1 Cronica 21
Magandang Balita Biblia
Ang Sensus at ang Salot(A)
21 Nais guluhin ni Satanas ang Israel kaya inudyukan nito si David na magsensus. 2 Dahil dito, inutusan ng hari si Joab at ang mga pinuno ng hukbo na alamin ang bilang ng mga Israelita mula sa Beer-seba hanggang sa Dan, at iulat sa kanya.
3 Ngunit sinabi ni Joab, “Halimbawang ang mga tao'y paramihin ni Yahweh nang makasandaang beses, hindi ba't sila'y mga lingkod mo pa rin, at ikaw ang kanilang marangal na hari? Bakit pa ninyo kailangang gawin ito, Kamahalan? Bakit pa ninyo bibigyan ng dahilan upang magkasala ang Israel?” 4 Ngunit nanaig ang utos ng hari. Kaya't si Joab ay naglibot sa buong lupain at pagkatapos ay nagbalik sa Jerusalem. 5 Iniulat niya kay David ang kabuuang bilang ng kalalakihang maaaring gawing kawal: sa Israel ay 1,100,000 at sa Juda naman ay 470,000. 6 Ngunit hindi niya isinama sa sensus ang lipi nina Levi at Benjamin, sapagkat labag sa kanyang kalooban ang utos na ito ng hari.
7 Nagalit ang Diyos sa ginawang ito, kaya pinarusahan niya ang Israel. 8 Sinabi ni David sa Diyos, “Napakalaking kasalanan ang nagawa ko, Yahweh! Patawarin mo sana ako sa aking kahangalan.”
9 Sinabi ni Yahweh kay Gad, ang propeta ni David, 10-11 “Pumunta ka kay David at sabihin mo sa kanya, ‘Sinabi ni Yahweh, pumili ka sa tatlong bagay na maaari kong gawin sa iyo.’”
Pumunta nga si Gad kay David at pinapili ito: 12 tatlong taóng taggutom, tatlong buwang pananalanta ng mga kaaway, o tatlong araw na pananalanta ng Diyos sa pamamagitan ng salot sa buong Israel na isasagawa ng anghel ni Yahweh. “Magpasya ka ngayon upang masabi ko ito kay Yahweh,” sabi ni Gad kay David.
13 “Napakahirap ng kalagayan ko,” sagot ni David. “Gusto kong si Yahweh ang magparusa sa akin sapagkat mahabagin siya. Ayaw kong tao ang magparusa sa akin.”
14 Nagpadala nga ng salot sa Israel si Yahweh, at pitumpung libo ang namatay sa kanila. 15 Sinugo ng Diyos ang isang anghel ni Yahweh upang wasakin ang Jerusalem, ngunit nang wawasakin na ito, ikinalungkot ni Yahweh ang nangyayari. Kaya't sinabi niya, “Tama na! Huwag mo nang ituloy iyan.” Ang anghel noon ay nakatayo sa tabi ng giikan ni Ornan na isang Jebuseo.
16 Tumingala si David at nakita niya ang anghel ni Yahweh sa pagitan ng langit at lupa. May hawak itong espada at nakaamba sa Jerusalem. Si David at ang matatandang pinuno ay nagsuot ng damit-panluksa, at nagpatirapa. 17 Tumawag siya sa Diyos, “Ako po ang nag-utos na alamin ang bilang ng mga tao. Walang kasalanan ang mga taong-bayan. Kaya ako at ang aking angkan na lamang ang inyong parusahan. Huwag ninyong idamay sa salot ang mga tao.”
18 Si Gad ay inutusan ng anghel ni Yahweh upang sabihin kay David na magpunta sa giikan ni Ornan na Jebuseo at magtayo roon ng altar para kay Yahweh. 19 Sumunod naman si David sa ipinapasabi ni Yahweh kay Gad. 20 Gumigiik noon si Ornan kasama ang apat niyang anak na lalaki. Nang makita nila ang anghel, nagtago ang mga anak niya. 21 Nakita ni Ornan na dumarating si David, kaya't sinalubong niya ito. Nagpatirapa siya bilang pagbibigay-galang. 22 Sinabi ni David, “Bibilhin ko ang lupang ito para pagtayuan ko ng altar ni Yahweh upang matigil na ang salot na namiminsala sa bayan.”
23 “Sa inyo na lang po ito at huwag na ninyong bayaran,” sagot ni Ornan. “Kayo na po ang bahala kung anong gusto ninyong gawin. Narito pa po ang mga toro para sa handog na susunugin at ang mga kahoy na ginagamit sa paggiik para gawing panggatong. Narito rin po ang trigo para sa handog na pagkaing butil. Lahat pong ito'y sa inyo na.”
24 Ngunit sinabi ni David kay Ornan, “Hindi! Ibibigay ko sa iyo ang eksaktong bayad. Hindi ako maghahandog kay Yahweh ng bagay na hindi akin at ng anumang walang halaga.” 25 Kaya't binili ni David kay Ornan ang lugar na iyon sa halagang animnaraang pirasong ginto. 26 Nagtayo siya roon ng altar para kay Yahweh at nagdala ng handog na susunugin at handog pangkapayapaan. Nanalangin siya kay Yahweh at sumagot naman si Yahweh sa pamamagitan ng apoy buhat sa langit upang sunugin ang mga handog sa ibabaw ng altar.
27 Iniutos ni Yahweh sa anghel na isuksok na ang espada, at sumunod naman ito. 28 Noon natiyak ni David na pinakinggan siya ni Yahweh. Kaya't nag-alay si David ng mga handog sa giikang pag-aari noon ni Ornan na Jebuseo. 29 Noon, ang tabernakulo ni Yahweh na ginawa ni Moises sa ilang, at ang altar na sunugan ng mga handog ay nasa burol na lugar ng pagsamba sa Gibeon. 30 Ngunit hindi makapunta doon si David upang sumangguni sa Diyos sapagkat natatakot siya sa espada ng anghel ni Yahweh.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.