1 Corinto 4
Ang Salita ng Diyos
Mga Apostol ni Cristo
4 Sa ganitong paraan ay kilalanin kami ng mga tao bilang mga lingkod ni Cristo at katiwala ng mga hiwaga ng Diyos.
2 Gayundin naman, ang katiwala ay kinakailangang maging matapat. 3 Para sa akin, isang maliit na bagay na ako ay siyasatin ninyo o kaya ng sinumang tao. Subalit maging ako ay hindi ko sinisiyasat ang aking sarili. 4 Ito ay sapagkat wala akong alam na laban patungkol sa aking sarili subalit hindi ito nangangahulugan na ako ay matuwid. Ngunit siya na sumisiyasat sa akin ay ang Panginoon. 5 Kaya nga, huwag hatulan ang anumang bagay bago dumating ang oras, hanggang sa pagdating ng Panginoon. Dadalhin niya sa liwanag ang mga tagong bagay ng kadiliman at magpapakita ng mga layunin ng mga puso, at ang papuring mula sa Diyos ay makakamtan ng bawat isa.
6 Mga kapatid, ang mga bagay na ito ay aking isinagawa sa aking sarili at gayundin kay Apollos. Ito ay upang matutunan ninyo mula sa amin na huwag mag-isip ng mataas kaysa sa nakasulat. Ito ay upang hindi ninyo ipagmalaki ang isang tao laban sa isang tao. 7 Ang dahilan nito, sino ang gumawa sa inyo na maging iba sa ibang tao? Ano ang mayroon sa inyo na hindi ninyo tinanggap? Ngunit yamang nakatanggap din kayo, bakit nagmamalaki kayo na parang hindi kayo nakatanggap?
8 Nasa inyo na ang higit pa sa kailangan ninyo. Kayo ay mayaman na. Naghari na kayo tulad ng mga hari na hindi kami kasama. At hangad ko na totoong maghari kayo upang kami rin naman ay magharing kasama ninyo. 9 Ito ay sapagkat sa aking palagay, ginawa ng Diyos na kaming mga apostol ay maging pinakahamak sa lahat na parang itinalaga sa kamatayan. Kami ay ginawang isang panoorin para sa sangkatauhan, sa mga anghel at sa mga tao. 10 Kami ay mga mangmang alang-alang kay Cristo ngunit kayo ay mga matatalino. Kami ay mahihina ngunit kayo ay malalakas. Kayo ay pinarangalan ngunit kami ay itinuturing na walang dangal. 11 Hanggang sa ngayon kami ay nagugutom at nauuhaw at walang mga damit. Pinahihirapan kami at walang tirahan. 12 Kami ay nagpapagal, gumagawa sa sarili naming mga kamay. Kapag kami ay nilalait, pinagpapala namin sila. Sa pag-uusig nila sa amin kami ay nagbabata. 13 Pinagwiwikaan nila kami ng masama, kami naman ay nagpapayo. Kami ay naging parang basura ng sanlibutan at mga linab hanggang sa ngayon.
14 Isinulat ko ang mga bagay na ito hindi upang hiyain kayo kundi bigyan kayo ng babala bilang mga minamahal na anak. 15 Ito ay sapagkat kahit magkaroon kayo ng sampung libong guro kay Cristo, hindi marami ang inyong ama dahil sa pamamagitan ng ebanghelyo kayo ay naging mga anak ko kay Cristo Jesus. 16 Kaya nga, ipinamamanhik ko sa inyo, tularan ninyo ako. 17 Dahil dito, isinugo ko sa inyo si Timoteo na minamahal kong anak. Siya ay tapat sa Panginoon. Siya ang magpapaalaala sa inyo ng pamamaraan ng aking pamumuhay kay Cristo ayon sa itinuturo ko sa bawat iglesiya sa lahat ng dako.
18 Ngunit may ilan sa inyo na nagyayabang na parang hindi na ako pupunta sa inyo. 19 Kung loloobin ng Panginoon, pupunta ako sa inyo sa lalong madaling panahon nang sa gayon ay malaman ko ang kapangyarihan ng mga nagyayabang at hindi ang kanilang salita. 20 Ito ay sapagkat ang paghahari nga ng Diyos ay hindi sa salita kundi sa kapangyarihan. 21 Ano ang ibig ninyo? Ibig ba ninyong pumunta ako riyan na may tungkod, o pumunta akong may pag-ibig at may espiritu ng pagpapakumbaba?
Copyright © 1998 by Bibles International