiel, ang namahala sa pangkat na naglingkod sa unang buwan. Siya'y namuno sa 24,000 katao. 3 Mula siya sa angkan ni Peres, at siya ang pangkalahatang pinuno. 4 Si Dodai na taga-Aho ang namahala sa ikalawang buwan. 5 Ang namahala naman sa ikatlong buwan ay si Benaias, anak ng paring si Joiada. 6 Siya ang Benaias na pinuno ng Tatlumpung Matatapang na Mandirigma. Ang namahala sa kanyang pangkat ay ang anak niyang si Amizabad. 7 Ang pangkat naman na nanungkulan sa ikaapat na buwan ay pinamahalaan ni Asahel, kapatid ni Joab. Ang humalili sa kanya ay ang anak niyang si Zebadias. 8 Ang pangkat namang nanungkulan sa ikalimang buwan ay pinamahalaan ni Samhut na taga-Ishar. 9 Ang namahala naman sa pangkat na nanungkulan sa ikaanim na buwan ay si Ira, anak ni Ikes na taga-Tekoa. 10 Ang pangkat para sa ikapitong buwan ay pinamahalaan ni Helez, anak ni Efraim at taga-Pelon. 11 Ang pangkat sa ikawalong buwan ay pinamahalaan naman ni Sibecai na taga-Husa, mula sa angkan ni Zera. 12 Ang pangkat na nanungkulan sa ikasiyam na buwan ay pinamahalaan ni Abiezer na isang taga-Anatot, buhat sa lipi ni Benjamin. 13 Ang pangkat namang nanungkulan sa ikasampung buwan ay pinamahalaan ni Maharai na taga-Netofa, mula sa angkan ni Zera. 14 Ang pangkat na nanungkulan sa ikalabing isang buwan ay pinamahalaan naman ni Benaias na isang taga-Peraton, mula sa lipi ni Efraim. 15 Ang pangkat na nanungkulan sa ikalabindalawang buwan ay pinamahalaan naman ni Heldai, taga-Netofa, buhat sa angkan ni Otniel.
Ang mga Namahala sa mga Lipi ng Israel
16 Ito ang mga namahala sa Israel: sa lipi ni Ruben ay si Eliezer na anak ni Zicri; sa lipi ni Simeon ay si Sefatias na anak ni Maaca; 17 sa lipi ni Levi ay si Hashabias na anak ni Kemuel; sa angkan ni Aaron ay si Zadok; 18 sa lipi naman ni Juda ay si Elihu, isa sa mga kapatid ni David; sa lipi ni Isacar ay si Omri na anak ni Micael; 19 sa lipi ni Zebulun ay si Ismaias na anak ni Obadias; sa lipi ni Neftali ay si Jerimot na anak ni Azriel; 20 sa lipi ni Efraim ay si Hosea na anak ni Azarias; sa kalahating lipi ni Manases ay si Joel na anak ni Pedaias. 21 Ang namahala naman sa kalahating lipi ni Manases na nasa Gilead ay si Iddo na anak ni Zacarias; sa lipi ni Benjamin ay si Jaasiel na anak ni Abner; 22 at sa lipi naman ni Dan ay si Azarel na anak ni Jeroham.
23 Hindi(A) na ibinilang ni David sa sensus ang mga Israelitang wala pang dalawampung taóng gulang sapagkat ipinangako ng Diyos na pararamihin niyang sindami ng mga bituin sa langit ang mga Israelita. 24 Ang(B) sensus ay sinimulan ni Joab, anak ni Zeruias ngunit hindi niya ito natapos sapagkat nagalit ang Diyos sa Israel sa ginawang ito. Kaya't hindi na napabilang ang mga ito sa listahan ni Haring David.
Ang mga Namahala sa Kayamanan ng Hari
25 Ang namahala sa mga kabang-yaman ng hari ay si Azmavet na anak ni Abdiel, ngunit sa mga kayamanang nasa mga lalawigan, lunsod, nayon, at ang nasa mga tore, ang namahala ay si Jonatan na anak ni Uzias. 26 Si Ezri na anak ni Kelub ang ginawang tagapamahala ng mga magsasaka. 27 Si Simei na isang taga-Rama ang namahala sa mga ubasan, at si Zabdi na isang taga-Sephan ang namahala naman sa imbakan ng alak. 28 Si Baalhahan na isang taga-Geder ang namahala sa mga tanim na olibo at sikamoro sa Sefela, at sa bodega naman ng langis ay si Joas. 29 Si Sitrai na taga-Saron ang namahala sa mga kawan sa pastulan ng Saron at si Safat, anak ni Adlai ang namahala naman sa mga kawan na nasa kapatagan. 30 Sa mga kamelyo naman, ang namahala ay si Obil na isang Ismaelita; sa mga inahing asno ay si Jedeias na taga-Meronot, at sa mga kawan ay si Jaziz na Hagrita. 31 Ang lahat ng ito'y mga katiwala ng mga ari-arian ni David.
Ang mga Tagapayo ni David
32 Si Jonatan, ang tiyo ni David, ang kinuhang tagapayo ng mga anak ng hari sapagkat siya'y matalino at dalubhasa. Magkatulong sila ni Jehiel, anak ni Hacmoni, sa pagtuturo sa mga anak ng hari. 33 Ang tagapayo naman ng hari ay si Ahitofel; at si Husai naman, na isang Arkita, ang matalik na kaibigan ng hari. 34 Nang mamatay si Ahitofel ay pumalit sa kanya si Joiada na anak ni Benaias at si Abiatar. Si Joab naman ang pinakamataas na pinuno ng hukbo ng hari.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.