1 Corinto 3
Magandang Balita Biblia
Mga Lingkod ng Diyos
3 Mga kapatid, hindi ko kayo makausap bilang mga taong nagtataglay ng Espiritu. Kailangang kausapin ko kayo bilang mga taong namumuhay pa ayon sa laman at mga sanggol pa sa pananampalataya kay Cristo. 2 Gatas(A) ang ibinigay ko sa inyo noon at hindi matigas na pagkain, sapagkat hindi ninyo kaya iyon. Subalit hanggang ngayon ay hindi pa rin ninyo kaya, 3 sapagkat nananaig pa sa inyo ang laman. Ang inyong pag-iinggitan at pag-aaway-away ay palatandaan na makasanlibutan pa kayo at namumuhay ayon sa laman. 4 Kapag(B) sinasabi ng isa, “Ako'y kay Pablo,” at ng iba, “Ako'y kay Apolos,” hindi ba't palatandaan iyan na kayo'y namumuhay pa ayon sa laman?
5 Sino ba si Apolos at sino si Pablo? Kami'y mga lingkod lamang ng Diyos na kinasangkapan niya upang akayin kayo sa pananampalataya kay Cristo. Ginawa lamang ng bawat isa sa amin ang tungkuling ibinigay ng Panginoon. 6 Ako(C) ang nagtanim, si Apolos ang nagdilig, subalit ang Diyos ang nagpatubo at nagpalago. 7 Hindi ang nagtatanim o nagdidilig ang mahalaga kundi ang Diyos, sapagkat siya ang nagpapatubo at nagpapalago. 8 Ang nagtatanim at ang nagdidilig ay parehong manggagawa lamang, at bawat isa'y tatanggap ng gantimpala ayon sa kanyang pagsisikap. 9 Kami'y kapwa manggagawa ng Diyos at kayo ang kanyang bukirin.
Kayo rin ay gusali ng Diyos. 10 Ayon sa kagandahang-loob ng Diyos sa akin, inilagay ko ang pundasyon, tulad ng isang mahusay na tagapagtayo. Iba naman ang nagpapatuloy sa pagtatayo ng gusali. Ngunit dapat maging maingat ang bawat nagtatayo, 11 sapagkat wala nang ibang pundasyong maaaring ilagay maliban sa nailagay na, walang iba kundi si Jesu-Cristo. 12 May nagtatayo na gumagamit ng ginto, pilak, o mahahalagang bato; mayroon namang gumagamit ng kahoy, damo, o dayami. 13 Makikilala ang uri ng gawa ng bawat isa sa Araw ng Paghuhukom sapagkat mahahayag sa pamamagitan ng apoy kung anong uri ang ginawa ng bawat isa. 14 Kung ang itinayo sa ibabaw ng pundasyon ay hindi masunog, tatanggap ng gantimpala ang nagtayo noon. 15 Ngunit kung masunog naman, mawawalan siya ng gantimpala. Gayunman, maliligtas siya, kaya lang ay para siyang nagdaan sa apoy.
16 Hindi(D) ba ninyo alam na kayo'y templo ng Diyos at naninirahan sa inyo ang kanyang Espiritu? 17 Paparusahan ng Diyos ang sinumang magwasak ng templo niya. Sapagkat banal ang templo ng Diyos, at kayo ang templong iyan.
18 Huwag dayain ninuman ang kanyang sarili. Kung may nag-aakalang siya'y matalino ayon sa sanlibutang ito, aminin niyang siya'y mangmang upang maging tunay na marunong. 19 Sapagkat(E) ang karunungan ng sanlibutang ito ay kamangmangan sa paningin ng Diyos. Gaya ng nasusulat, “Ginagamit niya ang katusuhan ng mga marurunong para mabitag sila.” 20 Gayundin,(F) “Batid ng Panginoon na ang iniisip ng marurunong ay walang kabuluhan.” 21 Kaya't huwag ipagmalaki ninuman na siya'y tagasunod ng sinuman, sapagkat ang lahat ay para sa inyo: 22 si Pablo, si Apolos, at si Pedro, ang sanlibutang ito, ang buhay, ang kamatayan, ang kasalukuyan, at ang hinaharap; lahat ng ito'y para sa inyo. 23 At kayo'y para kay Cristo, at si Cristo nama'y para sa Diyos.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.