1 Corinto 8
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon)
Tungkol sa Pagkaing Inihandog sa Diyus-diyosan
8 Ngayon, ipaliliwanag ko naman sa inyo ang tungkol sa mga pagkaing inihandog sa mga diyus-diyosan. Alam nating “may kaalaman tayong lahat,” gaya ng sabi ng iba. Ang kaalamang ito ay nagtutulak sa tao na maging mapagmataas, subalit ang pag-ibig ay nakakapagpatatag. 2 Ang nag-aakalang may nalalaman siya ay hindi pa nakakaalam ng dapat niyang malaman. 3 Ngunit ang umiibig sa Diyos ay kilala ng Diyos.
4 Kaya nga, tungkol sa pagkaing inihandog sa diyus-diyosan, alam nating ang mga diyus-diyosan ay larawan ng mga bagay na di-totoo, at alam nating iisa lamang ang Diyos. 5 Kahit na may tinatawag na “mga diyos” sa langit at sa lupa, at ang mga tinatawag na “mga diyos” at “mga panginoon” ay marami, 6 subalit para sa atin ay iisa lamang ang Diyos, ang Ama na lumikha ng lahat ng bagay, at tayo'y nabubuhay para sa kanya. Iisa ang Panginoon, si Jesu-Cristo, at sa pamamagitan niya'y nilikha ang lahat ng bagay, at sa pamamagitan din niya'y nabubuhay tayo.
7 Subalit hindi lahat ay nakakaalam nito. May mga taong nasanay na sa pagsamba sa mga diyus-diyosan noong una, kaya't hanggang ngayon, kapag kumakain sila ng ganoong pagkain, inaakala pa rin nila na iyon ay handog sa diyus-diyosan. Dahil mahina ang kanilang budhi, ang akala nila'y nagkakasala sila kapag kumain sila niyon. 8 Ang pagkain ay walang kinalaman sa katayuan natin sa harap ng Diyos. Walang mawawala sa atin kung hindi tayo kumain ng ganoong pagkain, at wala ring kabutihang maidudulot sa atin kung kumain man tayo niyan.
9 Ngunit mag-ingat kayo, baka ang paggamit ninyo ng kalayaang kumain ng anumang pagkain ay maging sanhi ng pagkakasala ng mahihina sa kanyang paniniwala. 10 Kung ikaw na may sapat na kaalaman ay kumakain sa loob ng templo ng mga diyus-diyosan, at makita ka ng kapatid na mahina ang budhi, hindi kaya siya mabuyong kumain niyon kahit inihandog sa diyus-diyosan? 11 Dahil sa inaakala mong “kaalaman” ay napapahamak ang iyong mahinang kapatid na tinubos din ng kamatayan ni Cristo. 12 Sa ganoong paraan, nagkakasala kayo sa inyong mga kapatid kaya't nagkakasala kayo kay Cristo dahil sinugatan ninyo ang kanilang budhi. 13 Kaya nga, kung dahil sa pagkain ay itinutulak ko sa pagkakasala ang aking kapatid, hindi na ako kakain ng karne upang hindi siya magkasala.