Add parallel Print Page Options

Kaloob na Propesiya at Iba't ibang Wika

14 Pakamithiin ninyo ang pag-ibig at pagsikapan ninyong mithiin ang mga kaloob na espirituwal, lalung-lalo na ang kayo'y makapag-propesiya.

Sapagkat ang nagsasalita ng ibang wika ay hindi sa mga tao nagsasalita kundi sa Diyos, sapagkat walang nakakaunawa sa kanya, yamang sa Espiritu siya nagsasalita ng mga hiwaga.

Subalit ang nagsasalita ng propesiya ay nagsasalita sa mga tao para sa kanilang ikatitibay, ikasisigla, at ikaaaliw.

Ang nagsasalita ng ibang wika ay pinapatibay ang sarili, ngunit ang nagsasalita ng propesiya ay pinapatibay ang iglesya.

Ngayon, nais ko sanang kayong lahat ay magsalita ng mga wika, subalit lalo na ang kayo ay magsalita ng propesiya. Ang nagsasalita ng propesiya ay higit na dakila kaysa nagsasalita ng mga wika, malibang mayroong nagpapaliwanag upang ang iglesya ay mapatibay.

Subalit ngayon, mga kapatid, kung ako'y dumating sa inyo na nagsasalita ng mga wika, anong inyong mapapakinabang sa akin, malibang ako'y magsalita sa inyo sa pamamagitan ng pahayag, o kaalaman, o propesiya, o ng aral?

Maging ang mga bagay na walang buhay na tumutunog kagaya ng plauta, o alpa, kung hindi sila magbigay ng malinaw na tunog, paano malalaman kung ano ang tinutugtog?

Sapagkat kung ang trumpeta ay magbigay ng di-malinaw na tunog, sino ang maghahanda para sa digmaan?

Gayundin naman kayo, kung sa isang wika ay nagsasalita kayo nang hindi nauunawaan, paanong malalaman ng sinuman kung ano ang sinabi? Sapagkat sa hangin kayo magsasalita.

10 Walang alinlangan na napakaraming uri ng mga wika sa sanlibutan, at walang isa man na walang kahulugan.

11 Subalit kung hindi ko nalalaman ang kahulugan ng wika, ako ay magiging isang banyaga sa nagsasalita, at ang nagsasalita ay magiging isang banyaga sa akin.

12 Gayundin naman kayo, yamang kayo'y sabik sa kaloob na espirituwal, pagbutihin ninyo ang paggamit sa mga iyon para sa ikatitibay ng iglesya.

13 Kaya't siyang nagsasalita ng wika ay dapat manalangin para sa kapangyarihang makapagpaliwanag.

14 Sapagkat kung ako'y nananalangin sa wika, ang aking espiritu ay nananalangin, ngunit ang aking isipan ay hindi mabunga.

15 Ano kung gayon ang aking gagawin? Ako'y mananalangin sa espiritu, at ako'y mananalangin din sa isipan; ako ay aawit sa espiritu, at ako'y aawit din sa isipan.

16 Kung di gayon, kung ikaw ay nagpupuri sa espiritu, paanong ang isang nasa kalagayang hindi naturuan ay makapagsasabi ng Amen sa iyong pagpapasalamat, gayong hindi niya nalalaman ang iyong sinasabi?

17 Sapagkat maaaring ikaw ay nagpapasalamat ng mabuti, subalit ang iba ay hindi napatitibay.

18 Ako ay nagpapasalamat sa Diyos na ako'y nagsasalita ng mga wika na higit kaysa inyong lahat,

19 ngunit sa iglesya, mas nanaisin ko pang magsalita ng limang salita sa pamamagitan ng aking pag-iisip, upang makapagturo ako sa iba, kaysa sampung libong mga salita sa ibang wika.

20 Mga kapatid, huwag kayong mag-isip bata; sa kasamaan ay maging sanggol kayo, ngunit sa pag-iisip ay maging husto na sa gulang.

21 Sa(A) kautusan ay nakasulat, “Sa pamamagitan ng ibang mga wika, at sa pamamagitan ng mga labi ng mga banyaga ay magsasalita ako sa bayang ito, gayunma'y hindi sila makikinig sa akin,” sabi ng Panginoon.

22 Kaya nga, ang mga wika ay tanda, hindi para sa mga sumasampalataya, kundi sa mga hindi mananampalataya. Subalit ang propesiya ay hindi sa mga hindi mananampalataya, kundi sa mga sumasampalataya.

23 Kaya't kung ang buong iglesya ay nagkakatipon at ang lahat ay nagsasalita ng mga wika, at pumasok ang mga hindi naturuan o hindi mga mananampalataya, hindi kaya nila sasabihing kayo'y mga nasisiraan ng isip?

24 Subalit kung ang lahat ay nagpapahayag ng propesiya at pumasok ang isang hindi mananampalataya, o hindi naturuan, siya ay hinatulan ng lahat, siya ay pinananagot ng lahat.

25 Pagkatapos na mabunyag ang mga lihim ng kanyang puso, ang taong iyon ay yuyukod,[a] at kanyang sasambahin ang Diyos at ipahahayag, “Tunay na kasama ninyo ang Diyos.”

Kaayusan sa Iglesya

26 Ano kung gayon, mga kapatid? Kapag kayo'y nagkakatipon, bawat isa ay may isang awit, isang aral, isang pahayag, isang wika, isang pagpapaliwanag. Gawin ninyo ang lahat ng mga bagay para sa pagpapatibay.

27 Kung nagsasalita ang sinuman ng wika, dapat ay dalawa o hanggang tatlo lamang, at sunud-sunod ang bawat isa, at may isang magpaliwanag.

28 Subalit kung walang tagapagpaliwanag, tumahimik ang bawat isa sa iglesya at magsalita sa kanyang sarili, at sa Diyos.

29 Hayaang magsalita ang dalawa o tatlo sa mga propeta, at ang iba'y umunawa sa sinasabi.

30 Kung may ipinahayag na anuman sa isang nakaupo, tumahimik muna ang nauna.

31 Sapagkat kayong lahat ay isa-isang makapagpapahayag ng propesiya upang ang lahat ay matuto, at ang lahat ay mapasigla.

32 At ang mga espiritu ng mga propeta ay nasasailalim ng mga propeta,

33 sapagkat ang Diyos ay hindi Diyos ng kaguluhan, kundi ng kapayapaan. Gaya sa lahat ng mga iglesya ng mga banal,

34 ang mga babae ay dapat tumahimik sa mga iglesya, sapagkat sila'y hindi pinahihintulutang magsalita, kundi pasakop, gaya ng sinasabi ng kautusan.

35 Kung mayroong anumang bagay na nais nilang malaman, tanungin nila ang kanilang mga asawa sa bahay; sapagkat kahiyahiya para sa isang babae ang magsalita sa iglesya.

36 Ang salita ba ng Diyos ay nagmula sa inyo? O kayo lamang ba ang dinatnan nito?

37 Kung iniisip ng sinuman na siya'y propeta, o taong espirituwal, dapat niyang kilalanin na ang aking isinusulat sa inyo ay utos ng Panginoon.

38 Subalit kung ang sinuman ay hindi kumilala nito, siya ay hindi kikilalanin.

39 Kaya, mga kapatid ko, masikap ninyong naisin na makapagsalita ng propesiya at huwag ninyong ipagbawal ang pagsasalita ng mga wika.

40 Subalit gawin ang lahat ng mga bagay nang nararapat at may kaayusan.

Footnotes

  1. 1 Corinto 14:25 Sa Griyego ay isusubsob ang mukha .