1 Cronica 25
Magandang Balita Biblia
Ang mga Mang-aawit sa Templo
25 Pinili ni David at ng mga pinuno ng mga Levita ang mga anak nina Asaf, Heman at Jeduthun upang manguna sa pagsamba. Tungkulin nilang magpahayag ng salita ng Diyos sa saliw ng lira, alpa, at pompiyang. Ito ang listahan ng kanilang mga pangalan at ang kani-kanilang tungkulin: 2 sina Zacur, Jose, Netanias at Asarela. Sila ay pinangunahan ni Asaf na kanilang ama sa pagpapahayag ng salita ng Diyos sa ilalim ng pamamahala ng hari. 3 Sina Gedalias, Zeri, Jesaias, Hashabias, Matitias at Simei ay pinangunahan ng ama nilang si Jeduthun sa pagpapahayag ng salita ng Diyos nang may pagpupuri at pasasalamat kay Yahweh sa saliw ng lira. 4 Sina Bukias, Matanias, Uziel, Sebuel, Jerimot, Hananias, Hanani, Eliata, Gedalti, Romamti-ezer, Josbecasa, Maloti, Hotir at Mahaziot 5 ay mga anak ni Heman na propeta ng hari—labing-apat na lalaki at tatlong babae. Ang mga ito ang itinalaga ng Diyos kay Heman upang tumugtog ng tambuli. 6 Ang kanilang ama ang namahala sa kanilang pag-awit sa Templo ni Yahweh, gayundin sa pagtugtog ng pompiyang, alpa, at lira. Sina Asaf, Jeduthun at Heman na namamahala sa kani-kanilang mga anak ay nasa ilalim ng pamamahala ng hari. 7 Ang bilang ng mga ito kasama na ang iba pa nilang mga kamag-anak na pawang nagsanay sa pag-awit kay Yahweh ay 288.
8 Sama-sama silang nagpalabunutan para malaman ang kanilang tungkulin, bata at matanda, guro at mag-aaral.
9-31 Ang 288 na ito ay hinati, ayon sa kani-kanilang sambahayan, sa dalawampu't apat na pangkat na tiglalabindalawa. Ang bawat isa ay pinamahalaan ng isang pinuno. Ito ang pagkakasunud-sunod nila ayon sa kani-kanilang tungkulin: 1) Si Jose sa sambahayan ni Asaf; 2) si Gedalia; 3) si Zocur; 4) si Zeri; 5) si Netanias; 6) si Bukias; 7) si Azarel; 8) si Jesaias; 9) si Matanias; 10) si Simei; 11) si Uziel; 12) si Hashabias; 13) si Sebuel; 14) si Matitias; 15) si Jerimot; 16) si Hananias; 17) si Josbecasa; 18) si Honani; 19) si Maloti; 20) si Eliata; 21) si Hotir; 22) si Gidalti; 23) si Mahaziot; at 24) si Romamti-ezer.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.