Add parallel Print Page Options

Ang mga Ginawa ni David sa Jerusalem(A)

14 Si Hiram na Hari ng Tiro ay nagpadala ng mga sugo kay David. Binigyan niya si David ng mga kahoy na sedar at nagsugo rin siya ng mga kantero at karpintero upang gumawa ng palasyo para kay David. Dito nabatid ni David na pinagtibay na ni Yahweh ang pagiging hari niya sa Israel, at ang kanyang kaharian ay pinasagana alang-alang sa bayang Israel.

Dinagdagan pa ni David ang kanyang mga asawa sa Jerusalem at nagkaanak siya ng marami. Ito ang mga anak niya na isinilang sa Jerusalem: sina Samua, Sobab, Natan, Solomon; Ibhar, Elisua, Elpelet; Noga, Nefeg, Jafia; Elisama, Beeliada, at Elifelet.

Ang Tagumpay Laban sa mga Filisteo(B)

Nang mabalitaan ng mga Filisteo na si David ay itinanghal nang hari sa buong Israel, lumusob sila upang hanapin si David. Nalaman ito ni David kaya't hinarap niya ang mga Filisteo. Unang sinalakay ng mga Filisteo ang libis ng Refaim. 10 Itinanong ni David sa Diyos, “Lalabanan ko po ba ang mga Filisteo? Magtatagumpay po ba ako laban sa kanila?”

“Humayo ka,” sagot ni Yahweh, “pagtatagumpayin kita laban sa iyong mga kaaway.”

11 Kaya't sinalakay niya ang mga Filisteo sa Baal-perazim, at natalo niya ang mga ito. Sinabi ni David, “Kinasangkapan ako ng Diyos upang lupigin ang mga kaaway na parang dinaanan ng rumaragasang baha.” Ito ang dahilan kung bakit tinawag ang lugar na iyon na Baal-perazim.[a] 12 Naiwan doon ng mga kaaway ang kanilang mga diyus-diyosan at iniutos ni David na sunugin ang mga ito.

13 Sumalakay muli sa libis ang mga Filisteo. 14 Dahil dito, muling nagtanong sa Diyos si David. Sinabi sa kanya, “Huwag mo silang sasagupain nang harapan. Lumibot ka, at doon ka sumalakay sa may likuran, sa tapat ng mga puno ng balsam. 15 Kapag narinig mo ang mga yabag sa itaas ng mga puno, sumalakay ka na, sapagkat pinangungunahan ka ng Diyos upang wasakin ang hukbo ng mga Filisteo.” 16 Ganoon nga ang ginawa ni David at naitaboy niya ang mga Filisteo mula sa Gibeon hanggang Gezer. 17 Naging tanyag si David sa buong lupain, at ginawa ni Yahweh na matakot kay David ang lahat ng mga bansa.

Footnotes

  1. 1 Cronica 14:11 BAAL-PERAZIM: Sa wikang Hebreo, ang kahulugan ng pangalang ito'y “Ang Panginoon ay parang rumaragasang baha”.