1 Corinto 6
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon)
Ayusin ang Awayan ng Kapatiran
6 Kung may reklamo ang sinuman sa inyo laban sa kanyang kapatid sa pananampalataya, bakit siya nagsasakdal sa mga hukom na di-mananampalataya, sa halip na ipaubaya sa mga hinirang ng Diyos ang pag-aayos ng usapin nila? 2 Hindi ba ninyo alam na ang mga hinirang ng Diyos ang hahatol sa sanlibutan? Kung kayo ang hahatol sa sanlibutan, hindi ba ninyo kayang hatulan ang ganyang kaliit na bagay? 3 Hindi ba ninyo alam na hahatulan natin ang mga anghel? Gaano na lang ang mga bagay na may kinalaman sa buhay na ito! 4 Kung may mga usapin kayo, bakit ninyo ito idinudulog sa mga taong hindi kinikilala ng iglesya? 5 Dapat kayong mahiya! Wala bang isa man lang sa inyo na marunong mag-ayos ng awayan ng magkakapatid? 6 Bakit nagsasakdal kayo sa hukuman, kapatid laban sa kapatid, at sa harap pa naman ng mga di-mananampalataya?
7 Ang pagkakaroon ninyo ng usapin laban sa isa't isa ay isa nang kabiguan sa inyo. Bakit hindi na lang ninyo hayaang gawan kayo ng masama? Bakit hindi na lamang ninyo hayaang madaya kayo? 8 Subalit kayo mismo ang gumagawa ng masama at nandaraya, kahit na sa mga sarili ninyong mga kapatid sa pananampalataya. 9 Hindi ba ninyo alam na ang mga makasalanan ay walang bahagi sa kaharian ng Diyos? Huwag ninyong dayain ang inyong sarili! Ang mga nakikiapid, sumasamba sa diyus-diyosan, nangangalunya, nakikipagtalik sa kapwa lalaki o kapwa babae, 10 nagnanakaw, sakim, naglalasing, nanlalait ng kapwa, o nandaraya, ay walang bahagi sa kaharian ng Diyos. 11 Ganyan ang ilan sa inyo noon. Subalit nilinis na kayo sa inyong mga kasalanan at ginawa na kayong banal ng Diyos. Pinawalang-sala na kayo sa pangalan ng Panginoong Jesu-Cristo at sa pamamagitan ng Espiritu ng ating Diyos.
Ang Katawan Ninyo'y Templo ng Diyos
12 May(A) magsasabi, “Malaya akong makagagawa ng kahit ano,” ngunit ang sagot ko naman ay “Hindi lahat ng bagay ay nakakabuti.” Maaari ko ring sabihin, “Malaya akong gumawa ng kahit ano,” ngunit hindi ako magpapaalipin sa anumang bagay. 13 Sasabihin naman ng iba, “Ang pagkain ay para sa tiyan at ang tiyan ay para sa pagkain.” Totoo iyan, ngunit parehong sisirain ng Diyos ang mga ito. Ang katawan ay hindi para sa imoralidad sapagkat ito'y para sa paglilingkod sa Panginoon, at ang Panginoon naman ang nag-aalaga sa katawan. 14 Muling binuhay ng Diyos si Jesu-Cristo, at tayo man ay muling bubuhayin sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan.
15 Hindi ba ninyo alam na ang inyong mga katawan ay mga bahagi ng katawan ni Cristo? Kukunin ko ba ang bahagi ng katawan ni Cristo upang gawing bahagi ng katawan ng isang babaing nagbebenta ng aliw? Hinding-hindi! 16 Hindi(B) ba ninyo alam na nagiging isa ang katawan ng bayarang babae at ng nakikipagtalik sa kanya? Sapagkat sinasabi sa kasulatan, “Ang dalawa'y magiging isa.” 17 Ang nakikipag-isa sa Panginoon ay nakikipag-isa sa kanya sa espiritu.
18 Iwasan ninyo ang imoralidad. Ang ibang kasalanang nagagawa ng tao ay hindi nakakasira sa katawan, ngunit ang gumagawa ng imoralidad ay nagkakasala laban sa sarili niyang katawan. 19 Hindi(C) ba ninyo alam na ang inyong katawan ay templo ng Espiritu Santo na nasa inyo at ipinagkaloob ng Diyos sa inyo? Hindi ninyo pag-aari ang inyong katawan; 20 sapagkat binili na kayo sa isang halaga. Kaya't gamitin ninyo ang inyong katawan upang maparangalan ang Diyos.